Pangingilo ang tawag sa iyong nararamdaman kapag bigla kang napangiwi habnag kumakain ng ice cream o umiinom ng mainit na kape. Minsan naman, bigla mo itong mararanasan kapag ikaw ay nagpo-floss o nagsisipilyo.
Napakasensitibo talaga ng mga ngipin, at ito ay maaaring mangyari sa maraming pagkakataon. Iba’t-iba man ang intensity sa bawat pag-atake nito, ang sakit ay karaniwang bigla at tagos hanggang dulo ng ugat ng iyong mga ngipin. Nangyayari ito kapag ang nakalabas na bahagi ng ngipin na tinatawag na dentin ay nalantad. At kapag wala ng hard enamel na tumatakip sa mga ugat, mas magiging sensitibo ang ngipin.
Sanhi ng pangingilo:
Pagkabulok ng ngipin
Isa sa mga maagang babala ng cavity o pagkasira ng ngipin ay ang pagiging sensitibo nito, lalo na kapag kumakain ka ng mainit, malamig, o matamis na pagkain o inumin. Maaaring mauwi sa pagkalantad ng dentin ang mga bulok at sirang ngipin, sira-sirang fillings o crowns. Dahil dito, nagiging sensitibo ang ngipin. Kung ito ang kaso, malamang na makaramdam ka lang ng sensitivity sa isang partikular na ngipin o rehiyon sa bibig sa halip na sa karamihan ng mga ngipin.
Agarang magpatingin sa dentista upang malaman agad kung ano ang sanhi nito. Sa karamihan ng ganitong kaso, kinakailangan ng tatlo hanggang apat na buwan ang reminineralization isang natural na proseso ng pag-aayos ng ngipin.
Acidic na pagkain
Pangingilo ang epekto ng regular na pagkonsumo ng mga pagkaing may mataas na acid content. Ang mga acidic na pagkain tulad ng mga kamatis, citrus fruit, atsara at tsaa ay maaaring magdulot ng enamel erosion. Ang mga acidic na pagkain at inumin ay kabilang sa mga pinakakaraniwang nag-aambag sa pagiging sensitibo ng ngipin..
Maaari mong bawasan ang pagka-sensitibo ng ngipin sa pamamagitan ng pagkain ng balanseng diyeta. Posibleng ma-neutralize ang acidity ng mga pagkain sa pamamagitan ng mga alkaline na pagkain tulad ng:
- Madahong gulay
- Cauliflower
- Broccoli
- Root vegetables
Pangingilo dahil sa paggiling ng ngipin
Ang paggiling ng iyong mga ngipin lalo na kapag natutulog ka, ay isa pang karaniwang sanhi ng pagiging sensitibo ng ngipin. Maaari din itong mangyari dahil sa pag-igting ng iyong panga. Habang nagkikiskisan ang mga ngipin sa isa’t isa sa mahabang panahon nang may matinding puwersa at walang proteksyon, numinipis ang enamel, at nalalantad ang dentin.
Maaaring ginagawa mo ang mga bagay na ito nang hindi mo namamalayan. Kadalasang nangyayari ito sa mga panahong mataas ang iyong stress level, o hindi mahimbing ang iyong pagtulog.
Maiiwasan ang pagkasira ng dentin dahil sa paggiling ng ngipin sa pamamagitan ng:
- Paggamit ng mouth guard
- Mga pagbabago sa pamumuhay
- Pag-aayos sa iyong diyeta
Umaatras na mga gilagid sanhi ng pangingilo
Maaaring umuurong ang iyong mga gilagid sa paglipas ng panahon. Habang ginagamit mo ang iyong mga ngipin, ang tisyu ng gilagid ay dahan-dahang nawawala. Ito ay maaaring sanhi rin ng periodontal disease. Kapag nalantad ang dentin na nakapalibot sa ugat ng ngipin, magiging sensitibo ang iyong ngipin.
Bukod pa rito, mas madaling makapasok ang bacteria sa mga gaps at pocket na nilikha ng pag-atras ng gilagid.. Maaari kang mawalan ng ngipin sa kalaunan o mapinsala ang buto o tissue sa nasabing lugar.
Ang pag-urong ng mga gilagid ay karaniwan, ngunit ang pag-urong ay hindi dapat maging malubha. Maiiwasan ito sa pamamagitan ng pagpili ng toothbrush na may soft o medium bristles.Pumili rin ng toothpaste na para sa sensitibong ngipin.
Ang pangingilo ng ngipin ay maaari ding sintomas ng iba pang mga isyu tulad ng kakulangan ng mga vitamins. Kapag kulang ka sa Vitamin D, maaaring maging mas sensitibo ang iyong ngipin. Ang kakulangan naman sa Vitamin B12 ay nakakapag pataas ng panganib ng gum disease. Malalaman mo lamang ang ugat ng problema kapag nagpatingin ka sa iyong dentista.













