backup og meta

Ika-10 Linggo Ng Pagbubuntis: Lahat Ng Dapat Mong Malaman

Ika-10 Linggo Ng Pagbubuntis: Lahat Ng Dapat Mong Malaman

Ang iyong pagbubuntis ay nagsisimula na! Sa ika-10 linggo ng pagbubuntis at pagkakabuo ng sanggol, maaaring hindi mo pa ito naipakikita ngunit maraming mga pagbabagong nangyayari sa iyo at sa iyong sanggol. 

Ika-10 Linggo ng Pagbubuntis: Ano ang nangyayari?

Paano Lumalaki ang Aking Sanggol? 

Sa ika-10 linggo ng pagbubuntis at pagkakabuo ng sanggol, ang mga mahahalagang organs ay nahubog na at ang mga katangian sa mukha ay nabubuo na. Ang puntong ito ang pagtatapos ng embryonic period. Ang sanggol ay maituturing nang fetus. Kasinglaki ito ng isang prune. Ang mga congenital diseases o mga abnormalidad ay hindi inaasahang mabubuo matapos ang ikasampung linggo. 

Ang mga panloob at panlabas na pagbabago ay patuloy na umuunlad: 

  • Ang mga tooth buds ay nagsisimula nang mabuo sa loob ng bibig ng fetus. Ang testes ng lalaking fetus ay nagsisimula nang magprodyus ng testosterone. 
  • Ang tyan ang nagpoprodyus na rin ng mga digestive juices. Sa kabilang banda, ang mga bato ay lumilikha na ng mas maraming ihi. 
  • Ang mga buto at cartilage ay nabubuo na rin, gayundin ang tuhod, bukong-bukong, at mga siko. 
  • Ang utak ng sanggol, spinal cord, at iba pang organs ay nabubuo at isinasagawa ang kani-kanyang mga gampanin. 
  • Ang mga pagbabagong panlabas ay kinabibilangan ng paghihiwalay ng mga daliri sa paa at kamay, at ang pagkawala ng buntot. 

Paano Nagbabago ang Aking Katawan? 

Sa kadahilanang ang ika-10 linggo ng pagbubuntis at pagkakabuo ng sanggol ay malapit na sa dulo ng unang trimester, ang nagdadalantao ay inaasahang makaranas ng mga pisikal na pagbabago. Ang mga ito ay kinabibilangan ng paglambot ng dibdib, pagkapagod, at pagduduwal. Maaari din siyang makaranas ng mga pagbabagong emosyonal gaya ng pagkabahala at pananabik. 

Ang mga sintomas ng ika-10 linggo ay sasabay sa iba pang sintomas ng unang trimester, kabilang na ang mga bagong sintomas. Ito ay ang sumusunod: 

  • Pangkakahatang pagtaas ng timbang 
  • Pananakit ng puson 
  • Mga nakikitang ugat 
  • Pagduduwal o pagsusuka 
  • Pagkapagod 
  • Heartburn 
  • Constipation 
  • Gas 
  • Bloating 
  • Pagke-crave sa mga pagkain at aversions
  • Dumaming vaginal discharge 

Sa ika-10 linggo ng pagbubuntis at pagkakabuo ng sanggol, maaaring magkaroon ng mas maraming vaginal discharge, na bunga ng pagtaas ng estrogen level. Ang discharge ay dapat na magmukhang malagatas at malabnaw na may hindi gaanong matapang na amoy. Maaaring gumamit ng mga pantyliners para maging komportable ngunit ang mga tampons at douching ay dapat na iwasan. 

Ano ang Dapat kong Isaalang-alang? 

Sa kasagsagan ng ika-10 linggo ng pagbubuntis at pagkakabuo ng sanggol, bantayan ang vaginal discharge. Sa kabila ng pagiging normal ng pangyayaring ito, ang ilang mga uri ng vaginal discharge ay maaaring magpahiwatig ng impeksyon. Bantayan ang mabahong amoy, berde o dilaw na kulay, discharge na may kasamang pamumula at pangangati ng vulva, may halong dugo, masakit na pag-ihi, at pananakit ng puson. 

Tawagan kaagad ang iyong doktor kung anuman sa mga ito ay nangyari. Kung ikaw ay nakararanas ng hindi gaano hanggang sa malalang pananakit o kung ang mga sintomas na ito ay sinasamahan ng pagdurugo ng pagkababae, lagnat, panginginig, o nagbabagang sensasyon, humingi ng medikal na atensyon. 

Ang pananakit ng puson ay karaniwan dahil sa paikot na ligaments na pumapaligid sa nags-stretch na matres. Ang pananakit ay karaniwang inilalarawan bilang matalas ngunit kadalasan na ito ay benign. Ang mas mabagal na paggalaw ay makatutulong para maiwasan ang pananakit sa kahabaan ng ika-10 linggo ng pagbubuntis at pagkakabuo ng sanggol. 

Mga Pagbisita sa Doktor 

Ano ang Dapat kong Sabihin sa Doktor? 

Sa kasagsagan ng ika-10 linggo ng pagbubuntis at pagkakabuo ng sanggol, mahalaga na dumalo sa iyong unang prenatal visit. Karaniwan, ang doktor ay magpapagawa sa iyo ng serye ng mga tests kung saan kabilang ang pagtse-tsek ng iyong timbang, presyon ng dugo, at ihi.

Anong mga Tests ang Dapat na Alam ko? 

Ang blood test ay maaari ding isagawa para matukoy kung ikaw ba ay immunized laban sa mga tiyak na sakit na maaaring makahawa sa fetus: varicella, tigdas, beke at rubella, at iba pa. Ito ay magbibigay ng kakayahan sa iyong doktor na malaman kung ano ang blood type at Rh factor na mayroon ka. Ang mga impeksyon ay maaari ding madiskubre gamit ang blood test, lalo na iyong mga sexually transmitted, gaya ng herpes, hepatitis, HIV, at syphilis. Sa kabilang banda, ang urine test ay maaaring makapagtukoy ng chlamydia at gonorrhea.

Ang iyong doktor ay maaari ding magsagawa ng pisikal na eksaminasyon ng iyong puson para makatiyak sa posisyon at laki ng sanggol. Ang serye ng mga tests na ito ay maaaring samahan ng breast exam. Ang iyong doktor ay kukuha rin ng mga detalye ng iyong medical history at ng anumang problemang pangkalusugan na amyroon ang iyong pamilya para matukoy ang mga posible genetic diseases na mamana ng sanggol. Itse-tsek din ng doktor ang tibok ng puso ng iyong anak sa kahabaan ng linggong ito. 

Kalusugan at Kaligtasan 

Ano ang Dapat kong Malaman ukol sa Pagiging Malusog at Ligtas habang Nagbubuntis?

Narito ang ilan sa mga bagay na dapat mong isaalang-alang sa kasagsagan ng ika-10 linggo ng pagbubuntis at pagkakabuo ng sanggol

  • Pumili ng Iyong Obstetrician

Piliin nang mahusay ang iyong doktor dahil makakasama mo siya sa loob ng 30 buwan. Ang iyong OB ay naririyan para payuhan ka at sagutan ang anumang tanong ma mayroon ka. 

  • Pag-usapan ang Iyong Due Date 

Alamin ang araw kung kailan ka nag-ovulate o ang unang araw ng iyong huling buwanang dalaw pati na rin ang average na haba ng iyong siklo para ma-estima ang due date ng sanggol. Ang iyong OB ang magkakalkula ng due date 40 linggo mula sa pagsisimula ng iyong huling siklo. 

  • Isaalang-alang ang Iyong mga Opsyon sa Pagbubuntis 

Magsimulang magbasa-basa may kinalaman sa iyong mga opsyon sa panganganak. Ang pinakaligtas na paraan ng panganganak ay sa ospital. Ang kapaligiran ay mas kontrolado at may mga doktor na handa kung sakaling may hindi inaasahang pangyayari. 

  • Maghanda ng Badyet 

Napakahalaga na isaayos ang pinansyal na aspekto kung ikaw ay may inaasahang anak sa darating na mga buwan. May may gastusin na hindi lamang para sa pagbubuntis at panganganak kundi maging matapos ipanganak ang sanggol. Isa pang tip ay kalkulahin ang iyong karaniwang kinikita sa loob ng tatlong buwan. Ito ang magbibigay sa iyo ng ideya sa kung magkano ang iyong kikitain bago ipanganak ang sanggol. Kalkulahin ang gastusin para sa renta ng bahay, utilities, groceries, gasolina o gastos sa pagko-commute. Makikita mo rin kung magkano ang sobra o mababawas sa iyong mga gastusin habang nagbubuntis. 

  • Paghandaan ang Ikalawang Trimester

Ang ikalawang trimester ay nagsisimula sa ikalabintatlong linggo at ang debelopment ng iyong sanggol ay mas bibilis pa. Maghanda sa mga appointment sa iyong OB at mga ultrasounds, pagsasapubliko ng pagbubuntis at pagdating ng sanggol. 

  • Alamin ang mga Do’s and Don’ts 

Tukuyin ang iyong mga cravings at anong mga pagkain ang kailangan mong iwasan dahil may mga pagkain na maaaring magdulot ng karamdaman o impeksyon hindi lamang sa iyong anak kundi maging sa iyong sarili. 

Mag-ingat sa sumusunod: 

  • Mga Isdang may Mataas na Mercury 

Kung kakainin nang maramihan, ang mga isdang may mataas na mercury ay maaaring maging toxic sa nervous system, immune system, at bato ng isang indibidwal. Mataas din ang tyansa na magdulot ito ng mga problema sa debelopment sa mga bata. Kabilang sa mga high-mercury foods ay ang shark, swordfish, king mackerel, tuna (albacore tuna). Gayunpaman, ang mga low-mercury fish ay makatutulong sa mga nabubuong fetus at maaaring makonsumo ng hanggang dalawang beses sa isang linggo. Ang mga isdang mayaman sa omega-3 fatty acids ay masustansya rin para sa fetus. 

  • Hindi Gaanong Luto o Hilaw na Isda

Ang mga bacteria at parasites na maaaring makasama sa pangkalahatang kalusugan ng parehong ina at sanggol ay maaaring makakontamina sa hilaw at hindi gaanong lutong isda at shellfish. 

  • Hindi Gaanong Luto, Hilaw, o Processed na Karne 

Ang parehong katotohanan ay mailalapat sa mga hindi gaanong luto at hilaw na karne na maaari ding maglaman ng bacteria. Ang magandang pamantayan sa pagbubuntis ay lutuin nang maigi ang karne. 

  • Hilaw na Itlog 

Ang mga hilaw na itlog ay hindi ligtas at maaari ding kontaminado ng Salmonella na nakapagpapataas ng banta ng premature delivery o stillbirth. Ang mga pasteurized eggs ay isang magandang alternatibo. 

  • Karne ng mga Organ 

Ang pagkain nang maramihan nito ay maaaring makapagdulot ng toxicity sa bitamina A at copper. Kaya naman, ang mga nagdadalantao ay pinapayuhan na limitahan ang kanilang pagkonsumo sa hindi tataas ng isang beses sa isang linggo. 

  • Caffeine 

Ang kape o anumang substansya na naglalaman ng caffeine (gaya ng softdrinks) ay dapat na maingat na mabantayan ang pagkonsumo. Limitahan ang pagkonsumo sa 200 mg sa isang araw (dalawa hanggang tatlong tasa ng kape). Ang sobrang caffeine sa sistema ay makaaapekto sa paglaki ng fetus at maaaring magdulot ng mababang birth weight. 

  • Hilaw na Toge 

Ang mga hilaw na toge ay maaari ding maging kontaminado ng bacteria. Ang mga lutong toge ay ligtas namang kainin. 

  • Hindi Nahugasang mga Produce 

Mahalaga na mahugasang mabuti ang lahat ng mga prutas at gulay para mabawasan ang banta ng pagkonsumo ng mga contaminants gaya ng bacteria Toxoplasma. 

  • Hindi Pasteurized na Gatas, Keso, at Fruit Juice 

Sa kabuoan, ang hindi na pasteurized na gatas, keso, at mga juices ay dapat na iwasan dahil ang mga ito ay nagpapataas sa banta ng bacterial infections. 

  • Alak 

Ang mga nagdadalantao ay hindi dapat na uminom ng alak sa anumang panahon sa kasagsagan ng kanilang pagbubuntis dahil napatataas nito ang tyansa ng pagkalaglag ng bata, stillbirth, at ng fetal alcohol syndrome. 

  • Processed Foods 

Ang mga ito ay maaaring makapagpataas ng banta ng matinding pagtaba, gestational diabetes, at maging ng ibang komplikasyon at maaaring magdulot ng mga chronic health complications sa iyong anak.

[embed-health-tool-due-date]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/pregnancy-week-by-week/basics/first-trimester/hlv-20049471 Accessed 22 April 2020

https://www.hopkinsallchildrens.org/Patients-Families/Health-Library/HealthDocNew/Week-10 Accessed 23 April 2020

https://www.cnnphilippines.com/lifestyle/2019/10/1/expectations-pregnancy.html Accessed 23 April 2020

Kasalukuyang Version

05/10/2022

Isinulat ni Marie Kristel Corpin

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Pangalawang Linggo ng Pagbubuntis: Lahat ng Dapat Mong Malaman

Pagbabago Sa First Trimester ng Pagbubuntis, Anu-ano Nga Ba?


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Marie Kristel Corpin · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement