backup og meta

Marburg Virus Disease, Mas Mapanganib Nga Ba Ito Kaysa Sa Ebola?

Marburg Virus Disease, Mas Mapanganib Nga Ba Ito Kaysa Sa Ebola?

Opisyal na kinumpirma ng Ghana ang dalawang kaso ng Marburg virus disease na naging sanhi upang mabahalang muli ang mga tao mula sa iba’t ibang bansa, dahil sa pagiging highly infectious disease ng virus na ito tulad ng Ebola. At ayon na rin sa World Health Organization (WHO) ang 2 taong nakumpirma na nagpositibo sa virus ay namatay na. Gayunpaman ang mga test na isinagawa sa Ghana kaugnay sa 2 kasong naitala ay nagpositibo noong Hulyo 10. Subalit kinakailangan na i-verify muna ang mga resulta ng isang laboratory sa Senegal para maging “confirmed cases” ito. Sa ngayon ang Ghana Health Services (GHS) ay kasalukuyang nagtatrabaho upang maiwasan ang risk ng pagkalat ng virus, kasama ang isolation ng identified contacts. 

Ang kaganapan na ito sa Ghana ay itinuturing na second outbreak ng Marburg sa West Africa, kung saan ang kauna-unahang kaso ng virus sa rehiyon ay na-detect noong 2021 sa Guinea, at wala namang karagdagang mga kaso ang nakita o identify.

Gayunpaman, mula noong 1967 marami na ang naitatalang Marburg outbreaks, at karamihan ng mga ito ay nasa Southern at Eastern Africa. Ayon sa WHO ang fatality rates sa mga nakaraang outbreak ay mula 24% hanggang 88%. Nakadepende ito sa virus strain at management.

Paano nada-diagnose ang Marburg virus?

Sa totoo lang mahirap ma-diagnose ang virus na ito dahil ang early signs at sintomas nito ay katulad ng iba pang mga sakit gaya ng typhoid at malaria. Pero sa oras na magkaroon ng suspisyon ang doktor na mayroon kang marburg virus, maaari silang magsagawa ng blood test para makita ang virus.

Anu-ano ang sintomas ng Marburg virus disease?

Ayon sa datos at mga balita tungkol sa dalawang pasyente na nagpositibo sa virus sa Ghana, parehas silang nagkaroon ng mga sumusunod na sintomas:

Ang mga nabanggit na sintomas na ito ay naranasan ng 2 pasyente bago sila mamatay sa ospital ayon sa ulat ng WHO.

Narito pa ang ilang mga sintomas sa pagkakaroon ng marburg virus na dapat mong malaman:

  • Matinding pagsakit ng ulo
  • Pagsakit ng mga kasukasuan at kalamnan
  • Pagkakaroon ng chills
  • Panghihina

Sa pagtagal din ng virus sa ating katawan ang mga sintomas ay maaaring mas lumala. Pwedeng maranasan ng isang tao ang mga sumusunod:

Kadalasan sa pagkakaroon ng bleeding nagmumula ito sa mga mata ng pasyente, at kapag malapit na sa kamatayan ang isang tao sinasabi na ang pagdurugo ay pwedeng magmula sa tenga, rectum at ilong.

Paano maaaring maganap ang transmission o hawaan ng Marburg virus?

Ang transmission ng marburg virus ay hindi iba sa paraan kung paano nakakahawa ang ebola dahil pwedeng makuha ng tao ang virus sa pamamagitan ng infected animal’s fluids. Narito ang mga sumusunod:

  • Dugo – maaaring makuha ang virus sa pagpatay o pagkain ng infected animals.
  • Waste products – pwede makakuha ng virus kapag nagkaroon ka ng contact sa dumi (feces) o ihi ng mga infected bat o paniki.

Dagdag pa sa mga nabanggit ang pagkalat ng virus at maaaring maganap din sa pamamagitan ng transmission mula tao-sa-tao. Gayunpaman, laging tandaan na hindi magiging nakakahawa ang marburg virus at ebola hangga’t hindi nadedebelop ang mga sintomas sa tao. 

Anu-ano ang risk factors para sa pagkakaroon ng Marburg virus disease?

Maaaring tumaas ang iyong panganib na magkaroon ng marburg virus kung gagawin mo ang mga sumusunod:

  • Pag-travel sa Africa. Dahil naganap na doon ang Ebola at Marburg virus outbreaks.
  • Pagsasagawa ng animal research. Napapataas nito ang risk mo sa pagkakaroon ng virus kapag nag-import ng unggoy ang mga researcher sa Africa o Pilipinas.
  • Nagbibigay ng medical o personal care. Kung ang iyong kapamilya o mahal sa buhay ay nagkaroon ng virus at ikaw ang nag-aalaga, pwede kang mahawa lalo na kung hindi ka nagsusuot ng protective equipment.
  • Naghahanda para sa burol o burial ng kaanak na namatay sa Marburg virus. Lumalabas sa mga pag-aaral na ang taong namatay sa Marburg at Ebola virus ay nanatiling nakakahawa pa rin.

Anu-ano ang komplikasyon na pwedeng makuha sa Marburg virus disease?

Narito ang list ng mga komplikasyon na maaaring makuha sa Marburg virus lalo na kung naging progressive ang virus sa katawan ng tao:

  • Multiple organ failure
  • Shock
  • Matinding pagdurugo
  • Jaundice
  • Coma
  • Seizures
  • Delirium

Anu-ano ang treatment na maaaring gawin?

Ayon sa Mayo Clinic wala pang antiviral medication ang napatunayang mabisa sa paggamot ng infection sa marburg virus. Gayunpaman ang U.S FDA ay inaprubahan ang isang medication ng kumbinasyon ng 3 monoclonal antibodies (Inmazeb), at monoclonal antibody medication (Ebanga) upang gamutin ang ebola virus disease.

Dahil halos magkatulad ang ebola at marburg disease ang paggamot dito ay halos parehas lang din, at narito ang mga treatment na pwedeng gawin sa ospital:

  • Pagbibigay ng fluids
  • Pagpapanatili sa kaayusan ng blood pressure
  • Pagbibigay ng oxygen
  • Pagpapalit sa mga nawalang dugo
  • Paggamot sa ibang infections na na-develop dahil sa virus

Mayroon na bang bakuna para sa Marburg virus disease?

Ayon sa Mayo Clinic wala pang drug o gamot ang naaprubahan para sa paggamot ng marburg virus at ebola virus. Sa ngayon may isang bakuna ang naaprubahan ng U.S Food and Drug Administration para sa Ebola virus. Kung saan nakita na ligtas at epektibo ang pagbibigay ng single dose ng vaccine na ito, habang ang isa pang Ebola vaccine ay binuo at ginamit sa Democratic Republic of Congo sa isang research study na nagre-require ng 2 dosis ng bakuna na pwedeng kuhanin sa pagitan ng 56 na araw.

Ang mga scientist sa kasalukuyan ay patuloy na nag-aaral para sa iba pang bakuna upang magkaroon ng panlaban sa nakakamatay na virus.

Ano ang dapat asahan sa mga taong nagre-recover mula sa Marburg virus?

Ang mga taong naka-survive sa virus na ito ay nagkakaroon ng mabagal na recovery o paggaling. Pwedeng umabot ng ilang buwan bago mabawi muli ang mga nawalang timbang, at lakas. Sinasabi rin na ang virus ay maaaring manatili pa ng ilang linggo sa ating katawan, kung saan pwedeng maranasan ng isang tao ang mga sumusunod:

  • Pagkawala ng buhok
  • Sensory changes
  • Pagkapagod o fatigue
  • Eye o testicular inflammation
  • Pamamaga ng atay (hepatitis)
  • Pananakit ng ulo
  • Panghihina

marburg virus disease

Anu-ano ang mga pag-iwas na pwedeng gawin?

Narito ang shortlist na pwedeng gawin upang makaiwas sa Marburg virus:

  • Pag-iwas sa mga lugar na nagkaroon ng Ebola at Marburg outbreaks
  • Maghugas ng kamay nang wasto
  • Iwasan ang bush meat
  • Umiwas sa mga taong infected ng virus
  • Sumunod sa infection-control procedures
  • Iwasan ang pagsama sa paghahanda ng burol ng mga taong namatay dahil sa marburg virus

Marburg virus vs. Ebola virus

Ang Ebola virus at Marburg virus ay related viruses na pwedeng maging sanhi ng hemorrhagic fevers, matinding pagdurugo, organ failure, at maging dahilan ng kamatayan. Ayon din sa iba’t ibang artikulo at pag-aaral ang parehong virus na ito ay native sa Africa, at nabubuhay sa mga hayop (animal host).

Sa madaling sabi, ang mga nabanggit na virus ay maaaring makuha sa infected animals kung saan pagkatapos ng initial transmission, ang virus ay pwedeng kumalat [tao-sa-tao] sa pamamagitan ng kontak sa body fluids o mga maruruming bagay tulad ng mga infected needle o karayom.

Matatagpuan ang Ebola virus sa African monkeys, chimps, at iba pang nonhuman primates habang ang milder strain ng Ebola ay nadiskubre sa mga unggoy at baboy sa Pilipinas. Samantala ang Marburg virus ay makikita naman sa mga chimps, unggoy, at fruit bats sa Africa.

Sa ngayon wala pang ebidensya na nagsasabi na pwedeng kumalat ang parehong virus sa pamamagitan ng insect bites, at ang mga taong na-diagnose na may Ebola at Marburg virus ay dapat tumanggap ng supportive care at treatment para sa mga komplikasyon.

Key Takeaways

Kapwa mapanganib ang ebola at marburg virus dahil pareho silang nakakasagabal sa abilidad ng immune system na labanan at protektahan ang tao sa sakit. Gayunpaman, hindi maintindihan ng mga scientist kung bakit ang ilang mga tao ay nakaka-recover mula sa 2 virus na ito habang ang iba naman ay hindi. Sa oras na makaramdam ng mga sintomas na may kaugnayan sa ebola at marburg virus magpakonsulta na agad sa doktor para sa agarang medikal na atensyon at payo.

Matuto pa tungkol sa Nakahahawang Sakit dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Ghana confirms its first outbreak of highly infectious Marburg virus, https://www.rappler.com/world/africa/ghana-confirms-first-outbreak-marburg-virus/?utm_medium=Social&utm_campaign=Echobox&utm_source=Facebook&fbclid=IwAR33z6wXPqrvIAo6GOGpR8P_EsNlhl4H20ZmRxuNmCMTINPtbJmMCyzl8-E#Echobox=1658122310, Accessed July 18, 2022

Two test positive in Ghana for highly infectious Marburg virus, https://www.aljazeera.com/news/2022/7/8/two-test-positive-in-ghana-for-highly-infectious-marburg-virus, Accessed July 18, 2022

World Health Organization confirms highly infectious Marburg virus outbreak in Ghana, https://www.abc.net.au/news/2022-07-18/world-health-organization-confirms-marburg-outbreak-ghana/101246772, Accessed July 18, 2022

Ghana confirms first cases of deadly Marburg virus, https://www.bbc.com/news/world-africa-62202240, Accessed July 18, 2022

Ebola virus and Marburg virus, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/ebola-virus/symptoms-causes/syc-20356258, Accessed July 18, 2022

About Marburg virus disease, https://www.cdc.gov/vhf/marburg/about.html, Accessed July 18, 2022

Marburg virus disease, https://www.who.int/health-topics/marburg-virus-disease#tab=tab_1, Accessed July 18, 2022

Ebola virus and Marburg virus, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/ebola-virus/diagnosis-treatment/drc-20356264, Accessed July 18, 2022

 

Kasalukuyang Version

09/23/2022

Isinulat ni Lornalyn Austria

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Lorraine Bunag, R.N.


Mga Kaugnay na Post

Variants ng COVID: Heto ang mga dapat mong malaman

Ano Ang BA.5 Variant Ng COVID-19, At Dapat Ba Itong Ipag-Alala?


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Lornalyn Austria · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement