Ang maputlang labi ba ay sintomas ng medikal na kondisyon? Maaari namang mag-iba ang kulay ng labi sa iba’t-ibang kadahilanan gaya ng pagkalantad sa araw, kulay ng balat, o ng pangkalahatang kalusugan.
Pwedeng mag-iba ang kulay ng iyong labi pagkatapos mong kumain ng bagay na may kulay gaya ng wine, beets, o berries. Gayunpaman, maaaring may mas seryosong dahilan kung bakit nag-iiba ang kulay ng labi gaya ng sumusunod:
Iron deficiency anemia
Nangangahulugan ito na ang iyong katawan ay walang sapat na iron upang makagawa ng hemoglobin. Mahalaga ang hemoglobin dahil ito ang protina sa red blood cells na nagdadala ng oxygen sa buong katawan.
Maaari kang makaramdam ng sobrang pagkapagod at kapos sa paghinga kung mayroon kang iron deficiency anemia. Ang mga sintomas nito ay maputlang balat at maputlang labi. Ito ay maaaring sanhi ng:
- Talamak na pagkawala ng dugo dahil sa pinsala, operasyon, o panganganak
- Pagkawala ng dugo dahil sa labis na paggamit ng aspirin
- Labis na pagkawala ng dugo dahil sa malakas na regla
- Kawalan ng kakayahan na mag-absorb ng iron dahil sa operasyon sa bituka
- Pag-inom ng gamot na nakaka gambala sa pag-absorb ng iron
- Isang diyeta na mababa sa mga pagkaing nagbibigay ng iron
Kung hindi ginamot, ang iron deficiency anemia ay maaaring humantong sa sakit sa puso. Nakakaapekto rin ito sa development ng mga bata.
Maputlang labi at Kakulangan sa Vitamin B12
Ito ay maaaring senyales na kulang ka sa Vitamin B12. Kailangan ng iyong katawan ang vitamins na ito upang makagawa ng mga red blood cells upang mapunan ang namamatay na mga cells. Mapapanatili rin nitong malusog ang iyong central nervous system.
Ang kakulangan na ito ay maaaring magresulta sa megaloblastic anemia, na tinatawag ding pernicious anemia. Subalit tulad ng karamihan sa mga bitamina, ang Vitamin B12 ay hindi maaaring gawin ng iyong katawan. Bagkus, kailangan mong makuha ito mula sa pagkain o supplements.
Maaaring makuha ang vitamin B12 sa mga pagkaing ito:
- Karne ng baka, manok
- Atay
- Isda
- Shellfish
- Yogurt
- Keso
- Itlog
Vasovagal syncope
Ang Vasovagal syncope ay isa sa mga pinakakaraniwang sanhi ng npagkawala ng kulay ng iyong balat kung san isa sa sintomas ay ang maputlang labi. Ito ay nangyayari kapag ang katawan ay nag-overreact sa ilang partikular na triggers. Pwedeng mangyari ito kapag nakakita ka ng dugo o nakaranas ka ng matinding emosyonal na pagkabalisa.
Ang biglaang pagbaba ng heart rate at presyon ng dugo ay nagiging sanhi ng pagbawas ng daloy ng dugo sa utak. Nagreresulta ito sa panandaliang pagkawala ng malay. Normal ang kondisyong ito at hindi kailangan ng paggamot. Gayunpaman, maaaring mangailangan ka ng medikal na atensyon kung sa panahon ng pagkahimatay ay nahulog ka at nasugatan ang isang bahagi ng katawan.
Vitiligo
Ito ay isang kondisyon na nagiging sanhi ng pagkawala ng kulay ng iyong balat at maputlang labi. Ang iyong mga skin cells na tinatawag na melanocytes ay gumagawa ng kulay sa iyong balat na tinatawag na melanin. Nasisira ang mga melanocyte na ito kung mayroon kang Vitiligo, na ayon sa mga pananaliksik ay isang autoimmune disorder.
Maaari kang makakuha ng vitiligo sa iyong ibabang labi. Nagsisimula ito bilang isang maliit na tuldok na kumakalat hanggang sa kabuuan ng iyong labi. Hindi pa rin malinaw kung ano talaga ang sanhi nito. Ngunit ayon sa mga doktor, inaatake ng iyong katawan ang mga malusog na cells na nagbibigay ng kulay sa iyong balat.
Sintomas ba ng sakit ang maputlang labi?
Sa pangkalahatan, hindi naman dapat mag-alala kung may ibang kulay ang iyong labi. Maliban na lang kung ikaw ay nakakaranas din ng maputlang balat, dila, lining ng mata, at palad ng mga kamay. Hindi ganun kadali matukoy ang pamumutla sa pamamagitan ng kulay ng balat kung kaya dapat tingnan ang labi at lining ng mata.