May iba’t-ibang uri ng pagkalaglag, depende sa kung kailan ito nangyari, at ng iba pang mga detalye ng pangyayari. Ang pagkalaglag ay ang hindi inaasahang pagtatapos ng pagbubuntis sa unang 20 linggo nito. Dahil lang sa tinatawag itong “miscarriage” ay hindi nangangahulugan na gumawa ka ng mali sa pagdadala ng pagbubuntis. Karamihan sa mga pagkalaglag ay wala sa iyong kontrol at nangyayari dahil ang fetus ay huminto sa paglaki.Karamihan sa mga pagkalaglag o miscarriages ay nangyayari sa unang trimester ng pagbubuntis.
Hindi pa rin lubos na maintindihan kung bakit nangyayari ang bawat pagkalaglag. Ngunit maaaring gumamit ang mga doktor ng isang partikular na termino para sa mga pagkalaglag na naiintindihan ng syensya. Ang mga uri na ito ay maaaring magbigay sa iyo ng karagdagang impormasyon tungkol sa kung bakit ito maaaring nangyari.
Uri ng pagkalaglag
Threatened miscarriage
Sa unang 20 linggo ng pagbubuntis, maaari kang makaranas ng threatened miscarriage na may pagdurugo, pananakit ng tiyan at mas mababang likod. Ang threatened miscarriage ay maaaring nakakatakot ngunit hindi ito kailangan mauwi sa isang aktwal na pagkalaglag. Sa katunayan, humigit-kumulang kalahati ay nagreresulta sa mga buhay na sanggol na ipinanganak.
Magsasagawa ang iyong doktor ng pagsusuri kung mayroon kang hindi maipaliwanag na pagdurugo. Kung ikaw ay may nakakaranas ng threatened miscarriage, ang iyong cervix ay mananatiling sarado ngunit ikaw ay dumudugo at nakakaranas ng pelvic cramping. Sa pangkalahatan, karaniwang nagpapatuloy ang pagbubuntis nang walang karagdagang isyu. Ngunit kapag ang iyong cervix ay nabuksan, mas malamang na magkaroon ng pagkalaglag. Kadalasan ay inirerekomenda ang pahinga, ngunit walang siyentipikong patunay na nakakatulong ito sa yugtong ito.
Missed miscarriage
Ang missed miscarriage, na kilala rin bilang silent miscarriage, ay isang uri ng pagkalaglag. Nangyayari ito kapag ang isang sanggol ay namatay sa sinapupunan, ngunit ang ina ay walang anumang sintomas, tulad ng pagdurugo o pananakit. Ang anumang uri ng pagkalaglag ay maaaring maging sanhi ng pagkabigla. Ngunit hindi kasing tindi ng missed miscarriage dahil sa kakulangan ng mga sintomas.
Ang ganitong pagkalaglag ay karaniwang nasusuri sa panahon ng isang regular na ultrasound scan bilang bahagi ng antenatal na pangangalaga. Maaaring makita sa ultrasound na ang sanggol ay walang tibok ng puso o ang sanggol ay masyadong maliit para sa petsa ng iyong pagbubuntis. Kung mayroon pa ring tibok ng puso, isasagawa ang pangalawang pag-scan sa loob ng 10-14 na araw upang suriin ang pagbubuntis.
Chemical pregnancy isang uri ng pagkalaglag
Isang uri ng pagkalaglag ang chemical pregnancy. Nangyayari ito kapag ang pagbubuntis ay nauwi sa pagkalaglag bago ang ika-limang linggo ng pagbubuntis. Maaaring kumpirmahin ang pagbubuntis sa pamamagitan ng blood test o home pregnancy test ngunit hindi pa nakikita sa isang ultrasound scan.
Ang chemical pregnancy ay isang napakaagang pagkalaglag. Maaaring mangyari ito bago mo malaman na buntis ka. Ang itlog ay fertilized ngunit nalaglag kaagad pagkatapos ng implantation, kaya walang tibok ang puso. Karaniwang hindi ka magkakaroon ng mga senyales ng anumang nangyayari sa isang chemical pregnancy. Malamang na dumugo ka sa oras na matapos ang iyong regla, o higit sa lahat ay maaaring huli ito ng ilang araw o medyo mas mabigat kaysa sa karaniwan. Kadalasan ay nangyayari ito dahil ang fertilized egg ay may mga chromosomal abnormalities.
Blighted ovum
Ang blighted ovum, na kilala rin bilang anembryonic pregnancy ay isang uri ng pagkalaglag na nangyayari sa unang trimester. Madalas itong nangyayari bago mo malaman na buntis ka. Ang blighted ovum ay nangyayari kapag ang fertilized egg ay nakakabit sa dingding ng iyong matris ngunit hindi nagiging embryo. Baka maramdaman mong buntis ka. Gayunpaman, ang doktor na nagsasagawa ng ultrasound ay makakakita ng isang walang laman na gestational sac at wala itong maririnig na tibok ng puso.
Ang blighted ovum ay kadalasang sanhi ng chromosomal o genetic na mga problema sa panahon ng cell division. Sa panahon ng paglilihi, ang itlog ay magsisimulang mahati ilang sandali pagkatapos na ma-fertilize ito ng sperm. Pagkaraan ng sampung araw, ang mga selula ay makakabuo ng embryo. Ngunit sa blighted ovum, ang embryo ay hindi kailanman nabubuo o kahit mabuo man, ito ay humihinto sa paglaki.
[embed-health-tool-due-date]