Ang Tuberculosis ay isang infectious disease na kinatatakutan ng mga tao— kaya ‘di nakapagtataka kung marami ang naghahanap ng halamang gamot para sa tuberculosis.
Ayon sa mga doktor at eksperto ang Tuberculosis o TB ay isang sakit na nakakaapekto sa baga, maging sa kahit anong organ ng katawan tulad ng bato, spine at utak. Pwede itong mabuo kapag ang bakterya ay kumalat sa pamamagitan ng droplets sa hangin na maaaring ikamatay ng tao.
Pero ang tuberculosis ay maaaring maiwasan at magamot lalo na kung mabibigyan ito ng wastong medication at treatment. Kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit may mga tao na sumusubok na gumamit ng mga halamang gamot para sa pagpapahupa ng sintomas ng tuberculosis.
Ano ang sanhi ng tuberculosis?
Ang tuberculosis ay nagmumula sa bacterial infection na pwedeng kumalat sa hangin, kung saan maaari itong malanghap ng tao at tuluyang ma-infect. Kapag nakalanghap ng bacteria ang isang tao asahan mo na maaari itong umunlad, mananatili sa baga ng tao at magtungo sa iba pang bahagi ng katawan.
Kapag may active infection ka sa iyong baga at lalamunan— ikaw ay nakakahawa. Sa madaling sabi mas mabilis na maipapasa ang sakit, pero kung ang sakit ay nasa ibang bahagi ng katawan at wala sa lalamunan at baga— madalas ay hindi naman ito naipapasa.
Lagi mo ring tandaan na dapat hindi ka sobrang mag-alala kung mahahawa ka ng tubercolisis. Sapagkat hindi naman madaling makakuha ng tuberculosis lalo’t kung hindi ka naman close contact, dahil kadalasan kailangan mo munang makasama sila ng matagal at maging close contact ang taong may active tuberculosis para mahawa ka.
Sinasabi na madalas itong kumakalat sa pagitan ng mga sumusunod:
- miyembro ng pamilya
- malalapit na kaibigan
- mga malalapit na kapit-bahay
- katrabaho
Kapag na-infect ka mataas ang iyong nagiging risk sa pagkakaroon ng active tuberculosis lalo na kung may mahinang immune system tulad ng mga sumusunod na tao sa ibaba:
- sanggol at mga bata
- mga indibidwal na may chronic conditions tulad ng diabetes
- taong infected ng HIV/AIDS
- indibidwal na tumanggap ng organ transplant
- cancer patient na sumasailalim sa chemotherapy
Sintomas ng tuberculosis
Mahalaga na magkaroon ng kamalayan ang bawat isa tungkol sa mga sintomas na maaaring ipakita ng tuberculosis upang magkaroon ng ideya ang mga indibidwal na magpa-check up sa doktor at magamot kaagad ang TB.
Narito ang mga sumusunod:
- Masamang ubo na tumatagal ng 3 linggo o mas mahaba pa
- Pag-ubo ng may dugo
- Pagsakit ng dibdib
- Lagnat
- Fatigue
- Kawalan ng appetite
- Hindi inaasahang pagbaba ng timbang
- Chills
- Pagpapawis sa gabi
Ang mga sintomas ng tuberculosis ay maaaring mapahupa ng ilang mga halamang gamot, prutas at inumin. Makakatulong ang mga ito para maibsan ang mga discomfort na nararanasan ng isang tao dahil sa tuberculosis. Pero tandaan na ang mga ito ay maaaring makatulong lamang, nguni’t ang tanging makagagamot sa tuberculosis ay ang mga gamot na inireseta sa inyo ng inyong mga doktor.
Narito ang mga sumusunod na halamang gamot na maaaring makatulong sa atin sa paglaban sa tuberculosis kasama ng ating mga gamot:
Paggamit ng Green tea
Makikita na ang green tea ay napakayaman sa antioxidants at malaki ang naitutulong nito para sa pagpapaunlad ng immunity at paglaban sa infections— kasama ang tuberculosis. Ang antioxidant polyphenol ay taglay ng green tea kung saan mahusay ito na panlaban sa bakterya na sanhi ng tuberculosis. Dapat mo ring tandaan na mahalaga rin ang green tea para sa’yong balat at pangkabuuang kalusugan.
Madali lamang ang paghahanda nito dahil pwede mo itong i-boil o pakuluan upang inumin ito ng 2-3 beses araw-araw.
Pag-take ng Mint
Ang mint ay nagtataglay ng antibacterial properties na maaaring tumutulong sa paggaling ng tissues na nasira dahil sa tuberculosis. Maaari rin itong gamitin bilang natural na sangkap para sa bad breath, at sinasabi na ang halamang gamot na ito ay parehong may peppermint at spearmint.
Sa pag-take nito, isang teaspoon ng mint juice ang kailangan at ihalo ito sa 2 teaspoon ng honey, 2 teaspoon ng malt vinegar at kalahating cup ng carrot juice. Pagkatapos ay hatiin ito sa 3 bahagi at magkaroon ng regular intervals.
Dagdag pa rito, ang mint ay ginagamit bilang gamot sa loob ng maraming siglo, kaya hindi na nakapagtataka kung sa modern era ay ginagamit ito sa paggamot ng infections partikular sa ilong at lalamunan ng isang indibidwal.
Black Pepper
Kilala ang black pepper sa posibleng kakayahan nitong maibsan ang ilang inflammatory-related disease at posibleng isa itong effective remedy para sa paglilinis ng baga at pagbawas ng mucus production. Malaki rin ang maitutulong nito sa pagpapahupa ng sintomas ng tuberculosis tulad ng chest pain, pagbahing at pag-ubo.
Sa pag-take nito kailangan lang magprito ng 8-10 piraso ng black pepper sa mantikilya, at gumawa ng smooth paste. Kumuha lamang ng half teaspoon ng paste na ito, pagkatapos ng bawat ilang oras.
Bawang
Ang bawang ay isa sa mga pangunahing sangkap na ginagamit sa pagluluto at malaki rin ang naitutulong ng bawang sa pag-iwas sa mga health problem. Naglalaman ang bawang ng sulphuric acid nakakatulong sa paglaban sa bakterya na sanhi ng tuberculosis, at ayon sa mga doktor ang bawang ay mayroon ding antimicrobial properties na nagpapalakas ng immune system.
Pinya
Pwede ring makatulong ang pineapple juice sa tuberculosis dahil nakakatulong ito sa pagbawas ng mucus formation na nagiging dahilan para sa mas maging mabilis ang paggaling.
Huwag masyadong bumili ng tetra packs o packed juices para sa treatment ng tuberculosis dahil ang anumang sobra ay pwedeng makasama sa’yo, at maganda pa rin kung i-ble-blend mismo ang prutas para makapaghanda ng pineapple juice sa bahay.
Saging
Tandaan na ang tuberculosis ay maaaring pahinain ang iyong katawan, kung saan maaaring makatulong ang saging para sa’yo dahil ang saging ay mayaman sa calcium. Itinuturing din ito na essential nutrient para sa mga pasyente ng tuberculosis dahil sa maraming minerals nito, tulad ng potassium na kayang i-boost ang iyong enerhiya at mapabilis ang iyong recovery.
Iba pang mga Home Remedies na pwedeng inumin para sa tuberculosis
Gatas
Makikita na ang gatas ay isa sa mga natural remedy dahil nakakatulong ito sa mabilis na healing process ng mga taong may sakit na TB. Dahil ang gatas ay mayaman sa calcium at vitamin D at malaki ang nagiging ambag nito para sa fast recovery at sa pagpapahupa ng sintomas ng tuberculosis.
Amla
Ang pag-inom ng fresh amla juice ay maaaring nakakatulong sa balat at paglaban sa tuberculosis dahil mayroon itong antibacterial properties na mabisang sangkap sa pagpapalakas ng immune system.
Key Takeaways
Huwag rin kakalimutan na ang tuberculosis ay maaaring magamot sa pamamagitan ng proper medications at treatment. Ang mga nabanggit na home remedies ay katuwang lamang sa pagpapahupa ng sintomas ng tuberculosis at ugaliin pa rin na magpakonsulta sa doktor para sa mga payo at angkop na diagnosis nang sagayon ay mabigyan ng tamang medikal na atensyon ang pasyente.