Namamaga at masakit ba ang iyong bibig habang nakararanas ng lagnat? Malamang na mayroon kang beke. Bagama’t ang pagkakaroon ng beke ay hindi dapat maging sanhi ng alalahanin sa panahon ng pagkabata, ang pagkakaroon nito sa mga nakatatanda ay maaaring maging mas malubha. Sa artikulong ito, alamin kung ano ang mga sintomas ng beke, maging ang mga sanhi, panganib, at mga paraan ng paggamot nito.
Ano Ang Beke?
Isang nakahahawang sakit ang beke na sanhi ng sakit na dulot ng virus na paramyxovirus. Minsan ay tinatawag itong infectious parotitis. Ang beke ay kumakalat sa mga tao sa pamamagitan ng direktang ugnayan ng mga tao sa mga patak ng virus na airborne. Karaniwang tinatarget ng beke ang salivary glands na matatagpuan sa bibig.
Kadalasang naaapektuhan ng sakit na ito ang mga bata. Gayunpaman, walang dapat ikabahala kung ang isang bata ay nahawahan ng sakit na ito. Ang mga normal na paraan ng paggamot ay sapat na upang labanan ang impeksyon.
Gayunpaman, kung nahawa ng sakit na ito habang tumatanda, maaaring makaranas ng mga mas malulubhang komplikasyon. Ito ay dahil ang virus ay maaaring kumalat sa iba pang mga bahagi ng katawan.
Mga Sanhi Ng Beke
Karaniwang pumapasok ang paramyxovirus sa katawan sa pamamagitan ng respiratory tract. Nangangahulugan itong ang virus ay maaaring pumasok mula sa ilong, mapunta sa bibig at makarating sa lalamunan. Sa oras na makapasok ito sa katawan, maaapektuhan ng virus ang parotid glands na nasa bibig. Ang glands na ito ang responsable sa pagprodyus ng laway sa bibig ng tao. Kapag nahawahan ang isang tao, magiging sanhi ito upang mamaga ang glands.
Bagama’t hindi karaniwan, ang virus na nagiging sanhi ng beke ay maaari ding makahanap ng paraan upang makarating sa cerebrospinal fluid. Ito ang fluid na nakapaligid at nagpoprotekta sa utak at gulugod. Sa oras na makaabot ang virus sa mga bahaging ito ng katawan, maaaring kumalat ang mga ito sa iba pang mga bahagi tulad ng testes ng lalaki o ovaries ng babae. Ang iba pang mga posibleng bahagi na maaaring maapektuhan ay ang utak o ang pancreas.
Mga Sintomas Ng Beke
Kabilang sa mga sintomas ng beke ay ang mga sumusunod:
- Pagsakit ng ulo
- Pagsakit ng kasukasuan
- Karaniwang nakararamdam ng sakit
- Panunuyo ng bibig
- Hindi gaanong malubhang pagsakit ng tiyan
- Kawalan ng ganang kumain
- Pagkapagod
- Lagnat (38°C pataas)
- Masakit na pagnguya at paglunok
May mga bihirang pagkakataon kung saan ang beke ay hindi kakikitaan ng mga kapansin-pansing sintomas.
Mga Sintomas Ng Beke: Mga Komplikasyon
Posible ang pagkalat ng beke sa iba pang mga bahagi ng katawan. Kung mangyayari ito, maaari itong humantong sa mga karagdagang komplikasyon. Mas mataas ang tyansang magkaroon ng mga komplikasyong ito kung magkaroon ng beke habang tumatanda:
Narito ang ilan sa mga posibleng komplikasyon mula sa pagkakaroon ng beke:
Pamamaga Ng Testicle
Para sa mga kalalakihan, ang virus ay maaaring kumalat mula sa parotid glands hanggang sa testicles. Ito ay kadalasang nagiging sanhi upang ang isang testicle ay mamaga at umambot Bagama’t bihira, ang namamagang testicle dulot ng beke ay maaaring maging sanhi ng pagkabaog.
Pamamaga Ng Ovaries
Tulad ng sa mga kalalakihan, ang virus ay maaari ding kumalat sa reproductive organ ng mga kababaihan. Ito ay maaaring maging sanhi ng pagsakit ng ibabang bahagi ng tiyan, lagnat, at pangkalahatang pakiramdam ng pagkakasakit. Sa kabutihang-palad, ito ay bihirang mangyari. Ang mga sintomas na ito ay karaniwang naiibsan kapag nilaban ng katawan ang sakit.
Meningitis Na Dulot Ng Virus
Nangyayari ang meningitis na dulot ng virus kung ang beke ay kumalat sa utak. Hindi tulad ng meningitis na dulot ng bakterya, mababa ang tyansang maging nakamamatay meningitis na dulot ng virus. Gayunpaman, ang pasyente ay nagkakaroon ng mga sintomas na tulad ng sa trangkaso maging ng pagiging sensitibo sa liwanag, pagsakit ng leeg, at pagsakit ng ulo.
Pancreatitis
May posibilidad ding kumalat ang virus sa pancreas. Bagama’t bihira, maaari itong maging sanhi ng biglaang pagsakit ng tiyan. Kasama ng pananakit, maaari ding maranasan ang pagtatae, kawalan ng ganang kumain, at paninilaw ng balat.
Encephalitis
Hindi man kapani-paniwalang bihira, ang pagkakaroon ng beke ay maaaring humantong sa kondisyong tinatawag na encephalitis. Ito ay potensyal na nakamamatay at nangangailangan ng masinsinang pangangalaga.
Mga Sintomas Ng Beke: Paggamot At Pag-Iwas
Sa kasalukuyan ay walang gamot para sa beke. Karamihan sa gamutan ay nakasentro upang maibsan ang mga sintomas hanggang sa labanan ng antibodies ng katawan ang virus. Ang sapat na pahinga sa kama at wastong nutrisyon ay pinapayo habang nilalabanan ang virus. Bilang karagdagan, mahalagang mag-ingat na huwag maikalat pa ang virus sa pamamagitan ng pag-isolate sa sarili.
Bagama’t wala pa ring lunas para sa beke, may mga bakunang maaaring gamitin upang magbigay ng immunity laban dito. Ipinapayong magpabakuna upang maiwasang mahawa nito.
Key Takeaways
Bagama’t hindi mapanganib ang impeksyong nangyayari habang bata pa lamang, ang mga beke ay maaari pa ring maging sanhi ng alalahanin kung naranasan ito habang tumatanda. Kabilang sa mga sintomas ng beke ay ang pagsakit ng ulo, pagsakit ng kasukasuan, panunuyo ng bibig, lagnat, at masakit na pagnguya at paglunok. Ang wastong pagbabakuna ay kailangan bilang pag-iingat laban sa virus na ito.
Matuto pa tungkol sa mga viral infection dito.