Sa kabila ng mabilis na pagdami ng populasyon sa Pilipinas, para sa maraming Pilipino, hindi pa rin madali ang mabuntis. Napag-alaman sa isang pag-aaral na 1 sa 10 Pilipino ang baog, at marami sa mga ito ang hindi nagpapakonsulta sa doktor upang sumailalim sa fertility tests at matulungan silang mabuntis dahil hindi nila nauunawaan ang kondisyong ito. Ano ang fertility test? At paano ito makakatulong? Matuto pa tungkol sa fertility test dito.
Ano Ang Infertility?
Ayon sa World Health Organization, ang infertility ay “isang sakit sa reproductive system na tumutukoy sa bigong pag-abot ng clinical pregnancy pagkatapos ng 12 buwan o higit pang regular na unprotected sexual intercourse.”
Sa Pilipinas, kadalasang isinisisi ang infertility sa mga babae — gaano na siya katanda, ano ang kinain niya, at paano siya humiga o tumayo matapos makipagtalik. Hindi lamang isyung pambabae ang infertility. Sa katunayan, halos 40% ng kaso ng infertility ay dahil sa mababang sperm count.
Ikinukunsidera ang male infertility kapag may mga problema sa paglalabas ng sperm o sperm mortility ang isang lalaki. Sa kabilang banda, ang female infertility ay maaaring sanhi ng iba’t ibang isyu gaya ng:
- endometriosis
- may bara sa kanyang fallopian tubes
- may mga problema sa ovaries
- advanced maternal age
Mahalaga para sa parehong mag-asawa na maging bukas sa posibilidad na ang isa sa kanila o pareho silang may infertility issues nang sa gayon, pareho silang maging handa na sumailalim sa fertility tests upang makatulong sa kanilang makabuo.
Ano Ang Fertility Test At Ibang Madalas Na Itanong Tungkol Sa Infertility
Ano ang fertility test? At paano ito makakatulong sa pagbuo ng baby? Narito ang sagot sa mga kadalasang tanong tungkol sa infertility.
Ilang buwan na naming sinusubukan ng partner kong makabuo ng baby. Dapat na ba kaming magpunta sa doktor?
Kung palaging isang linya lang ang lumalabas sa inyong pregnancy test, magpa-iskedyul na ng pagbisita sa isang obstetrician-gynecologist. Puwede na kayong magpakonsulta kung nakaisang taon na kayong may regular na unprotected sex. Magpunta na sa doktor sa lalong madaling panahon kung ikaw at ang iyong partner ay may ganitong mga kondisyon at sinusubukang makabuo sa loob na ng anim na buwan:
- mahigit 35 taong gulang na
- may irregular period
- pelvic inflammatory disease
- endometriosis
- Polycystic Ovarian Syndrome (PCOS)
- cystic fibrosis
- problema sa thyroid
- nagkaroon na ng ectopic pregnancy
- paulit-ulit na nakukunan
- injury sa scrotum at testes
- erectile problems
- ejaculation problems
Susuriin ang doktor ang kondisyon ninyo pareho ng iyong partner at maaaring i-refer kayo sa isang reproductive endocrinologist. Kilala rin sa tawag na fertility specialist, tutukuyin ng doktor na ito kung anong fertility tests ang kailangan mo at ng iyong partner.
Ano ang nangyayari sa klinika ng fertility specialist?
Magsisimula ang konsultasyon sa isang matinding interbyu. Maging handa para sa maseselang uri ng mga tanong. Hindi lamang itatanong ng doktor ang tungkol sa iyong medical history, kundi maging sa iyong sex life at sexual history. Ikaw at ang iyong partner ay magkasamang sasailalim sa ganitong interbyu dahil makatutulong sa doktor ang katapatan ng inyong sagot.
Ilan sa mga inaasahang tanong ay:
- Gaano kadalas ang pakikipagtalik?
- Anong klaseng birth control ang inyong ginagamit?
- Mayroon ka bang sexually transmitted diseases?
- Nabuntis ka na ba o nakabuntis na ba ang iyong asawa noon?
- Kung kumonsulta ka na ba noon sa isang fertility specialist at anong gamutan ang iyong ginawa?
Magsasagawa rin ang iyong doktor ng physical exam.
Ano ang fertility test? Anong mga test ang ipe-prescribe?
Maraming mga fertility test na nakatutulong upang kayo ay makabuo. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ang inyong buong katapatan sa pagsagot sa interview upang makapag-iskedyul ang inyong doktor ng tamang fertility tests para sa iyo at sa iyong partner.
Ano ang fertility test at iba’t ibang klase nito? Narito ang kompletong listahan. Tandaang puwedeng hindi mo kailangang gawin ang lahat ng ito.
1. Pelvic Ultrasound
Gumagamit ang test na ito ng vaginal probe na naghahatid ng sound waves upang masuri ang ovaries at uterus ng isang babae. Dahan-dahang ipinapasok ang lubricated probe sa loob ng vagina. Nakabubuo ng images mula sa nakukuhang waves. Nakikita dito ang ovaries, uterus, fallopian tubes, at vagina. Makikita na ngayon ng doktor kung may problema ba sa reproductive anatomy ng babae gaya ng myoma, cysts, o anumang pagkapal ng uterine lining.
2. Cervical Mucus Test o Post Coital Test
Sa test na ito, kailangang makipagtalik ng isang babae sa kanyang mid-cycle upang masuri ang quality at quantity ng kanyang cervical mucus. Makikita rin dito ang presensya ng buhay at gumagalaw na sperm sa mucus.
3. Hormone Screening
Para sa mga babae, sinusuri ng test na ito ang ihi at dugo kung sapat ba ang level ng hormones na kinakailangan para sa ovulation at egg implantation. Para sa mga lalaki, inaalam ng blood test na ito kung mayroon silang hormone problems na nagiging dahilan kung bakit hindi sila makabuntis.
4. Hysterosalpingogram (HSG)
Sa test na ito, may espesyal na dye na itinuturok sa cervix upang malaman kung ang mga fallopian tube ay barado, o kung mayroong abnormalities sa reproductive tract.
5. Endometrial Biopsy
Sinusuri ng test na ito kung kayang i-sustain ng babae ang pagbubuntis. Ginagawa ito pagkatapos ng ika-21 araw ng kanyang cycle. Dito, kumokolekta ng tissue mula sa inner lining ng uterus o sa endometrium at ipinapadala para sa biopsy. Ipapakita ng resulta nito ang estado o pagbabago ng endometrium.
6. Laparoscopy
Gumagamit ng test na ito ng fiber optic telescope upang masuri ang uterus, ovaries, at fallopian tubes at matingnan ang:
- Pelvic adhesions – kapag ang reproductive organs ng babae ay nagdikit sa isa’t isa o ang iba pang abdominal organs gaya ng bowels at abdominal lining
- Endometriosis – isang masakit na kondisyon kung saan ang uterine lining ay nagdurugo nang marami
Isa itong surgical procedure na ginagawa nang may anesthesia.
7. Semen Analysis
Kasama sa fertility test na ito ang pagkolekta ng lalaki ng sample ng kanyang semilya. Sinusuri ang sample na ito upang matukoy kung normal ba ang kalidad ng sperm at kung may sapat bang sperm upang makabuntis. Nakikita rin sa test na ito kung may impeksyon.
Key Takeaways
Maaaring umabot ng ilang buwan bago matukoy ng iyong doktor ang sanhi ng iyong fertility problems. Kaya’t maging mapagpasensya at huwag agad mawalan ng pag-asa. Ang fertility tests para makabuo ay maaaring maging magastos at magdulot ng pagkabalisa. Ngunit ginagawa ang mga ito upang matulungan ang iyong doktor na matukoy ang tamang gamutan para sa iyo at sa iyong partner.
Matuto pa tungkol sa Paano Mabuntis dito.