Ang edema o manas sa paa ay isang medical condition na tumutukoy sa pagkaipon ng sobrang fluid sa mga tissue ng ating paa, na sanhi ng pamamaga at discomfort. Maaaring makaapekto ang manas sa anumang bahagi ng katawan, pero madalas ito sa mga paa at bukung-bukong. Ito’y dahil sa gravity at sa ginugugol nating oras sa pagtayo o pag-upo.
Sa katunayan, maraming iba’t ibang mga dahilan ng manas sa paa. Ilan sa mga sanhi nito ay ang mga pinsala, impeksyon, mga problema sa sirkulasyon, at underlying health condition, tulad ng sakit sa puso, atay, at bato.
Bukod pa rito, maaaring kabilang sa mga sintomas ng manas sa paa paa ang pamamaga, pananakit, paninigas, at pagkakaroon ng mabigat na pakiramdam sa apektadong bahagi. Ang paggamot rin para sa manas sa paa ay depende rin sa pinagbabatayan nito. Gayunpaman, maaaring makatulong ang mga pagbabago sa diyeta, ehersisyo, mga gamot, at o iba pang mga medical intervention.
Nagbigay rin ng mga tip si Dr. Willie Ong sa kanyang vlog na pinamagatang “Paano Alisin ang Manas sa Paa in 30 minutes”, kung paano maaaring maibsan ang edema. Para malaman ang mga paraan na ito, patuloy na basahin ang article na ito.
Disclaimer: Ang anumang mababasa article na ito ay hindi kapalit ng anumang medikal na payo at paggamot. Mahalaga pa rin na kumunsulta sa isang doktor para sa tamang pagsusuri at treatment sa kondisyon.
Mga Paraan sa Pagtanggal ng manas sa loob ng 30 minutes
Narito ang ilan sa mga tip ni Dr. Willie Ong upang makatulong na mabawasan ang edema o pamamaga sa paa sa loob lamang ng 30 minuto:
- Itaas ang mga paa
Ihiga ang katawan at itaas ang iyong mga paa sa itaas ng iyong puso para makatulong na mapabuti ang daloy ng dugo at mabawasan ang pamamaga ng paa.
- Masahiin ang apektadong bahagi ng manas
Dahan-dahang imasahe ang namamagang bahagi upang makatulong na pasiglahin ang sirkulasyon at mabawasan ang pamamaga.
- Magsagawa ng mga ehersisyo sa paa
Iikot ang iyong mga bukung-bukong at igalaw ang iyong mga daliri sa paa para makatulong na mapabuti ang daloy ng dugo at mabawasan ang pamamaga ng paa.
- Iwasan ang pagkain ng mga maaalat na pagkain
Tandaan mo na ang mataas na pagkonsumo ng asin ay maaaring maging sanhi ng pagpapanatili ng fluid, kaya mahalagang limitahan ang iyong paggamit ng asin.
- Uminom ng maraming tubig
Malaki ang naitutulong ng pag-inom ng tubig sa pag-flush ng sobrang sodium at fluids sa katawan. Isa itong mabisang paraan para maiwasan o maharap ang edema sa paa.
- Magsuot ng komportableng sapatos
Ang masikip na sapatos ay maaaring makahadlang sa daloy ng dugo at magpapalala ng pamamaga, kaya mahalagang magsuot ng komportable at angkop na sapatos.
Huwag mo ring kakalimutan na ang mga tip na ito ay maaaring hindi ganap na makapag-alis ng manas sa loob lamang ng 30 minuto. Gayunpaman, makakatulong ang mga ito sa pagpapagaan ng mga sintomas, at pagbibigay ng ginhawa sa sarili. Kung mayroon kang malubhang pamamanas, inirerekumenda na kumunsulta sa isang doktor para sa karagdagang pagsusuri at paggamot.