backup og meta

Epekto ng Caffeine Crash at Paano Ito Maiiwasan?

Epekto ng Caffeine Crash at Paano Ito Maiiwasan?

Ang tsaa at kape ang dalawa sa mga pinakakinokonsumong inumin sa buong mundo, bukod sa tubig. Maraming mga tao ang umiinom ng kape sa umaga upang simulan ang kanilang araw, habang ang mga bata naman ay umiinom ng mga energy drink para magising sa buong magdamag. Kung matagal-tagal ka nang umiinom ng kape, tsaa, at energy drinks, maaaring naranasan mo na rin ang mga panaka-nakang epekto ng caffeine crash. 

Epekto ng Caffeine, Pag-usapan Natin 

Ang caffeine ay isang methylxanthine stimulant na makikita sa ilang mga halaman. Kabilang sa mga ito ay ang mga butil ng kape, dahon ng tsaa, maning kola (ginagamit sa mga inuming cola), at buto ng kakaw (ginagamit sa paggawa ng tsokolate). Kung ito lang, ang caffeine ay walang calories o ibang mga sustansya. Gayunpaman, ang purong caffeine ay mapait. Kadalasan, ang mga pampatamis at flavorings ay idinadagdag sa caffeine upang mas gumanda ang lasa nito. 

epekto ng caffeine

Nakaaapekto ito hindi lamang sa utak at sa central nervous system (CNS). Bukod sa nilalabanan nito ang pagkahilo, ang caffeine ay mayroong pisikal na epekto sa puso, baga, bato, at mga malalambot na kalamnan o muscles. 

Habang ang kape, tsaa, at iba pang caffeinated na inumin ay ligtas sa pagkonsumo, ang sobrang pag-inom ng mga ito ay nagdudulot ng negatibong epekto sa ating katawan. Ilan sa mga side effects ay ang pagsusuka, insomnia, pagiging iritable, pagiging kabado, pagbilis ng tibok ng puso at paghinga, mga tremors, at maging ng panginginig (sa sobrang mataas na dosage). 

Ang toxicity ay maaaring mangyari sa tinatayang 10 gramo ng caffeine. Bilang batayan, ang isang tasa ng kape ay may 50-100 mg ng caffeine. Iminumungkahi ng mga eksperto na limitahan ang pagkonsumo sa 400 mg sa isang araw na naglalaro sa 3 hanggang 5 tasa ng kape. 

Bakit Nakapagdudulot ng Crash Effect ang Caffeine? 

Gaya ng nabanggit, ang kape ay isang stimulant. Bagaman hindi ito gaanong nagdudulot ng addiction gaya ng ibang mga stimulant gaya ng amphetamines, ang ating katawan ay maaaring mag-develop ng tolerance dito. 

Ang tolerance sa anumang substansya ay kadalasang dahil sa paulit-ulit o matagal nang paggamit nito. Ito ay nangyayari dahil ang mga receptor para sa caffeine sa ating katawan ay maaaring masanay na rito. Ito ay dahil sa isang kakayahan ng katawan na mag-adapt at magpanatili ng pagkabalanse, o ang homeostasis. 

Kapag nangyari ito, ang isang tasa ng kape ay mawawalan na ng kakayahang makapagpagising sa iyo gaya ng dati. Sa halip, kakailanganin mo ng dagdag na shot ng espresso o tasa ng kape para makuha ang parehong epekto gaya ng dati. Sa paglipas ng mga linggo at buwan, maaaring umiinom ka na ng apat o limang tasang kape ngunit inaantok ka pa rin. 

Iba Pang Salik na Maaring Maging Dahilan ng Energy Crashes 

Bukod sa saganang dami ng caffeine, mga inuming gaya ng kape, soda, at energy drinks ay maaaring maglaman ng maraming asukal. Karaniwan na, ang uri ng asukal na nasa mga pinatamis na inuming ito ay ang mga simpleng asukal gaya ng fructose. 

Ang benepisyo ng mga simpleng asukal ay ang mga ito ay available na gamitin ng utak at ng ibang pang organs. Sa kabilang banda, ang dagdag na asukal na ito ay naiimbak bilang taba sa katawan. Ang sugar rush na idinudulot ng soda at mga energy drinks ay nagbibigay ng enerhiya sa utak habang ang caffeine naman ay nakatutulong para mas maging mabilis ang paggana ng utak. 

Matapos ang inisyal na sugar rush, maaaring mangyari ang energy crash. Kilala rin ito sa tawag na reactive hypoglycemia. Ang katawan ay tumutugon sa pagkakaroon ng sobrang asukal sa dugo sa pamamagitan ng paglalabas ng maraming insulin, na nagiging dahilan ng biglaang pagtaas. Binibigyan ng signal ng insulin ang atay na iimbak ang sobrang asukal bilang glycogen, at ang mga cell ng taba at kalamnan para mabawasan ang glucose. 

Maraming asukal ang maaaring mailabas ng katawan dahil sa biglaang paglalabas ng sobrang insulin sa dugo. Ilan sa mga sintomas ng sugar at caffeine crash ay ang sumusunod: 

  • Pagsusuka 
  • Pananakit ng Ulo 
  • Pagkabahala (Anxiety) 
  • Panginginig at Pagkabalisa 
  • Mabilis na Tibok ng Puso (tachycardia) 
  • Kahirapan sa Pagpopokus 
  • Pagkapagod 
  • Insomnia 

Pag-iwas sa mga Epekto ng Caffeine Crashes 

Mahalaga ang oras at marami sa atin ang hindi kayang pagtuunan ng pansin ang mga epekto ng caffeine crash. Ang pinakamainam na paraan para maiwasan ito ay ang pag-inom ng kape at iba pang caffeinated beverages nang may moderasyon. Kung nasasarapan ka sa lasa ng kape ngunit day-off mo sa trabaho, pwedeng decaffeinated na kape na lamang ang inumin mo. Nakukuha mo ang lasa ng kape nang kaunti lang ang caffeine. 

Ang pagbabawas ng pagkonsumo ng kape o ang pagtatakda ng panahon kung kailan kokonsumo nito ay magbibigay ng pagkakataon para sa iyong katawan na maka-recover. Nababawasan at naiiwasan nito ang tolerance at crashes. 

Kung nilalagyan mo ng asukal ang iyong mga caffeinated beverages o umiinom ka ng soft drinks, dapat mo ring ikonsumo ang mga ito nang may moderasyon. Ang sobrang asukal ay hindi lamang magdudulot ng energy crash, kundi ang liquid calories na ito ay maaari ding magdulot ng pagtaba at/o pagtaas ng banta ng diabetes. Ang pag-inom ng black coffee, hindi matamis na tsaa, o ng mga sugar-free na mga inumin ay mga alternatibo para mabawasan ang pagkonsumo mo ng asukal habang nakukuha ang mga benepisyo ng caffeine. 

Bilang panghuli, tandaan na ang kape at energy drinks ay hindi kailanman kayang mapalitan ang makalidad na tulog. Ang power nap sa loob ng 30 hanggang 60 minuto ay makatutulong sa pagpapataas ng iyong energy level nang hindi kumukonsumo ng caffeine. Sa pamamagitan ng buong 8 oras na tulog sa gabi, maaari mong maramdaman ang panunumbalik ng 100 porsyentong enerhiya mo— lahat ng ito nang walang inaalalang caffeine crash! 

Matuto ng higit pa tungkol sa masustansyang pagkain dito.

Isinalin mula sa orihinal na Ingles na sinulat ni Stephanie Nera.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Review: Trends, Safety, and Recommendations for Caffeine Use in Children and Adolescents, https://www.jaacap.org/article/S0890-8567(18)31884-7/pdf, Accessed November 26, 2020.

Energy drinks: health risks and toxicity, https://onlinelibrary.wiley.com/doi/abs/10.5694/mja11.10838, Accessed November 26, 2020.

Caffeine: Cognitive and Physical Performance Enhancer or Psychoactive Drug?, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4462044/, Accessed November 26, 2020.

Spilling the Beans: How Much Caffeine is Too Much?, https://www.fda.gov/consumers/consumer-updates/spilling-beans-how-much-caffeine-too-much, Accessed November 26, 2020.

Tolerance and Resistance, https://www.msdmanuals.com/professional/clinical-pharmacology/factors-affecting-response-to-drugs/tolerance-and-resistance, Accessed November 26, 2020.

Kasalukuyang Version

04/27/2023

Isinulat ni Marie Kristel Corpin

Narebyung medikal ni Stephanie Nera, RPh, PharmD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Masustansya Ba Talaga Ang Pagkain Ng Isda Araw-Araw? Alamin Dito!

Benepisyo ng Kape At Tsaa: Alin Ang Mas Masustansya?


Narebyung medikal ni

Stephanie Nera, RPh, PharmD

Pharmacology


Isinulat ni Marie Kristel Corpin · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement