Sa pagbuo ng baby(conception), kailangang ma-fertilize ng sperm sa egg cells ng babae. Ang average na lalaki ay naglalabas ng hindi bababa sa 100 million sperm habang nakikipagtalik. Gayunpaman, marami sa mga sperm na ito ang namamatay habang naglalakbay mula uterus papunta sa fallopian tubes. Mas mataas ang tsansang mabuntis mo ang iyong partner kung mas marami ang sperm mo. Ngunit hindi lamang sa dami, kundi maging sa kalidad ng sperm ang nagpapataas ng tsansang makabuo o makabuntis. Sa pagpapabuti ng fertility, mahalagang malaman kung paano magkaroon ng malusog na sperm para makabuntis. Dapat itong maging priority kung nais na makabuo ng mag-asawa. Pinatataas nito ang tsansang makabubuo kayo ng baby at malaman kung magiging malusog ang takbo ng pagbubuntis.
Ang male infertility ay tumutukoy sa kawalan ng kakayahan ng lalaki na mabuntis ang isang fertile na babae. Kadalasang natutuklasan ng mga lalaki na mayroon sila ng ganitong kondisyon pagkatapos ng regular at unprotected sex sa loob ng humigit isang taon ngunit hindi pa rin nabubuntis ang kanilang partner. Malaki ang kaugnayan ng infertility sa mga lalaki sa sperm count at malusog na sperm.
Ayon sa survey, sa Pilipinas, 1 sa 10 Pilipino ay baog (infertile). Nakaaapekto ang infertility sa parehong babae at lalaki. Gayunpaman, 25% ng kabuuang kaso ng infertility ay mga lalaki. Hindi lahat ng male infertility ay napagagaling. Gayunpaman, maaari itong mapamahalaan at mayroong mga gamutan upang may malusog na sperm para sa pagbubuntis.
Ano Ang Dapat Mong Malaman Tungkol Sa Malusog Na Sperm
Ang mga sumusunod na salik ang nagdiditermina kung ang lalaki ay may malusog na sperm:
Sperm count: Mas tumataas ang tsansang makabuo kung mas marami kang sperm. Ayon sa World Health Organization, maituturing na “low sperm count” ang semilyang mababa ang bilang sa 15 million per milliliter.
Motility: Ang motility ay tumutukoy sa kakayahan ng sperm cells na maglakbay.
Sperm morphology: Tumutukoy ito sa hugis, laki, at itsura ng sperm cells ng lalaki. Mahalaga ang tamang anyo ng sperm head. Tinitiyak nito na makapapasok ito sa egg cells para sa fertilization.
Testosterone levels: Nakaaapekto ang mababang level ng testosterone sa produksyon ng sperm.
Ano Ang Sanhi Ng Male Infertility?
Maraming maaaring sanhi ang male infertility. May ilang kaso na bunsod ng kanilang genes, habang ang iba naman ay resulta ng kanilang poor lifestyle choices. Ang paraan upang maging malusog ang sperm ay depende sa sanhi ng problema nito. Walang visible symptoms ang male infertility. Gayunpaman, mahalagang malaman kung ano ang maaaring sanhi nito. Ilan sa mga sanhi nito ay:
Genetics
Ang mga pre-existing health conditions gaya ng chromosomal abnormalities at hormonal imbalances ay nakaaapekto sa pagpaparami ng sperm.
Obesity
Ang mga lalaking may body mass index (BMI) na mas mataas pa sa 30 ay mas malaki ang tsansang magkaroon ng hindi magandang kalidad ng sperm. Ang pagtaas ng fat sa katawan ay maaaring makaapekto sa hugis at motility ng sperm. Dagdag pa, nakaaapekto rin ito sa male traits na maaaring magpabago sa DNA ng sanggol.
[embed-health-tool-bmi]
Edad
Ayon sa pag-aaral, bumababa ang tsansa ng lalaking makabuntis pagsapit niya ng edad 35. Ang mga batang ipinanganak sa panahong ito o higit pa ay may malaking tsansang magkaroon ng mga genetic defect gaya ng Down Syndrome at autism. Bumababa rin ang motility ng sperm habang tumatanda ka.
Infection
Nakapagdudulot ng male infertility ang pagkakaroon ng history ng sexually transmitted infections (STIs). Nakaaapekto ito sa kalidad ng sperm dahil sa pamamaga ng ari. Nakapagdudulot din ng pagbara ang severe cases nito dahilan upang hindi makalabas ang sperm cells mula sa testicles. Kabilang sa STIs ang chlamydia, gonorrhea, at syphilis.
Genital Injuries
Kadalasang may kasamang sakit (pain), hindi maganda sa pakiramdam, at pamamaga sa palibot ng testicles ang ganitong injuries. Trauma at mga aksidente ang kadalasang pinakasanhi nito. Sa mga malalang kaso, puwedeng makaapekto ang varicoceles sa produksyon ng sperm dahil sa naapektuhang daloy ng dugo.
Init
May mas mababang temperatura ang testicles kumpara sa iba pang organs. Puwedeng makompromiso ang malusog na sperm kung mabababad sa init sa loob ng mahabang oras ang testicles. Kasama sa paraan kung papaano mapapanatiling malusog ang sperm upang makabuntis ang pag-iwas sa paliligo nang mainit at saunas, at magsuot ng maluluwag na damit panloob.
Pag-Inom, Paninigarilyo, At Paggamit Ng Droga
Ang sobrang pag-inom at madalas na paninigarilyo ay nakapagpapababa ng kalidad at bilang ng sperm. Nakaaapekto rin ang recreational drugs at iba pang medikasyon sa produksyon malusog na sperm.
Paano Natutukoy Ang Male Infertility?
Makatutulong ang semen analysis upang malaman kung mayroong male infertility. Nagbibigay ang pasyenteng lalaki ng sample ng kanyang semen na sinusuri sa microscope. Ang payo ng mga medical professional ay makatutulong sa iyo upang malaman kung paano magagawang malusog ang iyong sperm upang makabuntis.
Paano Magkaroon Ng Malusog Na Sperm?
Mahalagang pagtuonan na ng pansin ngayon pa lang ang malusog na sperm. Ang pagkakaroon ng healthy lifestyle ay unang hakbang upang magkaroon ng malusog na sperm at makabuntis. Nakalista sa ibaba ang male infertility tips na maaari mong sundin.
Pag-Eehersisyo
Nakatutulong ang regular na pag-eehersisyo upang mapataas ang testosterone levels. Napabubuti ang kalidad ng semilya sa pamamagitan ng pagpapanatiling fit at aktibo ng katawan. Subukang magdagdag ng weightlifting at cardio sa iyong routine upang mapanatili o epektibong mabawasan ang iyong timbang.
Bawasan Ang Stress
Ang cortisol ay isang hormone na responsable sa response ng katawan sa stress. Nakapagpapataas ng cortisol level ang matagal na stress. Ang resulta, bumababa ang level ng testosterone. May ilang mga gamutan ang makatutulong upang mabawasan ang pagkabalisa at stress. Makatutulong din ang self-care activities gaya ng meditation at paglalakad.
Iwasan Ang Substance Abuse
Ang madalas na pag-inom at paggamit ng alak, droga, at sigarilyo ay nagreresulta ng mababang bilang at kalidad ng sperm. Nakahahadlang din ang steroids sa produksyon ng malusog na sperm.
Bawasan Ang Exposure Sa Toxins
Ang toxins na nakukuha sa solvents, pesticides, heavy metal, at mga pintura ay puwedeng makapagpababa ng bilang ng sperm.
Regular Na Pagkonsumo Ng Antioxidants
Ang antioxidants ay mga molecule na kumokontrol sa free radicals na nakasisira sa cells. Kapag na-overwhelm ang antioxidant defense ng katawan, puwede itong mauuwi ito sa infertility. Maaaring nasa porma ng ilang bitamina at minerals ang antioxidants.
Ang mga sumusunod ay maaaring makatulong upang maging healthy ang sperm para sa pagbubuntis:
Vitamin C. Lumabas sa pag-aaral sa mga infertile na lalaki na ang araw-araw na pag-inom ng vitamin C supplements ay nagpapataas ng sperm motility ng 92% at sperm count ng 100%. Dagdag pa, napalalakas nito ang immunity at nakapipigil na magkaroon ng iron deficiency.
Vitamin D. Nakapagpapababa ng testosterone level ang pagkakaroon ng mababang level ng vitamin D.
Zinc. Ang zinc ay isang mineral na kadalasang matatagpuan sa produktong mula sa mga hayop. Subukang magdagdag ng karne, shellfish, itlog, at dairy product sa iyong pagkain. Nakatutulong ito upang mapaganda ang kalidad at bilang ng iyong sperm.
Subukan ang Medicinal Herbs. Bukod sa mga bitamina, nakapagpapaganda rin ng male fertility ang medicinal herbs. Palaging kumonsulta sa doktor sa tuwing susubok ng mga bagong fertility treatments at pamamaraan.
Key Takeaways
25%-30% ng kaso ng infertility ay male infertility. Maraming puwedeng maging sanhi ng male infertility, bagaman walang nakikitang sintomas nito. Maaaring sanhi ang kondisyong ito ng mga pre-existing health condition o resulta ng poor lifestyle choices.
Makatutulong ang pagsailalim sa sperm analysis upang matukoy ang sanhi nito at matukoy ang tamang gamutan. Bukod pa sa medication at ilang procedures na mayroon ngayon, maaaring mapabuti ang male infertility sa pamamagitan ng pagkakaroon ng healthy lifestyle. Kung papaano magkaroon ng malusog na sperm ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng balanseng pagkain, pagpapanatili ng aktibong pamumuhay, at regular na pag-inom ng vitamins at supplements.
Matuto pa tungkol sa Pagbubuntis dito.