Mababawasan ka raw ng hanggang 10 pounds sa loob lamang ng pitong araw sa pamamagitan ng military diet plan. Ngunit totoo ba ito? Maganda ba ang ganitong diet? Tatalakayin natin iyan sa artikulong ito at magbibigay din kami ng sample military plan.
Military Diet Plan: Ano nga ba Ito?
Ang military diet ay isang low calorie diet. Sa prosesong ito, kailangan mong hatiin ang isang linggo sa dalawa:
- Unang 3 araw – diet days
- Huling 4 na araw – puwede kang regular na kumain sa mga araw na ito
Maraming nagsasabing intimidating ang ganitong diet. Sa unang tatlong araw na kailangan mong mag-diet, maaari ka lang kumonsumo ng 1,400, 1200, o 1,100 na calories. May ibang batayan ding nagsasabing hindi ka puwedeng lumagpas ng 1,100 calories. Bukod pa dyan, hindi ka rin puwedeng kumain ng meryenda sa loob ng tatlong araw na nabanggit.
Para sa natitirang apat na araw, puwede kang regular na kumain ngunit hinihikayat kang kumonsumo ng masusustansya at low-calorie meals. May mga taong nagsasabing puwedeng ulit-ulitin ang ganitong diet hanggang sa maabot mo ang nais mong timbang.
[embed-health-tool-bmi]
Ayon sa ilang tao, maaari ka raw mabawasan ng malaking timbang sa loob lamang ng maikling panahon.
Maganda ring tandaan na walang anumang kaugnayan sa prinsipyo ng military ang ganitong klase ng diet sa kabila ng katawagang ginagamit dito. Sa katunayan, paulit-ulit na sinasabi ng mga eksperto na ang good diet ay napakahalaga para sa mga military personnel. Dahil ang kawalan ng sapat na nutrisyon sa hanay nila ay magreresulta rin sa pangit na military performance.
Mga Panganib
Mas ipinapayo pa rin ng mga doktor ang proper diet at pag-eehersisyo upang magbawas ng timbang. Hindi pang-long-term diet ang military diet plan dahil nauuwi ito sa pagkagutom at panghihina dala ng kakulangan ng sapat na calories sa katawan. Kung nais subukan ang ganitong diet, maging maingat. Pinakamainam pa ring kumonsulta muna sa doktor.
Marahil, ang maganda sa diet na ito ay mas mura kumpara sa ibang uri ng diet tulad ng Mediterranean, keto, o paleo. Sa diet na ito, kumokonsumo ka lang ng “real food” at hindi na kailangang bumili pa ng supplements, o ng iba pang espesyal na mga sangkap.
Military Diet Plan
Mga Mungkahi na Pagkain sa Tatlong Araw na Military Diet Plan
Narito ang mga sumusunod na pagkain kung nais mong subukan ang military diet plan
Prutas
- Mansanas
- Saging
- Grapefruit
Gulay
- Green beans na pwedeng sariwa, frozen o nakalata
- Broccoli
- Carrots
Protina
- Itlog
- Tuna
- Hotdogs
- Iba pang klase ng karne
Iba Pang Pagkain
- Whole wheat bread
- Saltine crackers
- Peanut Butter
- Sorbetes (ice cream)
- Tsaa
- Kape
- Greek yogurt
- Cottage cheese
- Cheddar cheese
Mga Pagkaing Dapat Iwasan sa Tatlong Araw ng Military Diet Plan
Ipinapayong iwasan ang mga sumusunod na pagkain sa loob ng tatlong araw
- Oranges
- Fruit juices
- Artificial sweeteners
- Creamer
- Butter
- Gatas
- Asukal (liban sa ice cream)
- Yogurt (liban sa Greek yogurt)
Halimbawa ng Military Diet Plan
Unang Araw
Almusal
- Kalahating hiwa ng Grapefruit
- Isang slice ng tinapay na may palamang dalawang kutsarang peanut butter
- Isang tasang kape o tsaa
Tanghalian
- Tuna, ½ cup
- Tostadong tinapay, 1 hiwa
- Tsaa o kape, 1 tasa
Hapunan
- Karne, 3 onsa (ounce)
- Hinog na saging, ½ serving
- Green beans, 1 cup
- Maliit na mansanas, 1 piraso
- Isang basong ice cream, vanilla
Pangalawang Araw
Agahan
- Tostadong tinapay, 1 hiwa
- 1 pirasong itlog, nilaga o prinito
- Hinog na saging, ½ serving
Tanghalian
- Nilagang itlog, 1 piraso
- Saltine crackers, 5 piraso
- Cottage cheese, 1 cup
Hapunan
- Broccoli, isang cup
- Carrots, ½ cup
- Hotdog, 2 piraso
- Hinog na saging, ½ serving
- Isang basong ice cream, vanilla
Pangatlong Araw
Agahan
- Cheddar cheese, 1 hiwa
- Saltine crackers, 5 piraso
- Maliit na mansanas, 1 piraso
Tanghalian
- Tostadong Tinapay, 1 hiwa
- Nilaga o pritong itlog, 1 piraso
Hapunan
- Tuna, 1 cup
- Hinog na saging, ½ serving
- 1 basong ice cream, vanilla
Ipinapaalalang maaaring humanap ng kapalit sa mga pagkaing nakalista sa diet plan na ito. Kung may allergy ka sa mani kaya’t hindi puwede sa iyo ang peanut butter, puwedeng palitan ito ng almond butter. Kung vegetarian ka naman, maaari mong palitan ng almonds ang tuna.
Sa natitirang apat na araw, puwede mo nang kainin ang gusto mong pagkain at puwede ka na ring magmeryenda. Gayunpaman, hinihikayat ka pa ring kumain ng masusustansya.
Mahalagang Paalala
Bagaman ligtas para sa mga malulusog na pangangatawan ang ganitong military diet, hindi ito inirerekomendang gawin sa loob ng mahabang panahon. Dahil ang mababang pagkonsumo ng calories ay puwedeng mauwi sa kakulangan ng sustansya sa katawan.
Binibigyang diin din ng ilang mga doktor na ang low-calorie diet ay maaaring makapagpabagal ng metabolismo. Ibig sabihin, kapag bumalik ka na sa regular mong diet (huling apat na araw), puwedeng tumaas muli ang iyong timbang nang mas mabilis. Resulta ito ng tinatawag na yoyo dieting.
Mayroon ding mga argumento pagdating sa mga pagkaing gaya ng hotdog, peanut butter, at saltine crackers na mataas sa asin at saturated fats. Kaya naman huwag kalimutang kumonsulta sa doktor lalo na kung mayroon kang iniindang karamdaman.
Sinasabi ng mga nakaranas na nitong military diet plan na maaaari kang mabawasan ng hanggang 10 pounds sa loob lamang ng isang linggo. Gayunpaman, wala pang pag-aaral ang makapagpapatunay sa sinasabing bilis at dami ng nababawas sa ganitong klase ng diet. Tandaan, ang ideal na bigat na puwedeng mabawas sa isang tao sa loob ng isang linggo ay 1 – 2 pounds. Maaaring makasama na sa iyong kalusugan kung hihigit pa rito.
Matuto ng higit pa tungkol sa Special Diet dito
Isinalin sa Filipino ni Daniel De Guzman
[embed-health-tool-bmi]