backup og meta

Epekto Ng Ubo Sa Buntis: Dapat Ba Itong Ipag-Alala?

Epekto Ng Ubo Sa Buntis: Dapat Ba Itong Ipag-Alala?

Mahirap para sa immune system ng isang buntis na labanan ang mga impeksyon. Dahil dito, mas madali kang magkaroon ng sakit gaya ng trangkaso, ubo at sipon. At malamang, naiisip mo rin kung ano nga kaya ang epekto ng ubo sa buntis.

Kung ikaw ay buntis, kailangan mong gumawa ng mga espesyal na hakbang upang manatiling malusog sa panahon ng trangkaso. Gayunpaman, kinakailangan malaman mo kung ano ang dapat mong paghandaan at paano ito lalabanan dahil hindi talaga maiiwasan ang magkasakit. Kung tutuusin, hindi na lamang ang kalusugan mo ang dapat mong alalahanin kung hindi pati na rin ang bata sa iyong sinapupunan.

Sintomas Ng Trangkaso

Ang trangkaso at ang mga sintomas nito ay maaaring makapinsala sa nagbubuntis at sa sanggol. Kapag ikaw ay nakapitan ng trangkaso, maaari kang makaranas ng mga sintomas ng trangkaso gaya ng:

  • Sipon
  • Mataas na lagnat
  • Sakit ng katawan
  • Sakit ng ulo
  • Pagkapagod
  • Sakit sa lalamunan
  • Ubo

Epekto Ng Ubo Sa Buntis At Ang Pag-Inom Ng Gamot

Ang baradong ilong na sanhi ng sipon ay nagdudulot ng pagbahing, pananakit ng lalamunan at ubo. Walang gamot dito ngunit maaaring maibsan ang mga sintomas sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot at ng maraming likido. Mas mahirap ang sitwasyon mo kung ikaw ay nagdadalang tao. Gaano man kahirap ang magkasakit, isasa-alang-alang mo muna ang kalusugan ng iyong sanggol bago uminom ng kahit anong gamot.

Malamang nag-aalala ka sa pinsalang dulot ng gamot sa iyong sanggol. Gayunpaman, mahalagang mapagtanto na may dala ring panganib sa kalusugan ang epekto ng ubo sa buntis kung hindi makakakuha ng lunas. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, humigit-kumulang 9 sa 10 kababaihan ang uminom ng gamot sa isang punto sa panahon ng kanilang pagbubuntis.

Epekto Ng Ubo Sa Buntis Kapag Di Nalunasan

Epekto Sa Buntis

  • Ang ubo ay humahantong sa paghilab sa bahagi ng dibdib, na nagiging sanhi ng pagkapagod at pananakit para sa mga buntis.
  • Habang lumalaki ang matris, ang mga ligament na nakakabit dito sa gilid ng tiyan ay nakaunat. Tinatawag itong round ligament pain ng mga doktor. Ang bawat pagbahing at pag-ubo ng buntis ay maaaring maglagay ng higit na presyon sa ligament, na nagiging sanhi ng pananakit nito.
  • Karaniwang nangyayari ang pagtagas ng ihi pagkatapos ng physical exertion, ilang paggalaw, pagbahin, o pag-ubo. Ang daloy ng ihi ay humihinto kapag ang iyong pantog ay walang laman. Maaari mo ring maramdaman ang pagkawala ng amniotic fluid kapag bumabahing o umuubo.
  • Ang matagal na pag-ubo, patuloy na pag-ubo at malakas na pag-ubo ay maaaring magresulta sa uterine contractions. Maaari itong mauwi sa maagang panganganak.

Epekto Sa Sanggol

  • Ang epekto ng ubo sa buntis ay magdedepende sa pangkalahatang kalusugan ng babae. Kadalasan, hindi ito nakakasama sa sanggol at hindi ito nararamdaman ng sanggol. Gayunpaman, ang ilang mga sanhi ng pag-ubo ay maaaring makapinsala sa sanggol, tulad ng mga sakit tulad ng hika, bronchitis, o pulmonya.
  • Maaari itong humantong sa pagkawala ng gana sa pagkain ng buntis, kawalan ng tulog, kahinaan na humahantong sa pagpapahinto ng paglaki ng sanggol.
  • Ang ubo ay maaaring maging tanda ng impeksyon sa katawan ng ina, kung hindi matukoy sa oras, nakakaapekto ito sa pagdevelop ng fetus.
  • May pag-aaral ang CDC na nagsasabing ang mga buntis na nagkaroon ng trangkaso (kung saan maaaring may sipon, ubo at lagnat) sa maagang yugto ng pagbubuntis, ay maaaring magsilang sa isang batang may birth defect. Mas mataas ang tsansa nito kapag nagka trangkaso at lagnat ang buntis.
  • Ang epekto ng ubo sa buntis ay maaaring maging seryoso lalo na kung may kasabay na lagnat. Ang pagkakaroon ng sipon o trangkaso na may lagnat bago o sa panahon ng maagang pagbubuntis ay nauugnay sa mga depekto sa panganganak gaya ng:
  1. Spina bifida-Ito  ay isang kondisyon na nakakaapekto sa gulugod at kadalasang nakikita sa kapanganakan. Ito ay isang uri ng neural tube defect (NTD).
  2. Cleft lip/cleft palate-Ito  ay mga depekto ng kapanganakan na nangyayari kapag ang labi o bibig ng sanggol ay hindi nabuo ng maayos sa panahon ng pagbubuntis.
  3. Anencephaly-Ito ay isang malubhang depekto sa kapanganakan kung saan ang isang sanggol ay ipinanganak na walang bahagi ng utak at bungo.
  4. Encephalocele-Ay isang bihirang uri ng birth defect ng neural tube na nakakaapekto sa utak.

Kung ikaw ay buntis at nakakaranas ng trangkaso na may kasamang ubo, sipon at lagnat, kumunsulta agad sa iyong doktor. Mas mabuting malunasan agad ang iyong karamdaman kahit na sa tingin mo ay di masyadong seryoso ang epekto ng ubo sa buntis.

Matuto pa tungkol sa Problema sa Pagbubuntis dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Cold and flu during pregnancy, https://www.pregnancybirthbaby.org.au/cold-and-flu-during-pregnancy, Accessed July 12, 2021

Cough and Cold During Pregnancy, https://americanpregnancy.org/healthy-pregnancy/pregnancy-complications/cough-cold-during-pregnancy/, Accessed July 12, 2021

Pregnancy and the flu, https://medlineplus.gov/ency/article/007443.htm, Accessed July 12, 2021

Maternal report of fever from cold or flu during early pregnancy and the risk for noncardiac birth defects, National Birth Defects Prevention Study, 1997–2011, https://onlinelibrary.wiley.com/doi/full/10.1002/bdr2.1147, Accessed July 12, 2021

Kasalukuyang Version

07/19/2023

Isinulat ni Lovely Carillo

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Ano Ang APAS, At Paano Ito Nakaapekto Sa Pagbubuntis? Alamin

Hindi Nawawalang Ubo? Heto Ang Posibleng Dahilan Ng Chronic Cough


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Lovely Carillo · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement