Marami na ngayong mga paraan upang mapalakas ang fertility ng isang tao at mapataas ang tsansang mabuntis. Karamihan sa mga mag-asawa ay mas pinipili pa ring gawin ito sa natural na paraan. Gayunpaman, wala namang masama kung gagamit ng hormone pills bilang alternatibong paraan. Ngunit epektibo ba ang paggamit ng hormone pills para mabuntis?
Bago magpunta sa option na ito, dapat malamang may ilang panganib ito sa iyong kalusugan. Kung nais mong malaman pa ang mga impormasyon tungkol dito, patuloy na basahin ang artikulong ito dahil tatalakayin natin ang iba’t ibang hormone pills para mabuntis at ang mga posibleng side effect nito.
Mga Karaniwang Hormone Treatment Option
Dati, ginagamit ang hormone treatment upang mabawasan ang menopausal symptoms at mapabuti ang kalusugan ng isang babae. Ngunit ngayon, malawakang ginagamit na rin ito upang isulong ang fertility sa kababaihan. Narito ang ilan sa mga karaniwang gamot at hormone pills para mabuntis. Tandaan, gagamit lamang nito kung inirerekomenda na ng doktor. Kumonsulta sa doktor.
Clomiphene Citrate (Clomid)
Kadalasan itong iniinom ng babae. Isa ang Clomid sa mga pinakakaraniwang fertility drugs. Kaya naman, malaki ang posibilidad na ireseta sa iyo ito ng doktor.
Ang clomiphene ang dahilan ng paggawa ng pituitary gland ng utak ng mas mataas na dami ng follicle stimulating hormone (FSH) at LH (luteinizing hormone). Ginagawa ito sa pamamagitan ng paglilinlang sa katawan ng babae upang isipin na ang level ng kanyang estrogen ay mababa. Ito ang nagiging sanhi upang maglabas ng mas maraming itlog (egg cells) ang obaryo. Karaniwang inirereseta ng doktor ang 50mg ng Clomid sa loob ng limang araw. Pagkaraan ng isang linggo, magkakaroon ng ovulation ang babae, kaya’t tumataas ang tsansang mabuntis ng babae.
Gonadotropins
Itinuturok ang gonadotropins at direktang nagpapasigla ng mga obaryo kumpara sa clomiphene na nagpapasigla naman ng pituitary gland. May pareho silang mekanismo ng clomiphene dahil ang gonadotropins ang isa sa pinatataas ng clomiphene.
Ang luteinizing hormone (LH) at follicle-stimulating hormone (FSH) o ang gonadotropins ay iba pang mga epektibong gamot. Tinutulungan nitong palakasin ang fertility ng parehong babae at lalaki.
Pinararami nito ang testosterone ng mga lalaki, habang pinararami naman ang produksyon ng itlog ng mga babae. Dapat ding tandaan na may mataas na panganib para sa mga babae na magbuntis nang higit sa isang sanggol sa sinapupunan kung gumagamit ng gonadotropin upang pasiglahin ang kanyang fertility.
Aromatase Inhibitors (AI)
Ang Als ay isa pang paraan upang pasiglahin ang fertility ng parehong lalaki at babae. Karaniwan itong ginagamit upang gamutin ang breast cancers. Gayunpaman, may ilang mga pag-aaral ang nagpapakita na epektibo rin ito sa pagdudulot ng ovulation sa mga babae.
Binabalanse rin nito ang estrogen at testosterone imbalances sa testes ng lalaki, na nagbibigay ng mas malaking tsansang magtagumpay ang lalaki na magkaroon ng anak. Isa sa karaniwang Al na gamot na maaaring ireseta ng doktor ay ang letrozole.