Ang mga produkto para sa oral care ay mahalagang bahagi ng pang-araw-araw na gawain sa hygiene. Pinipigilan ng mga ito ang pagkakaroon ng masamang hininga at mga impeksyon sa bibig. Ang mga produktong ginagamit araw-araw ay maaaring gumawa ng malaking epekto sa hygiene ng ngipin. Narito ang ilang mga produkto para sa oral care na kailangan upang mapanatiling malinis at walang sakit ang mga ngipin at gilagid.
Mga Produkto Para Sa Oral Care: Mahalaga Para Sa Mas Maganda, Mas Malusog Na Ngiti
1. Toothbrush
Masasabing ang toothbrush ay ang pinakakailangan sa lahat ng mga produkto para sa oral care kasama ng toothpaste. Sa pamamagitan ng pagsipilyo, natatanggal ang plaque sa mga ngipin, gilagid, at dila. Ang brushes ay maaaring nauuri bilang manual o electric. Ang parehong uri ng toothbrush ay maaaring epektibong maglinis ng mga ngipin, at ang uri ng toothbrush na gagamitin ay depende sa kung ano ang gusto ng taong gagamit nito.
2. Toothpaste
Ang toothpaste ay maaaring sa paste o gel. Depende sa kanilang gamit, ang mga uri ng toothpaste ay naglalaman ng iba’t ibang sangkap. Ang ilan sa mga pinakakaraniwang sangkap ng toothpaste ay ang abrasives, fluoride, at detergents.
Bukod sa fluoride, naglalaman din ang toothpaste ng iba pang sangkap na may benepisyo sa kalusugan ng bibig. Ang mga sangkap na ito ay maaaring makatulong upang mabawasan ang pagiging sensitibo ng ngipin at mapababa ang tyansa ng pagkakaroon ng gingivitis. Ilan sa mga sangkap na matatagpuan sa mga produkto ay kilala ring nakatutulong upang maiwasan ang pamumuo ng mga tartar at pagkasira ng enamel.
3. Mouthwash
Ang oral rinse ay tinatawag ding mouthwash. Ito ay isa sa mga karaniwang liquid nq produkto para sa oral care na ginagamit upang banlawan at linisin ang mga ngipin, gilagid, at bibig. Karaniwan itong iminumumog. Ang mga produktong ito ay angkop sa iba pang mga hakbang sa kalinisan sa bibig, tulad ng flossing at pagsisipilyo. Gayunpaman, hindi ito nito mapapalitan ang dalawang ito.
Ang mouthwashes ay maaaring iuri bilang cosmetic o therapeutic.
Naglalaman ang therapeutic mouthwash ng mga sangkap na antibacterial. Ang mga ito ay nakatutulong na mabawasan ang plaque at iba pang bakterya na maaaring maging sanhi ng gingivitis at mabahong hininga.
Ang mouthwashes na ginawa para sa layuning cosmetic ay panandaliang nakapagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng mabahong hininga. Karaniwan ding may kaaya-ayang lasa ang mga ito. Ngunit sa kabila ng masarap na lasa, hindi nito nababawasan ang bakterya na nagdudulot ng cavities o sakit sa gilagid.
Ang mouthwash ay hindi dapat gamitin ng mga batang wala pang 6 taong gulang nang walang rekomendasyon ng dentista. Ito ay dahil maaaring aksidente silang makalunok ng maraming liquid.
4. Interdental Brushes
May brushes na espesyal na ginagamit para linisin ang mga puwang ng ngipin. Ang ganitong uri ng mga produkto para sa oral care ay tinatawag na interdental brushes.
Ito ay may iba’t ibang laki. Karaniwang ang kulay nito ay batay sa laki ng mga puwang sa pagitan ng mga ngipin. Kung hindi sigurado sa pagsakit ng interdental brush o hindi mo alam kung saan maaaring makabili nito, maaaring humingi ng payo mula sa dentista.
5. Dental Floss
Ang dental floss ay isang set ng mga maninipis na hibla na ginagamit upang linisin ang pagitan ng mga ngipin sa pamamagitan ng pag-alis sa pagkain at dental plaque mula sa mga lugar na hindi abot ng toothbrush.
Bilang karagdagan sa regular na pagsipilyo, ang dental flossing ay mahalaga upang maiwasan ang pamumuo ng plaque lalo na sa pagitan ng mga siwang ng mga ngipin. Ang plaque na nakaipit sa pagitan ng mga ngipin ay maaaring kalaunan maging sanhi ng pagkabulok ng ngipin o mga impeksyon sa gilagid.
6. Dental Tape
Hindi tulad ng karaniwang floss, ang dental tape ay mas malapad at mas flat. Mayroon itong waxed maging unwaxed na mga bersyon. Ang dental tape ay kadalasang mas komportableng gamitin kaysa sa karaniwang floss para sa mga taong may mas malawak na espasyo sa pagitan ng kanilang mga ngipin.
Ang plaque at particles ng pagkain ay hindi naaalis sa pamamagitan lamang ng pagsipilyo ng ngipin. Hindi naaabot ng karaniwang toothbrush ang makitid na mga puwang sa pagitan ng mga ngipin, sa ilalim ng gumline, o sa ilalim ng braces. Upang matugunan ito, dapat na regular na mag-floss ng mga ngipin.
7. Floss Picks
Ang floss pick ay isang kagamitang nagpapadali sa pag-floss ng pagitan ng mga ngipin. Ang isang piraso ng floss sa tulong ng isang plastic na hawakan ay ginagamit upang linisin ang mga puwang.
Sa paggamit ng produkto para sa oral care na ito, hawakan ang isang maikli at mahigpit na strip ng floss sa pagitan ng dalawang poste sa isang espesyal na idinisenyong D-shaped na piraso ng plastik. Ito ay mas maayos gamitin kaysa sa regular na floss dahil hindi na kailangang iikot ang floss sa paligid ng mga daliri.
Dagdag pa, sa paggamit ng floss picks ang pag-abot sa likod ng ngipin ay mas madali at maaaring magawa sa loob ng mas kaunting oras kumpara sa paggamit ng tradisyonal na floss.
8. Tongue Scraper
Bukod sa toothbrush, ang iba pang produkto para sa oral care ay ginagamit upang linisin ang dila na tinatawag na tongue scrapers. Maraming iba’t ibang tongue scraper na magagamit ngayon na may iba’t ibang mga hugis at anyo. Gumagana ang mga ito sa pamamagitan ng pagkamot simula sa likod ng dila at paghila patungo sa harap.
Ang pagpapanatili ng kalinisan ng dila ay mahalaga upang maiwasan ang pamumuo ng bakterya. Ang patay na cells at mga tirang pagkain na nananatili sa dila ay maaaring magdulot ng masamang hininga at iba pang problema sa kalusugan ng bibig.
Key Takeaways
Isang mahalagang bahagi ng pang-araw-araw na kalinisan ang paggamit ng mga produkto para sa oral care. Sa pamamagitan ng mga ito ay mapipigilan ang pagkakaroon ng mabahong hininga at mga impeksyon sa bibig.
Gayunpaman, hindi lamang ang mga produktong ginagamit upang mapanatili ang mga gilagid at ngipin ang mahalaga. Ang pagiging consistent kasama ng tamang pagsisipilyo at flossing ay susi sa pinakamainam na kalusugan sa bibig.
Matuto pa tungkol sa Oral na Kalusugan dito.