Maraming mga haka-haka ang pinaniniwalaan may kinalaman sa paggamit ng birth control pills. Isa sa mga pinakapopular ay nakapagpapababa raw ng tyansa ng pagbubuntis sa hinaharap ang pag-inom ng pills. Nakakabaog nga ba ang contraceptive na ito? Totoo ba ito o hindi? Suriin nating mabuti.
Paano Gumagana ang Birth Control Pills?
Ang birth control pills ay isang anyo ng hormonal contraception. Ang pills ay iniinom para maiwasan ang pagbubuntis, at kapag nagamit nang wasto, maaari itong maging epektibo nang 99.9%.
Nangyayari ang pagbubuntis kapag ang isang itlog ay nailabas mula sa ovary at na-fertilize ng isang sperm, at ikinakabit ang sarili nito sa matres, kung saan ito lumalaki hanggang sa maging sanggol. Ang paglabas ng mga itlog mula sa ovary ay tinatawag na ovulation, na siyang pinamamahalaan ng mga tiyak na hormones sa katawan ng babae. Ang birth control pills ay nakapag-iiwas sa pagbubuntis sa pamamagitan ng paggamit ng hormones para maihinto ang ovulation.
Ang birth control pills ay naglalaman ng kaunting estrogen at progestin hormones. Gumagana ito laban sa natural na cyclical hormones ng katawan para maiwasan ang pagbubuntis. Ang hormonal contraception ay nakapagpapahinto sa ovulation. Binabago rin nito ang cervical mucus pattern, na nagpapahirap para sa sperm na makapasok sa cervix para makatagpo ang itlog. Binabago rin nito ang lining ng sinapupunan para hindi maikabit ng fertilized na itlog ang kanyang sarili dito.
Nagiging Sanhi ba ng Pagkabaog ang Pills?
Hindi, hindi magiging sanhi ng pagkabaog ang pills. Maraming mga pag-aaral na ang nakapagpatunay na hindi naaapektuhan ng pills ang fertility. Ang iyong katawan ay may kakayahang iproseso ang hormones sa mga pills na ito nang mabilisan, na siyang dahilan kung bakit ipinapayong inumin ito araw-araw. Kapag lumabas na sa iyong sistema ang mga hormones, sa loob ng ilang araw, ang normal na proseso ng paglaki ng itlog sa ovary ay magpapatuloy. Inaasahan na mangyari ang iyong ovulation sa loob ng dalawa hanggang anim na linggo matapos matigil ang pag inom ng pills. Gayunpaman, kung matagal ka nang umiinom ng pills (sabihing lagpas na sa isang taon), maaaring tumagal ng tatlong buwan bago bumalik sa normal ang iyong katawan, minsan ay higit pa. Karaniwan sa mga kababaihan ang bumabalik sa kanilang normal na antas ng fertility sa loob ng isa o dalawang siklo ng buwanang dalaw. Para sa iba, maaaring abutin ng ilang mga buwan bago maging regular ang ovulation, lalo na kung mayroon silang likas na hindi regular na buwanang dalaw dati.
Sa ilang mga kaso, kapag ang isang babae ay uminom ng birth control pills sa loob ng maraming taon at huminto para magkaroon ng anak, maaaring bumaba ang kanyang fertility rate. Gayunpaman, kadalasan na ito ay dahil siya ay tumatanda, at hindi dahil sa kanyang dating pag-inom ng pills. Ang mga contraceptive pills bilang birth control ay hindi nakapagpapataas ng banta ng pagkabaog.
Ang mga birth control pills ay itinuturing na pinaka-ligtas at pinaka-epektibong paraan ng kontrasepsyon. Mahalagang maunawaan na ang sinasabing nagiging dahilan ng pagkabaog ang pills ay isang malaking mito. Maaari kang magbuntis pagkatapos mong itigil ang pag-inom ng birth control pills, bagaman maaaring magtagal bago bumalik ang iyong ovulation sa karaniwan nitong siklo. At oo, ito ay tiyak na ligtas. Maaari ka pa ring magkaroon ng maganda at malusog na anak.
Matuto ng higit pa ukol sa Pagbubuntis dito.