Pwede ba magpabunot ng ngipin ang isang buntis? Ito ay importanteng tanong para sa isang buntis, lalo na kung di mo na kaya ang sakit na dulot ng sirang ngipin. Gustuhin mo mang humanap ng lunas, natatakot ka naman kung ano ang epekto nito sa iyong pagbubuntis.
Kadalasan, nakakalimutan na ang pagbisita sa dentista kapag abala ka sa pag set-up ng nursery at pagbisita sa doktor. Gayunpaman, ang pagbisita sa dentista ay importante kahit na buntis ka. Para hindi ito malimutan, gumawa ng isang listahan ng mga dapat mong gawin, at makipag-appointment agad sa iyong dentista.
Halaga ng dental hygiene sa isang buntis
Para masagot ang tanong mo kung pwede ba magpabunot ng ngipin ang buntis, alamin muna ang halaga ng dental hygiene. Mahalaga ang panatilhin ang good oral hygiene ngunit ang kalinisan ng ngipin ay mas mahalaga lalo na kung ikaw ay buntis. Maiiwasan mo ang pagkakaroon ng plaque build-up sa pamamagitan ng sumusunod:
- Regular na paglinis ng ngipin at gilagid
- Pagsisipilyo sa umaga at gabi
- Mag-floss isang beses isang araw
Mas madaling kapitan ng cavities at sakit sa gilagid ang mga buntis. Dahil dito, dapat ituring na mahalagang bahagi ng prenatal care ang kalusugan ng bibig. Kapag hindi mo napanatili ang good dental hygiene, posibleng magresulta sa hindi magandang kalusugan para sa ina at sanggol
Ligtas at pwede ba magpabunot ng ngipin ang buntis?
Mas makakabuti kung ikaw ay magpatingin sa dentista kung may balak mabuntis. Kung hindi naman ito nagawa, magpasuri ng ngipin bago ka manganak. Takot ka bang pumunta sa dentista dahil sa paniniwala na makakaapekto ito sa iyong sanggol?
Hinikayat ng American Dental Association, American Academy of Pediatrics , at ng American Congress of Obstetricians and Gynecologists ang mga buntis na magpatingin sa dentista. Ayon sa mga eksperto, ang mga medical procedures na ginagawa sa ilalim ng outpatient settings ay karaniwang ligtas. Gayunpaman, mas makakabuti sa buntis kung may koordinasyon ang kanyang Ob/Gyn at dentista.
Karaniwang alalahanin: Pwede ba magpabunot ng ngipin ang buntis?
Narito ang mga dahilan kung bakit kinakabahan pumunta sa dentista ang mga buntis:
Epekto ng anesthesia sa sanggol
Karaniwang ginagamit ang anesthesia o pampamanhid kapag ikaw ay pumunta sa dentista upang magpa-pasta, root canal, o magpapabunot ng ngipin. Huwag mag-alala tungkol sa kaligtasan ng mga pampamanhid na ginagamit ng iyong dentista dahil ito ay ligtas para sa iyo at ang sanggol sa iyong sinapupunan.
Ayon sa isang pag-aaral na lumabas sa Journal of the American Dental Association noon 2015, ang mga pampamanhid na ito ay ligtas. Sinabi din ng mga researchers na walang ebidensya na may epekto ang mga pampamanhid sa mga sumusunod:
- Posibleng pagkalaglag ng sanggol
- Birth defects
- Premature birth
- Bigat ng sanggol
Sintomas na nagpapahiwatig na kailangan nang bunutin ang ngipin:
Kapag napansin mo ang mga sumusunod na sintomas, kinakailangan mo nang magpabunot ng ngipin kahit na buntis ka:
- Matinding sakit sa gilagid at ngipin
- Pagkabulok o impeksyon sa ngipin
- Nahihirapang kumain
- Namamagang gilagid
- Problema sa pagsasalita
- Pagdurugo ng gilagid
Pwede ba magpabunot ng ngipin ang buntis? Ano ang epekto ng gamot?
Ipaalam sa iyong dentista kung mayroon kang iniinom na mga gamot. Makakatulong ito sa pagdedesisyon kung anong klase ng gamot ang pwede sa iyo. Mas makakabuti kung nag-uusap ang iyong dentista at Ob/Gyn. Maari silang magdesisyon ng ligtas na pampamanhid at antibiotics para sa buntis.
Kung maaari lang ay iniiwasan ng dentista na bunutan ng ngipin ang isang buntis. Hindi lamang ito nagdudulot ng sakit, kung hindi pati stress na maaaring makaapekto sa iyong sanggol. Gayunpaman, maaaring irekomenda ito ng dentista kung ikaw ay may impeksyon o gingivitis.
Matuto ng higit pa tungkol sa pangangalaga ng iyong ngipin, gums, at bibig dito.