backup og meta

COVID-19 At Myocarditis Sa Mga Bata: Mga Dapat Malaman Ng Mga Magulang

COVID-19 At Myocarditis Sa Mga Bata: Mga Dapat Malaman Ng Mga Magulang

Noong Pebrero 2, naitala ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga batang nasa edad 5 pababa. Sa kabila ng patuloy na pagbabakuna sa mga batang edad 5-11, maraming mga magulang ang nag-aalala tungkol sa posibilidad na magkaroon ng myocarditis ang kanilang mga anak. Para sa ilan, ang pag-aalalang ito ay nagiging dahilan upang sila ay mag-alangang payagan ang kanilang mga anak na magpabakuna laban sa COVID-19. Ngunit dapat ba talagang pigilan ang pagbabakuna sa mga batang nasa ganitong edad? At ano ang myocarditis? Alamin dito.

Ano Ang Myocarditis?

Ano ang myocarditis? Ito ay tumutukoy sa pamamagang nangyayari sa muscle ng puso (myocardium). Nangyayari ito kung ang resistensya ng katawan, halimbawa, ay nagkakaroon ng reaksyon sa mga impeksyon. Ang myocarditis ay maaari ding mangyari dahil sa mga impeksyong dulot ng virus, maging sa maraming systemic inflammatory na kondisyon tulad ng autoimmune disorders.

Sa mga malulubhang kaso, ang pamamaga ay nagiging sanhi ng paglaki at paghina ng puso, gayundin ng pamumuo ng scar tissue. Dahil dito, ang puso ay kinakailangang gumana nang mas mabuti upang epektibong makapag-pump ng dugo  sa ilang mga bahagi ng katawan.

May iba’t ibang anyo ang myocarditis, ang ilan sa mga ito ay:

  • Acute myocarditis. Ito ay inilalarawan ng kamakailan lamang o mabilis na pagkakaroon ng myocarditis, na karaniwang sanhi ng impeksyong dulot ng virus. Maaari itong mangyari nang biglaan, at ang mga sintomas ay maaaring mabilis ding mawala.
  • Chronic myocarditis. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang uring ito ay nangyayari kung ang kondisyon ay mas matagal gamutin kaysa karaniwan. Maaari din itong maging sanhi upang ang mga sintomas ay muling mararanasan kalaunan. Ito ay maaaring resulta ng mas pangkalahatang kondisyon ng pamamaga, tulad ng mga autoimmune disorder.
  • Lymphocytic myocarditis. Ito ay isang bihirang uri ng myocarditis na nangangailangan ng pagpapaospital para sa gamutan. Nangyayari ito kapag ang white blood cells (lymphocytes) ay umabot sa muscle ng puso at humantong sa pamamaga. Ito ay madalas mangyari bilang resulta ng virus.

Ano Ang Myocarditis? Mga Sanhi Nito Sa Mga Bata

Sa mga maliliit na bata, ang myocarditis ay hindi karaniwan. Nakaaapekto ito sa mas mga mas matatandang bata at nakatatanda. Ito ay madalas na mas malubha sa mga bagong silang at maliliit na sanggol kaysa sa mga batang higit dalawang taong gulang.

Ang mga pinakakaraniwang virus na nagiging sanhi ng pediatric myocarditis ay kinabibilangan ng:

  • Parvovirus
  • Influenza virus
  • Adenovirus at Coxsackievirus
  • Mga virus tulad ng rubella, rubeola, at HIV

Ang bakterya, tulad ng mga sanhi ng Lyme disease, Rocky Mountain spotted fever, o toxic shock syndrome ay maaaring magdulot ng myocarditis sa mga bihirang kaso.

Kabilang sa iba pang mga sanhi ng pediatric myocarditis ay ang:

  • Mga tiyak na gamot na nagiging sanhi ng allergy
  • Pagiging lantad sa mga kemikal sa kapaligiran
  • Impeksyon mula sa fungi o parasites
  • Radiation
  • Ilang mga sakit (autoimmune disorder) na nagiging sanhi ng malawakang pamamaga sa katawan
  • Ilang mga gamot

Mga Senyales At Sintomas

Sa una, ang mga sintomas ay maaaring hindi gaanong malubha at mahirap matukoy.

Kung magkaroon ng kondisyon ang isang bata, maaari siyang makaranas ng ilang mga karaniwang senyales at sintomas, kabilang ang mga sumusunod:

  • Pagduduwal at pagsakit ng tiyan
  • Pananakit ng dibdib
  • Ubo
  • Pagkapagod
  • Edema (pamamaga) ng mga binti, paa, at mukha
  • Lagnat
  • Panghihina
  • Kahirapan sa paghinga (kakapusang paghinga)
  • Mabilis na paghinga
  • Tibok ng puso na masyadong mabilis o masyadong mabagal (arrhythmias)

Dapat Bang Mabahala Tungkol Sa Pagkakaroon Ng Myocarditis Matapos Pabakunahan Ang Iyong Anak Laban Sa COVID-19?

Tinukoy ng Centers for Disease Control and Prevention ang maraming kaso ng myocarditis bilang bihirang side effect ng bakuna para sa mRNA COVID-19. Ang side effect na ito ay mas karaniwan sa mga lalaking teenager at young adult kaysa sa ibang mga edad. Karaniwan itong nangyayari sa loob ng isang linggo pagkatapos ng pangalawang dose ng bakuna.

Sa kabilang banda, nabanggit din ng CDC na karamihan sa mga pasyenteng may myocarditis o pericarditis ay may mabuting reaksyon sa gamot at pahinga. Matapos humupa ang kanilang mga sintomas, ang mga pasyente ay maaaring bumalik sa araw-araw nilang gawain.

Sa isang media briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ng DOH na bagama’t ang pagkakaroon ng mga malulubhang kondisyon ay “bihirang pangyayari” matapos bakunahan (AEFIs) ang mga bata, ang mga hindi gaanong malulubhang na reaksyon tulad ng pagsakit ng ulo at pagsakit ng bahaging binakunahan ay posible pa rin.

Ayon kay Vergeire, batay sa pinakahuling datos kaugnay ng pandaigdigang pagbabakuna, 0.00013% lamang, o 11 sa 8.1 milyong nabakunahang bata sa buong mundo, ang nagkaroon ng myocarditis, at walang mula sa Pilipinas.

Dapat Mo Pa Rin Bang Pabakunahan Ang Iyong Anak Laban Sa COVID-19?

Oo. Iminumungkahi ng parehong CDC at American Academy of Pediatrics (AAP) na ang lahat ng mga batang 5 taong gulang pataas ay dapat magkaroon ng bakuna.

Ang mga panganib ng COVID-19 at ang mga potensyal na mga malulubhang komplikasyon nito, tulad ng mga pangmatagalang problema sa kalusugan, pagkakaospital, at maging ng kamatayan, ay mas malala kaysa sa tyansang magkaroon ng bihirang masamang reaksyon sa bakuna, kabilang ang tyansa ng pagkakaroon ng myocarditis o pericarditis.

Key Takeaways

Natural lamang na mag-alala ang mga magulang tungkol sa anumang side effects ng bakuna na maaaring maranasan ng kanilang anak. Gayunpaman, ang mga panganib na mga side effect ay dapat na balanse laban sa mga tyansa ng impeksyon.
Kung may anomang tanong tungkol sa bakuna para sa COVID-19, makipag-ugnayan sa pediatrician ng iypng anak. Humingi ng medikal na atensyon kung ang iyong anak ay kinakikitaan ng alinman sa mga sintomas ng myocarditis, lalo na kung nangyari ito sa loob ng isang linggo pagkatapos mabakunahan ng laban sa COVID-19.

Matuto pa tungkol sa Coronavirus dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

COVID-19 Vaccines in Children and Adolescents – Committee on Infectious Diseases, https://publications.aap.org/pediatrics/article/149/1/e2021054332/183385/COVID-19-Vaccines-in-Children-and-Adolescents, Accessed February 10, 2022

DOH reports rise in Covid-19 cases among kids 5 below, https://www.pna.gov.ph/articles/1166922, Accessed February 10, 2022

Myocarditis, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/myocarditis/symptoms-causes/syc-20352539, Accessed February 10, 2022

Myocarditis, https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/myocarditis, Accessed February 9, 2022

Myocarditis and Pericarditis After mRNA COVID-19 Vaccination, https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/vaccines/safety/myocarditis.html, Accessed February 10, 2022

Myocarditis – pediatric, https://medlineplus.gov/ency/article/007307.htm, Accessed February 10, 2022

What is Pediatric Myocarditis, https://www.cincinnatichildrens.org/health/m/myocarditis, Accessed February 10, 2022

Kasalukuyang Version

03/23/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

COVID-19 Testing: Kailan Dapat Magpa-Test?

Pfizer Vaccine, Inaprubahan ng FDA


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement