Ano ang scoliosis na nakakaapekto sa hanggang tatlong porsyento ng populasyon? Ito ay tinatayang anim hanggang siyam na milyong tao sa Estados Unidos. Walang detalye kung gaano karami ang may scoliosis sa Pilipinas ngunit ayon sa Scoliosis Philippines, mayroong humigit-kumulang 720,000 na pasyente sa Mindanao noong 2019 ang kinakailangang ma-operahan sa scoliosis.
Maaaring magsimula ang scoliosis sa pagkabata ngunit para sa karamihan, ito ay nagsisimula sa gulang na 10 hanggang 15 anyos. Karamihan sa mga pasyenteng umaabot sa curve magnitude na nangangailangan ng paggamot ay mga babae. Ayon sa National Scoliosis Foundation sa Amerika, tinatayang may hanggang 30,000 na mga bata ang nilagyan ng brace at 38,000 na mga pasyente ang sumasailalim sa spinal fusion surgery bawat taon.
Ano ang scoliosis at paano ito nangyayari?
Ang scoliosis ay ang patagilid na kurba ng gulugod na kadalasang nasusuri sa mga kabataan. Maaaring magkaroon nito ang mga taong may cerebral palsy at muscular dystrophy. Subalit, hindi alam ang sanhi ng karamihan sa mga kaso ng scoliosis sa bata. Karamihan sa mga kaso ng scoliosis ay banayad. Gayunpaman, ang ilang mga kurba ay lumalala habang lumalaki ang mga bata. Maaaring magdulot ng kapansanan ang matinding scoliosis. Ang isang partikular na malubhang pagkurba ng gulugod ay maaaring makabawas ng espasyo sa loob ng dibdib. Dahil dito, maaaring maaapektuhan ang iyong paghinga.
Ang iyong gulugod ay binubuo ng maliliit na buto na tinatawag na vertebrae na nakasalansan sa ibabaw ng bawat isa. Mayroon din itong natural na kurba na tumutulong sa iyong yumuko at gumalaw.
Ngunit ano ang scoliosis? Kapag mayroon kang scoliosis, ang iyong gulugod ay kurbadong higit sa nararapat. Ito ay bumubuo ng hugis letrang “C” o “S”. Kadalasan ang kurba ay banayad at hindi nakakaapekto sa iyong itsura o kalusugan. Gayunpaman maaari itong lumala sa paglipas ng panahon. Maaari rin itong magdulot ng pananakit ng likod at iba pang problema sa kalusugan.
Ano ang scoliosis partikular na ang idiopathic scoliosis?
Ang mga bata sa anumang edad, kahit na mga sanggol, ay maaaring magkaroon ng scoliosis. Idiopathic scoliosis ang tawag sa pinakakaraniwang uri nito. Ito ay kadalasang lumalabas sa panahon ng pagdadalaga o pagbibinata. May dalang misteryo ang idiopathic scoliosis kahit sa siyensya. Walang nakakaalam kung bakit nakukuha ito ng mga tao, ngunit ipinapakita ng pananaliksik na may papel ang genetics dahil nangyayari ito sa mga pamilya.
Ang idiopathic scoliosis ay hindi sanhi ng mga bagay tulad ng pagdadala ng mabigat na bag, masamang postura, paglalaro ng sports—o anumang bagay na maaari mong gawin. Wala kang kontrol kung magkakaroon ka ng scoliosis. Ito ay nasa iyong mga genes. Hindi naman ito nagdadala ng panganib sa iyong buhay at maaari ka pa ring mamuhay ng normal at maging aktibo.
Ano ang scoliosis at mga sintomas nito
Sintomas ng scoliosis sa bata
Karaniwang lumilitaw ang ganitong kalagayan kapag ang isang bata ay nasa pagitan ng 8 at 10 taong gulang. Ang mga sintomas ay maaaring lumala habang lumalaki ang mga ito.
Maaaring iba-iba ang kaso ng bawat bata na may scoliosis. Ang ilan ay walang anumang sintomas. Ang iba ay may napakalinaw tulad ng:
- Magkaibang taas ng mga balikat
- Ang isang balakang ay mas mataas kaysa sa isa o lumalabas
- Ang kanilang ulo ay hindi mukhang nakasentro sa iba pang bahagi ng kanilang katawan
- Mukhang itinutulak sa labas ang tadyang
- Kapag yumuko sila, magkaibang taas ang dalawang gilid ng kanilang likod
Sintomas ng scoliosis sa matanda
Ang ilang mga nasa hustong gulang na may scoliosis ay nagkaroon na nito mula noong sila ay mga teenager pa. Sa paglipas ng panahon, maaaring lumaki ang mga kurba. Pansinin kung ano ang scoliosis at mga sintomas nito:
- Pananakit ng likod
- Hindi pantay na balikat o balakang
- Bump sa ibabang likod
- Pamamanhid, panghihina, o sakit sa mga binti
- Problema sa paglalakad
- Problema sa pagtayo ng tuwid
- Pagod na pakiramdam
- Pagkakapos sa paghinga
Paano sinusuri kung ano ang scoliosis
Maaaring i-refer ka ng doktor sa isang orthopaedic specialist. Ginagamot ng mga ekspertong ito ang mga sakit ng buto at kalamnan. Nakikita nila ang maraming kabataan na may scoliosis at maaaring magpasya kung kailangan mo ng paggamot.