Ang gout ay isang uri ng inflammatory arthritis. Kapag may ganitong kondisyon ang isang tao, ang kanyang immune system ay nagkakamali sa pag-atake ng body tissues. At ito’y nagdudulot ng matinding pananakit sa kanila. Bagamat walang gamot para sa gout, pwede pa rin itong i-manage sa pamamagitan ng wastong pagkain at pagkonsumo ng herbs. Kaya naman para mas maunawaan natin ang mga benepisyo ng halamang gamot para sa gout, alamin muna natin ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa gout bilang isang type ng inflammatory arthritis.
Ano Ang Gout?
Ayon sa mga doktor at mga pag-aaral ang gout ay isang komplikadong anyo ng arthritis na karaniwang nagdudulot ng matinding discomfort at pananakit.
Nagaganap ang gout bilang resulta ng akumulasyon ng ating matutulis na urate crystals sa’ting kasukasuan, at resulta din ito ng mataas na lebel ng ating uri acid sa dugo.
Ang uric acid ay ginagawa ng ating katawan upang masira ang substances na kilala bilang “purines” na natural na matatagpuan sa katawan ng tao. Kadalasan din na natutunaw ang uric acid sa ating dugo — at dumadaan sa’ting bato at ihi. Maaaring mabuo ito kapag ang ating katawan ay lumilikha ng napakaraming uric acid — o kaya naman ay napakakaunti lamang ng uric acid ang nilalabas ng ating bato (kidney), na nagiging dahilan ng pananakit at pamamaga ng ating mga kasukasuan.
Ano Ang Itsura Ng Mga Apektadong Kasukasuan?
Kapag ang isang tao ay may gout, pwedeng makita ang mga apektadong kasukasuan sa anyo ng namamaga, namumula at makirot na joints na nagreresulta ng limitadong paggalaw.
Maaaring umatake ang gout sa mga panahon na hindi mo inaasahan. Kadalasang nakakaapekto ito sa mga kasukasuan na makikita sa sa hinalalaking daliri ng mga paa.
Saan Pwedeng Makaranas Ng Gout Pain?
Pwede mong maranasan ang gout pain sa kasukasuan ng iyong mga pulso, siko, daliri, bukung-bukong, at tuhod.
Halamang Gamot Para Sa Gout
Narito ang mga sumusunod na herbs na dapat mong malaman na pwedeng subukan sa iyong gout:
Turmeric (Curcuma longa)
Kilala ang turmeric sa iba’t ibang benepisyo nito sa kalusugan gaya ng pagtulong sa pagpapahupa ng pamamagang nararanasan ng isang tao dahil sa gout.
Cranberry (Vaccinium macrocarpon)
Maaaring gamitin ang cranberry para sa kalusugan ng bato at inumin ito bilang cranberry juice sa araw-araw.
Green Tea (Camelia sinensis)
Mayroong antioxidant at immune effects ang green tea na maganda para sa pagpapahupa ng sakit dulot ng gout.
Halamang Gamot Para Sa Gout: Devil’s Claw (Harpagophytum procumbens)
Pwedeng gamitin ang devil’s claw para sa pananakit at pamamaga dulot ng arthritis. Pero hindi ito dapat gamitin sa panahon ng pagbubuntis at pagpapasuso dahil maaaring makaapekto ito sa’yong blood sugar level at presyon ng dugo.
Halamang Gamot Para Sa Gout: Cat’s Claw (Uncaria tomentosa)
Ginagamit din ito para sa inflammation, immune, at antibacterial/antifungal activity. Ngunit dapat kang maging maingat sa paggamit nito dahil maaari nitong mapalubha ang ilang mga sakit at kondisyon gaya ng leukemia.
Halamang Gamot Para Sa Gout: Bromelain (Ananus comosus)
Nagagamit din ang ang bromelain sa pananakit at pamamagang nararamdaman ng isang indibidwal dahil sa gout.
Key Takeaways
Ang mga halamang gamot o herbs ay karaniwang ligtas at nagpapalakas ng ating body’s system. Pero dapat mo pa ring tandaan na ang anumang halamang gamot sa gout na nabanggit sa artikulong ito ay hindi kapalit ng medikal na payo, diagnosis, at treatment na mula sa doktor. Mas mainam pa rin na magpakonsulta sa eksperto para sa’yong gout upang makakuha ka ng angkop na paggamot at maiwasan ang anumang medikal na komplikasyon. Ang pagpapakonsulta sa isang doktor ay isang mahusay na hakbang para malaman ang sanhi ng pagkakaroon ng gout at pananakit ng mga kasukasuan. Maganda na malaman mo ang pinakaugat ng iyong kondisyon upang mas magkaroon ka ng kaalaman kung paano gagamutin ng wasto ang iyong karamdaman. Hindi ka rin dapat mag-self diagnos sa mga pananakit at sa mga sakit na pwede mong taglayin, dahil maaari itong mauwi sa’yong kapamahakan.
Matuto pa tungkol sa mga Halamang Gamot dito.