Sa pagtaas ng COVID-19, parami nang marami ang gumagamit ng disinfectant upang mapanatiling malinis ang lahat. May iba pa ngang nag-i-spray ng disinfectant sa kanilang mga pinamiling grocery. Mainam ang mga disinfectant upang linisin ang mga surface at maiwasang makakuha ng mga virus. Ngunit posible ba ang sobra sa pag-disinfect? Ano ang mga panganib ng sobra sa pag-disinfect? Ano ang mga dapat nating malaman sa ligtas na paggamit nito? May iba pa bang paraan upang linisin ang ating bahay at kapaligiran? Magbasa pa upang malaman.
Ang Panganib ng Disinfectant Sprays
Ang mga tradisyonal na produktong panlinis at disinfectant sprays na ginagamit sa sanitasyon ay maraming panganib sa kapaligiran, kalusugan, at kaligtasan. Bagaman mukhang mabuti ang paggamit ng mga produktong ito, ang mga kemikal na taglay nito ay madalas na responsable sa pangit na kalidad ng hangin sa loob ng bahay, kaya dapat ay iniiwasan ang sobra sa pag-disinfect.
Maraming disinfectant spray at iba pang produktong panlinis ang naiuugnay sa masasamang epekto sa kalusugan, kabilang ang:
- Pamamaga ng mga mata
- Pinsala sa mga reproductive system
- Mga respiratory illness tulad ng occupational asthma
- Iritasyon sa balat
- Cancer
- Pinsala sa utak
Dagdag pa, maaaring maging sanhi ng polusyon sa kapaligiran ang mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng disinfectant. Kung hindi maitatapon nang maayos, maaaring magdulot ng mga seryosong kontaminasyon at pinsala sa kapaligiran ang mga kemikal na ito.
Paano ang Ligtas na Paggamit ng mga Disinfectant Spray
Kung mali ang paggamit ng chemical disinfectant at sobra sa pag-disinfect, maaari itong magdulot ng ilang pinsala. Kaya naman, dapat tama ang pagpili at paggamit ng mga disinfectant upang makapagbigay ng sapat na disinfection nang walang masamang epekto sa mga tao o magdulot ng pinsala sa mga surface.
Sa tamang paggamit ng disinfectant, kailangan mong:
Basahin ang Label
Unawain ang lahat ng posibleng panganib sa kalusugan ng disinfectant sprays. Karaniwang may listahan ng mga kemikal na mayroon ang mga disinfectant spray at iba pang kagamitang panlinis.
Hangga’t maaari, mag-imbestiga o magsaliksik tungkol sa mga sangkap ng disinfectant spray na ginagamit mo at sundin ang mga pag-iingat upang maiwasan ang sobra sa pag-disinfect at masamang epekto nito.
Huwag itong langhapin
Kapag gumagamit ng disinfectant spray sa loob ng bahay o opisina, huwag mag-spray ng buong kuwarto nang hindi nakasuot ng mask o protective barrier upang maiwasan ang paglanghap ng mga kemikal.
Sundin ang mga instruction
Inilalagay ng karamihan sa mga manufacturer ang paraan kung paano ligtas na gamitin at itapon ang produkto. Ang pagsunod sa direksyon na nasa label ng produkto at instruction na ibinigay ng manufacturer ay hindi lamang nagliligtas sa iyo mula sa mga pinsala ngunit nakaiiwas din sa lalong pagkasira ng kapaligiran.
Dagdag pa, dapat na tiyaking nasusunod mo ang kinakailangang contact time (halimbawa: gaano katagal na basa ang surface) upang malaman kung na-disinfect mo nang mabuti ang mga surface. Puwede mo ring basahin ang label para sa tamang paggamit ng produkto at maiwasan ang sobrang pag-disinfect.
Huwag ihalo sa iba pang kemikal
Huwag ihalo ang iyong disinfectant spray sa iba pang kemikal. Iwasan ang pag-spray ng disinfectant sa isa pang disinfectant spray. Maaaring makasama ang paghahalo ng mga kemikal ng disinfectant sa iba pang kemikal.
Halimbawa, ang paghahalo ng sodium hypochlorite (bleaching solutions) sa acidic cleaning products ay lumilikha ng chlorine gas. Masama ang makalanghap ng chlorine gas.
Dagdag pa, maaaring makapag-neutralize at makawala ng bisa ang pagdadagdag ng anumang bagay sa disinfectant.
Iwasan ang mga panganib ng disinfectant sprays: Hindi Gaanong Mapaminsalang mga Disinfectant
Mukhang pinakaepektibo at madaling gamitin ang mga disinfectant spray. Maaari kang makabili nito sa maraming tindahan. Madali rin itong ihanda at gamitin. Gayunpaman, kung nais mong iwasan ang mga panganib ng disinfectant spray at nais mo ng healthier at hindi gaanong mapaminsalang produkto, narito ang ilang pagpipilian:
Suka
Acidic ang suka at napakaepektibo sa paglilinis ng bacteria. Maaari itong mag-iwan ng mabahong amoy ngunit nawawala rin paglipas ng ilang oras. Hindi lamang madaling makahanap ng suka, madali rin itong itapon at tiyak na ligtas para sa kalikasan.
Baking Soda
Ang baking soda (sodium bicarbonate) ay epektibo rin, simple, at murang disinfectant. Maaari itong magdulot ng mababaw na gasgas. Kaya naman napakaganda nito sa pagtatanggal ng dumikit na dumi nang hindi nag-iiwan ng marka ng gasgas sa mga surface.
Hydrogen Peroxide
Para sa mas mabisang disinfectant, puwede ka ring gumamit ng hydrogen peroxide. Mas ligtas para sa kapaligiran ang paggamit ng hydrogen peroxide kumpara sa chlorine bleach. Kadalasan, nakahalo ito sa tubig kapag binibili.
Subalit kailangang magdoble ingat sa pag-iimbak ng likidong ito. Ang hydrogen peroxide sa water solution ay walang kulay at walang amoy. Kaya’t kailangan nito ng tamang pag-iimbak at paglalagay ng label.
Hugasan ang iyong mga kamay
Upang sabay-sabay na maiwasan ang mga panganib ng paggamit ng disinfectant spray, nakitang ang regular na paghuhugas ng mga kamay ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ang pagkalat ng nakahahawang sakit at virus tulad ng COVID-19. Ang rekomendasyon ng CDC ay maghugas ng kamay nang mabuti gamit ang sabon at tubig sa loob ng 20 segundo.
Dahil tinutunaw ng sabon ang fat membrane ng virus, mabisa ito bilang panlaban sa virus. Ang mga disinfectant, wipes at gel na may alcohol ay hindi kasimbisa ng sabon sa pagpuksa ng mga virus.
Key Takeaways
May mabuting benepisyo ang disinfectant sprays sa paglilinis ng bahay at mga espasyo. Gayunpaman, maaari din itong makapinsala kung mali ang paggamit o sobra sa pag-disinfect. May mga kemikal ang disinfectant na puwedeng makasama sa atin. Palaging alamin ang mga panganib, tamang pagtatapon, at pag-iimbak ng disinfectant sprays upang maiwasan ang mga pinsala sa mga tao at kapaligiran. Maganda ring ikonsidera ang paggamit ng hindi gaanong mapaminsalang disinfectant gaya ng suka, hydrogen peroxide, at baking soda.
Matuto pa tungkol sa COVID-19 dito.