Ngayong nalaman mong buntis ka, gusto mong mapagtanto kung bawal ba ang rebond sa buntis. Kung tutuusin, gusto mo pa ring magmukhang maayos lalo na sa loob ng siyam na buwan habang hinihintay mo ang pagsilang ng iyong anak. Kailangan mo ring magpaganda lalo na at dagdag atensyon ang lumalaki mong tiyan.
Ang pagiging buntis ay isang kapana-panabik na panahon. Maliban sa paghahanda sa mga kakailanganin mo sa panganganak, kailangan mo ring maglaan ng oras para sa iyong sarili. Kasama na sa iyong “me time” ang pagpapaayos ng buhok.
Bawal ba ang rebond sa buntis sa gitna ng mga pagbabago ng buhok?
Karaniwang tumutubo ang buhok sa loob ng tatlong yugto kasama na ang aktibong paglaki, pagpapahinga, at paglalagas. Karaniwan na ang paglalagas ng 100 buhok araw-araw. Kapag ikaw ay buntis, ang mga sobrang hormones na dumadaloy sa iyong katawan ay nagpapabago sa mga yugtong ito. Ang iyong buhok ay lumalaki o nananatili sa iyong ulo at hindi nalalagas. Ito ang dahilan kung bakit tila mas mahaba at mas makapal ang iyong buhok kaysa karaniwan.
Ayon sa pananaliksik, ang mga hibla ng buhok ay talagang kumapakal sa panahon ng pagbubuntis. Minsan, ang buhok ng isang babae ay nagiging mas kulot sa panahon o pagkatapos ng pagbubuntis.
Hindi naman lubos maintindihan kung paano binabago ng mga hormones sa panahon ng pagbubuntis ang mga hugis ng follicle ng buhok.. Ang follicle ang nagdidikta sa hugis ng hibla ng buhok, kung kaya anumang pagbabago dito ay nakakaapekto sa buhok ng buntis. Ang mga pagbabago sa buhok marahil ang dahilan kung bakit nahikayat kang magpaayos at magtanong kung bawal ba ang rebond sa buntis.
Panganib ng kemikal
Ang mga kemikal na ito ang siyang nagbibigay kulay, nag-aayos, nag-uunat, nagkukulot, at nagbe-bleach ng buhok. Iniulat na ang ilan sa mga kemikal na ginagamit sa mga produkto ng buhok ay carcinogenic. Gayunpaman, marami sa mga kemikal na ito ay tinanggal na sa merkado, tulad ng oxidative dye na produkto mula noong unang bahagi ng 1980s.
May mga ulat rin patungkol sa mga ugnayan ng mga hair products sa sumusunod na sakit:
- Kanser sa pantog
- Non-Hodgkin lymphoma
- Multiple myeloma
- Acute leukemia
- Neuroblastoma sa mga supling
Gayunpaman ang mga ulat na ito, na makakasagot sa tanong kung bawal ba ang rebond sa buntis, ay hindi magkakapareho. Karamihan sa mga pag-aaral tungkol sa mga pangkulay ng buhok ay hindi naman nagpapakita ng mas mataas na panganib sa cancer.
Mga kemikal na ginagamit sa mga permanenteng kulay ng buhok
- Phenylenediamine
- 3-aminophenol
- Resorcinol
- Toluene-2,5-diamine sulfate
- Sodium sulfite
- Oleic acid
- Sodium hydroxide
- Ammonium hydroxide
- Propylene glycol
- Isopropyl alcohol
Mga kemikal na ginagamit sa mga hair straighteners at bleachers
- Sodium hydroxide
- Guanidine hydroxide
- Ammonium thioglycolate
- Ammonium hydroxide
- Petroleum
- Hydrogen peroxide
Hair treatments na dapat iwasan
Para masagot ang tanong mo kung bawal ba ang rebond sa buntis, narito ang iba pang detalye tungkol dito at sa iba pang hair treatments na dapat iwasan ng buntis:
Rebond
Isa sa pinakasikat na hair treatment ang hair rebonding lalo na sa mga gustong umunat ang buhok. Ang prosesong ito ay nangangailangan ng mga kemikal upang masira ang mga natural na cells ng buhok at gawin itong permanenteng tuwid at makinis. Ito ay tumutukoy sa proseso ng pagsira at muling pagbuo ng mga bonds sa iyong buhok upang baguhin ang texture at pagandahin ito.
Ang mga kemikal na ginagamit sa hair rebonding ay malamang na maa-absorb ng anit. Ito ay dumadaloy sa dugo, dadaan sa inunan o placenta, at maaaring makapinsala sa sanggol. Mataas ang panganib ng preterm delivery pati na rin congenital defects sa mga sanggol dahil sa ganitong mga kaso.
Isang sagot sa tanong mo kung bakit bawal ba ang rebond sa buntis ay ang sodium hydroxide. Isa ito sa mga pangunahing sangkap ng mga hair relaxants. Kapag hinalo sa tubig, ang kemikal na ito ay mabilis na uminit at maaaring magdulot ng paso at allergy. Ang sodium hydroxide ay isang makapangyarihang kemikal at maaaring magdulot ng mga komplikasyon sa panahon ng panganganak.
Mas sensitibo ang katawan ng isang babae sa panahon ng pagbubuntis. Ang matapang na kemikal na ginagamit sa panahon ng rebonding ay maaaring magdulot ng matinding pananakit ng ulo.
Hair color
Kasama sa katanungan kung bawal ba ang rebond sa buntis ay ang posibleng panganib na dulot ng pagpapakulay ng buhok.
Bagama’t medyo limitado, karamihan sa pananaliksik ay nagpapahiwatig na ang mga kemikal na matatagpuan sa semi-permanent at permanenteng pangkulay ay hindi masyadong nakakalason. Ayon dito, ligtas na gamitin ang hair dye sa panahon ng pagbubuntis dahil maliit na halaga lamang ng pangkulay ng buhok ang maaaring masipsip ng balat at posibleng makakarating sa fetus.
May ibang pag-aaral na inuugnay ang paggamit ng hair dye mga ilang buwan bago ka mabuntis at habang ikaw ay nagbubuntis sa kaunting panganib ng neuroblastoma. Ito ay isang uri ng kanser na nagsisimula sa fetal stage at nakakaapekto sa mga nerve cells. Ang posibilidad na magkaroon ng neuroblastoma ay mas mataas mula sa pansamantalang pangkulay ng buhok kumpara sa mga permanenteng pangkulay ng buhok.
Susugal ka ba?
Bagama’t ang cosmetics industry ay hindi kailanman nagsabi ng posibleng masamang epekto ng mga chemical products na ginagamit nila, mas mabuting iwasan ang mga panganib sa pagbubuntis.
Walang buntis na gustong ipagsapalaran ang buhay nya at ng kanyang sanggol. Bagkus, gusto mong gawin lahat ng maaari upang matiyak na ligtas ang iyong pagbubuntis at malusog ang sanggol. Ang pinakamalaking panganib sa mga kemikal ay ang mga pagkakataon na ito ay malalanghap mo o tumagos sa iyong balat. Pag nagkataon, aabot ito sa inunan at sa fetus.
[embed-health-tool-due-date]