Maraming nagse-search ngayon online upang makakita ng pagkain para sa mild stroke dahil ang kalagayang ito ay kilala bilang isang “life-changing experience.” Ang mild stroke ay pwedeng pagmulan ng iba’t ibang medikal na komplikasyon. Hindi ito dapat isawalang-bahala, sapagkat maaari itong humantong sa kamatayan lalo na kung ito’y napabayaan at walang angkop na pagpapagaling ang isinasagawa. Kaya mahalaga rin na malaman ang mga pagkain na dapat kainin para sa mild stroke.
Ayon kay Dr. Ramin Zand, isang vascular neurologist, ang mga pagkaing tumutulong sa pag-maintain ng malusog na timbang — at pang-iwas sa diabetes at heart disease ay pwedeng makatulong sa pag-iwas sa stroke dahil ang heart health at stroke ay malaki ang kaugnayan sa isa’t isa.
Tandaan din na ang pagkakaroon ng unhealthy diet ay nagpapataas ng risk sa pagkakaroon ng mild stroke dahil pwede itong humantong sa pagtaas ng presyon ng dugo at lebel ng kolesterol. Ang pagtiyak sa balance diet ay mahalaga upang maging maganda ang kalusugan. Ngunit bago natin pag-usapan ang mga pagkain na pwedeng kainin bilang pag-iwas at pagtulong sa pag-recover ng mild stroke, alamin muna natin kung ano ang mild stroke at ang mga sintomas nito.
[embed-health-tool-bmi]
Ano ang mild stroke?
Ayon sa mga doktor, ang mild stroke ay ang maikling pagbara (brief blockage) sa daloy ng dugo sa utak. Kilala rin ang mild stroke bilang “Transient Ischemic Attack” (TIA). Nagaganap ito kapag ang daloy ng dugo sa isang bahagi ng utak, spinal cord o retina ay huminto ng pansamantala. Dagdag pa rito, pwede rin maganap ang mild stroke kapag ang isa sa mga artery na nagbibigay ng dugo sa utak ay nabara (blocked).
Maaaring magdulot ng panandaliang mga sintomas ang mild stroke, gaya sa stroke. Ngunit, hindi ito nakakapinsala sa brain cells o nagdudulot ng permanent disability.
Sintomas ng mild stroke
Sa mild stroke, ang pagbara ay mabilis na naitatama sa sarili. Kagaya rin ng nabanggit sa artikulong ito, ang mga sintomas ng mild stroke ay katulad din ng regular stroke. Narito ang mga sumusunod na sintomas na dapat malaman:
- Pagkawala ng balanse
- Pagkahilo
- Matinding pagsakit ng ulo sa hindi malaman na dahilan
- Hindi maintindihan o hirap maunawaan ang mga sinasabi
- Pagkakaroon ng problema sa paningin (hirap makakita gamit ang isa o dalawang mata)
- Double vision
- Panghihina at pamamanhid ng kalamnan (kadalasan sa isang bahagi lamang ng katawan)
- Hirap sa pagsasalita
Pagkain para sa pag-iwas sa mild stroke
Mataas ang risk na magkaroon ng mild stroke ang mga taong obese, naninigarilyo at mga gumagamit ng ilegal na droga. Pwede ring magka-mild stroke ang mga may kondisyong medikal tulad ng pagkakaroon ng high blood, mataas na kolesterol, diabetes at cardiovascular disease.
Kaugnay nito, papasok ang kahalagahan ng healthy eating para sa pag-iwas sa risks na pwedeng mag-trigger sa mild stroke. Narito ang mga pagkain na pwedeng subukan para maiwasan ang mild stroke:
- Gulay at Prutas — Dahil magandang source ito ng vitamins at minerals na kailangan ng katawan upang maging malakas at malusog.
- Kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber — Makakatulong ito para mabawasan ang kolesterol sa iyong dugo. Pwedeng subukan ang starchy foods, cereals at brown rice.
- Pagkain ng healthy protein — Maaari itong matagpuan sa mga isda, nuts at lean meat. Ang pagkain ng protina araw-araw ay maganda para mabawasan ang kolesterol sa katawan.
- Paglimita sa fat at sugar — Lahat ng sobra ay masama. Para ma-monitor ang pagkain nito, mas maganda kung homemade meals ang kainin. Dahil ang mga processed foods and meat ay kadalasang may mataas na fat at sugar.
Pagkain para sa mild stroke: Recovering Stage
Ang diet ay may malaking impact sa iyong overall health, lalo na sa mild stroke recovery. Kaya mahalaga na malaman ang mga pagkain na dapat kainin para dito. Tandaan, ang pag-adjust sa’yong diet pagkatapos ng mild stroke ay dapat maging tama — at gawin nang may pag-iingat. Kaugnay nito, ipinapayo na dapat magpakonsulta sa’yong doktor para sa medikal na payo at tamang diagnosis, lalo na kung nagtataglay ka ng pre-existing health conditions gaya ng diabetes at mataas na kolesterol.
Kaya naman, bago subukan ang mga pagkain para sa mild stroke sa recovering stage. Siguraduhin muna na aprubado ito ng iyong doktor. Narito ang mga sumusunod:
Kamatis
Ang kamatis ay mayaman na pinagmumulan ng antioxidant lycopene. Maganda itong isama sa dietary choices para sa stroke patients dahil mayroon itong neuroprotective benefits na tumutulong para mabawasan ang brain damage. Sa ngayon, maraming lycopene supplements, pero maganda rin kung susubukan na mismo ang kamatis ang gamitin sa’yong diet.
Blueberries (Flavonoids)
Sinasabi na ang blueberries ay may kakayahan na mapabuti ang cognitive abilities. Kung ang iyong doktor ay nagpayo ng “reduced-fat-diet” para pamahalaan ang stroke risk factors gaya ng mataas na kolesterol, maganda ang blueberries para sa’yong diet.
Pagkain para sa mild stroke: Nuts at Seeds (Vitamin E)
Magandang source ng vitamin E ang nuts at seeds. Kung saan ang brain-boosting benefits ng vitamin E ay nakakatulong sa stroke recovery.
Beans (Magnesium)
Ang magnesium ay nag-o-offer ng “significant neuroprotection” kaya maaaring makatulong ito sa stroke recovery. Bagamat, marami pang pag-aaral ang dapat na gawin, nakasama sa listahang ito ang beans dahil sa taglay na magnesium na mayroong neuromuscular function role.
Avocado (Oleic Acid)
Mahusay na source ng oleic acid at antioxidants ang avocado. Ayon sa pag-aaral na pinamagatang “Avocado as a Major Dietary Source of Antioxidants and Its Preventive Role in Neurodegenerative Disease”, may natatanging antioxidants ang avocado at may epektibong neuroprotective agents na maaaring makatulong sa recovery mula sa stroke.
Pagkain para sa mild stroke: Salmon
Ang fatty fish tulad ng salmon ay naglalaman ng omega 3 na kailangan ng ating katawan. Magandang isama ito sa healthy diet para sa recovery mula sa stroke dahil makakatulong ito para matugunan ang pangangailan na sustansya ng katawan.
Pagkain para sa mild stroke: Itlog
Ayon sa pag-aaral na nailathala sa Journal of the American College of Nutrition ang pagkain ng itlog isang beses sa 1 araw ay makakatulong para mabawasan ang stroke risk ng 12 percent. Maganda rin itong kainin sa mga nagpapagaling mula sa stroke dahil malambot ito at madaling nguyain at lunukin.
Green Tea
Mayaman ang green tea sa antioxidants at flavonoids na makakatulong sa cardiovascular system heal. Kung saan malaking bagay din ito para sa matagumpay na recovery mula sa stroke.