backup og meta

Paano ba Kumakalat at Nakahahawa ang COVID-19?

Paano ba Kumakalat at Nakahahawa ang COVID-19?

Pagdating sa pag-iwas sa pagkalat ng COVID-19, pinakamabuting proteksyon ang pagkakaroon natin ng tamang impormasyon. Isa nga sa pinakamahalagang dapat malaman ay kung paano kumakalat ang COVID-19.

Kung sapat at wasto ang ating nalalaman tungkol sa virus, napoprotektahan natin ang ating mga sarili. Gayundin ang mga mahal natin sa buhay.

Mahalagang malaman kung paano kumakalat ang COVID-19. Bakit? Dahil nakadepende ang anumang hakbang sa pag-iwas sa COVID sa pagkontrol kung paano ito kumakalat mula sa isang tao papunta sa isa pa. 

Batay sa impormasyong mayroon kami tungkol sa virus, nagsimula ang malawakang pagkalat nito sa Wuhan na probinsya ng China.

Ngunit paano nga ba kumakalat ang COVID-19, at paano natin mapababagal ang lalong pagkalat nito? Narito ang mga mga kasalukuyang kaalaman na mayroon tayo.

Paano kumakalat ang COVID-19?

paano kumakalat ang COVID-19

Batay sa mga pag-aaral na isinagawa tungkol sa COVID-19, ang pangunahing paraan ng panghahawa ng virus na ito ay sa pamamagitan ng respiratory droplet transmission.

Nailalabas ang mga droplet na may dalang virus sa pamamagitan ng pagbahing, pag-ubo, o pagsasalita. Nahahawa ang mga taong malapit dito (hanggang anim na talampakan o 1.5 na metrong layo)

Marami ding mga mga bansa ang nagsusulong ng social distancing, o pag-iwas sa close contact sa mga tao. Ginagawa ito upang makontrol ang lalong pagkalat ng sakit at epektibong mapababa ang bilang ng impeksyon.

Contact Tracing

Isang paraan upang matukoy ng mga awtoridad kung sino ang maaaring nahawahan ng virus ay sa pamamagitan ng tinatawag na “contact tracing” at pagbibigay ng mga tiyak na quarantine instructions. Ang contract tracing ay simpleng pagtukoy sa kung sino ang maaaring nakasalamuha ng taong nahawahan ng virus, at iba pang mga nakasalamuha rin nila.

Nakatutulong ito upang matukoy kung sino ang mga posibleng may dalang virus. At kung kinakailangan, ihiwalay o i-quarantine sila upang maiwasan ang lalong pagkalat ng virus.

Bukod sa mga droplet, maaari ding magdulot ng impeksyon ang mga surface na na-expose o kontaminado ng mga droplet na ito.

Nangyayari ito kapag nahawakan ng isang tao ang kontaminadong surface o bagay, at ihahawak sa ilong, mga mata, at bibig.

Kadalasang sa pamamagitan ng laway naililipat ang virus sa mga surface na ito. Puwedeng manatili dito sa loob ng ilang oras. May ilang pag-aaral na natuklasang puwedeng manatili ang virus sa loob ng hanggang 24 na oras sa ibabaw ng mga cardboard, at 2-3 araw sa mga plastic at bakal.

Isa pang potensyal na paraan kung paano kumakalat ang COVID-19 ay sa pamamagitan ng dumi, o ang tinatawag na fecal-oral transmission. Natuklasan ng mga mananaliksik na puwede ring makahawa sa bituka ng tao ang COVID-19.

Gayunpaman, ayon sa magkasamang ulat ng WHO at China, maliit lamang na salik ang fecal-oral transmission sa pagkalat ng impeksyong ito.

Airborne ba ang COVID-19 virus?

paano kumakalat ang COVID-19

Isa pang tanong ng mga tao ay kung posible bang makahawa ito sa pamamagitan ng hangin.

Ang airborne transmission ay nangangahulugang ang virus ay kayang manatili sa hangin. Ang mga halimbawa ng mga airborne disease ay tuberculosis, tigdas, influenza, at bulutong. 

Maaaring makahawa ng mas maraming tao ang airborne infection, dahil puwedeng mahawa ang sinumang lumanghap o huminga ng kontaminadong hangin. Kaya naman, maraming mga pag-aaral ang isinasagawa upang malaman kung posible nga ba ang airborne transmission pagdating sa COVID-19. Gayunpaman, hindi pa rin buo ang resulta ng mga pag-aaral.

Paano mapoprotektahan ng isang tao ang kanyang sarili mula sa COVID-19?

Ngayong alam na natin ang sagot sa tanong na paano “kumakalat ang COVID-19″, isa pang tanong ng mga tao ay ang “paano natin mapoproteksyunan ang sarili?”

Isa sa mga pinakamabuting puwedeng gawin ng isang tao upang maiwasan ang pagkalat ng virus ay ang pananatili sa loob ng bahay. Iwasang lumabas hangga’t maaari. At dahil maaaring kumalat ang virus mula sa isang tao papunta sa isa pa, malaki ang mababawas sa hawahan at pagkalat ng virus kung babawasan din ang pakikisalamuha sa isa’t isa. Sa ngayon, ito ang pinakamabuting paraan upang labanan ang sakit at pabagalin ang pagkalat nito.

Inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig sa loob ng hindi bababa sa 30 segundo. Lalo itong mahalaga para sa mga taong nakahawak sa mga kontaminadong surface. Nakatutulong din ang hand sanitizer at alcohol na 60% pataas upang maging malinis ang mga kamay.

Maganda ring iwasan ang paghawak sa mukha, lalo na sa mga mata, ilong, at bibig. Madali kang mahahawa kapag may droplet ng virus ang iyong kamay at ihahawak sa mukha.

Anong gagawin mo kapag nakasalamuha ka ng taong positibo sa COVID-19?

  • Sumailalim sa COVID-19 test
  • Bumukod o mag-isolate, limitahan ang pakikisalamuha sa iba
  • Ugaliin ang social distancing sa loob ng bahay
  • Ugaliin ang paghuhugas ng kamay
  • Iwasan ang paglapit o pakikisalamuha sa mga taong may sakit
  • Gumawa ng mga hakbang upang mapalakas ang immune system

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Study reveals how long COVID-19 remains infectious on cardboard, metal and plastic: People may acquire coronavirus through air and by touching contaminated surfaces — ScienceDaily, https://www.sciencedaily.com/releases/2020/03/200320192755.htm, Accessed October 28, 2020

How Coronavirus Spreads | CDC, https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/prepare/transmission.html, Accessed October 28, 2020

How to Protect Yourself & Others | CDC, https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/prepare/prevention.html, Accessed October 28, 2020

Report of the WHO-China Joint Mission
on Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) , https://www.who.int/docs/default-source/coronaviruse/who-china-joint-mission-on-covid-19-final-report.pdf, Accessed October 28, 2020

Coronavirus: the disease Covid-19 explained, https://multimedia.scmp.com/infographics/news/china/article/3047038/wuhan-virus/index.html, Accessed October 28, 2020

WHO considers ‘airborne precautions’ for medical staff after study shows coronavirus can survive in air, https://www.cnbc.com/2020/03/16/who-considers-airborne-precautions-for-medical-staff-after-study-shows-coronavirus-can-survive-in-air.html, Accessed October 28, 2020

Handwashing – Clean Hands Save Lives | CDC, https://www.cdc.gov/handwashing/index.html, Accessed October 28, 2020

COVID-19 coronavirus epidemic has a natural origin — ScienceDaily, https://www.sciencedaily.com/releases/2020/03/200317175442.htm, Accessed October 28, 2020

Detection of Novel Coronavirus by RT-PCR in Stool Specimen from Asymptomatic Child, China – Volume 26, Number 6—June 2020 – Emerging Infectious Diseases journal – CDC, https://wwwnc.cdc.gov/eid/article/26/6/20-0301_article, Accessed October 28, 2020

Kasalukuyang Version

09/07/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Mga Lunas Sa Ubo Na Maaaring Gawin Sa Bahay

Ano Ang Totoong Death Rate Ng COVID-19?


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement