Halamang gamot sa bakuran ang ginagamit ng mga katutubong kultura bilang gamot mahigit 4000 taon na ang nakaraan. May mga ebidensya kung gaano kahalaga ang mga halamang gamot na ito sa mga ritwal sa pagpapagaling ng Amerika, Afrika, Iran, Egypt at Roma.
Malawakang pinapraktis ang mga tradisyunal na sistema ng medisina sa buong mundo dahil sa sumusunod na raosn:
- Pagdami ng populasyon
- Hindi sapat na supply ng mga gamot
- Napakataas na halaga ng mga paggamot
- Mga side effect ng ilang sintetikong gamot
- Pagtaas ng demand para sa halamang gamot sa iba’t-ibang karamdaman
Halamang gamot sa bakuran: saan nagsimula
Ang mga halamang gamot ay itinatanim na sa mga hardin ng iyong mga ninuno simula pa noong Middle Ages. May mga tanim na akala mo ay damo lamang ngunit mayroon pala itong medisinal na halaga. Nagsimula silang ginamit bilang halaman na tinatapal-tapal lamang sa mga sugat o sakit sa katawan. Kalaunan, ginamit na silang sangkap kapag nagpo-proseso ng mga gamot. Maaaring mas kilala mo sila bilang gamit sa pagluluto kesa sa layuning medikal.
Kamakailan, tinantya ng World Health Organization na 80 porsyento ng mga tao sa buong mundo ang umaasa na sa mga halamang gamot. Sinabi pa nito na humigit-kumulang 21,000 species ng halaman ang may potensyal na magamit bilang mga halamang gamot.
Narito ang mga importanteng bagay na nagpapatunay kung gaano kahalaga ang halamang gamot sa bakuran para sa buong mundo:
- Higit sa 30% ng buong species ng halaman ay ginagamit para sa mga layuning panggamot.
- Sa mga maunlad na bansa tulad ng Amerika, ang mga halamang gamot ay bumubuo ng hanggang 25% ng kabuuang mga gamot,.
- Sa mabilis na umuunlad na mga bansa tulad ng China at India, ang kontribusyon ng halamang gamot ay hanggang 80%.
Ito ay nagpapatunay na ang pang-ekonomiyang kahalagahan ng mga halamang gamot ay higit pa sa mga bansa tulad ng India kaysa sa ibang bahagi ng mundo. Ang mga bansang ito ay nagbibigay ng dalawang katlo ng mga halaman na ginagamit sa modernong sistema ng medisina. Pati ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng populasyon sa kanayunan ay nakadepende sa mga katutubong sistema ng medisina.
Mga halamang gamot sa bakuran na madaling alagaan:
Holy Basil
Ang Holy Basil ay isang banayad na expectorant na may antimicrobial, antihyperglycemic, at anti-inflammatory properties. Kapag ininom bilang tsaa ito ay mainam na gamot sa mga sintomas ng diabetes, sipon o ubo. Nakakatulong din ito sa mga problema sa bituka, gayundin sa hika at pagbabawas ng lagnat. Ang katas mula sa halamang ito ay maaaring kunin at ipahid sa mga kagat ng insekto, buni, at iba pang sakit sa balat. Madali itong tumubo kapag itinanim sa lugar na lantad sa araw. Panatilihing basa ang lupa ngunit iwasan ang labis na pagtutubig.
Peppermint
Ang peppermint na halamang gamot sa bakuran ay maraming gamit hindi lamang bilang pampabango at pampalasa ng inumin o pagkain. Ito ay may antimicrobial at antiseptic properties na nakakatulong magpaginhawa ng sipon, ubo, at namamagang lalamunan. Mas gusto ng peppermint ang maaraw na lokasyon at basang lupa. Mas dadami ang produksyon ng mga langis nito kapag itinanim sa maaraw na lugar. Ang peppermint ay agresibong tumubo ngunit hindi ito invasive kaya mainam sa bakuran.
Aloe Vera
May dekorasyon ka na, may halamang gamot sa bakuran ka pa, kung magtatanim ka ng aloe vera. Ito ay topical gel na karaniwang ginagamit upang magbigay ng ginhawa laban sa sunburn. May mga pag-aaral na nagsasabing ito aymay benepisyo sa digestive health at sa pag-kontrol ng blood sugar. May ebidensya rin tungkol sa benepisyo nito bilang isang malakas na laxative.
Luya
Ang luya ay kilala bilang isang halamang gamot sa bakuran na may mga benepisyong anti-inflammatory at antioxidative. Iminumungkahi ng pananaliksik na maaaring mapawi ng luya ang pagduduwal na dulot ng pagbubuntis at chemotherapy. May mga pag-aaral na ginagawa tungkol sa posibleng benepisyo nito sa surgery at panglaban sa kanser.
Rosemary
Ang rosemary ay nagpapasigla ng enerhiya at optimismo, nagpapatalas ng memorya at konsentrasyon. Nagdadala ito ng mas maraming oxygen sa utak at mas malusog na alternatibo sa caffeine kung kailangan mo ng natural na pampasigla. Madali itong dumami sa iyong hardin.
Halamang gamot sa bakuran para sa malusog na pamumuhay
Lumalayo ang sangkatauhan sa kalikasan dahil sa teknolohiya. Hindi maikakaila na ang kalikasan ay nagbibigay ng maraming benepisyo tulad ng mga halamang gamot na ito. Magtanim ng mga halamang gamot sa iyong kapaligiran upang mas presko ang simoy ng hapon at magkaroon ka ng libreng panggamot sa iba’t-ibang karamdaman.













