Siguro ay narinig mo na dati ang salitang “electrolytes.” Madalas itong nakikita sa mga sports drinks o kaya mga inumin na nakatutulong na makapawi ng uhaw.
Ngunit ano ng aba ang electrolytes, at bakit ito mahalaga sa ating kalusugan? Alamin dito ang sagot!
Ano ang electrolytes?
Ang mga electrolytes ay mga mineral na nagkakaroon ng electric charge kapag tinunaw sa fluid o kaya tubig. Halos lahat ng fluid sa ating katawan, kabilang na ang dugo, ay mayroong taglay na electrolytes.
Mahalaga ang electrolytes dahil nakatutulong ito sa mga sumusunod:
- Pagbalanse ng dami ng tubig sa katawan
- Pagbalanse ng pH level sa katawan
- Paggalaw ng nutrients sa mga cells
- Pagtanggal ng mga waste products sa cells
- Tumutulong sa nerve at muscle function
- Nakatutulong sa heart rate
- Tumutulong gawing stable ang blood pressure
- Tumutulong panatilihing malusog ang ngipin at mga buto
Dagdag pa dito, nakatutulong ang electrolytes na mapanatiling hydrated ang iyong katawan, lalong-lalo na kung mainit. Ito ang dahilan kung bakit nauuso ang mga inumin na may taglay na electrolyte.
Anu-ano ang mga karaniwang electrolytes sa katawan?
Ang karaniwang electrolytes na kinakailangan ng katawan ay sodium, magnesium, potassium, calcium, chloride, phosphate, at bicarbonate. Lahat ng mga ito ay kailangan ng ating katawan, at iba-iba ang papel ng mga ito para sa ating kalusugan.
Kaya importanteng nasa wastong dami ang electrolytes sa ating katawan. Hindi mabuti kung sumobra o kaya ay kulangin ang mga ito.
Ano ang mangyayari kapag kulang o sobra sa electrolytes?
Ang kakulangan o kalabisan ng isa o maraming electrolyte sa katawan ay tinatawag na “electrolyte imbalance.” Maaari itong mangyari kung biglang magbago ang dami ng tubig sa katawan, tulad na lang sa dehydration o ang kabaligtaran nito na overhydration.
Bukod dito, maaari rin itong mangyari dahil sa mga sumusunod:
- Pag-inom ng ilang mga gamot
- Pagsusuka o pagtatae
- Matinding pagpapawis
- Sakit sa puso, atay, o bato
- Hindi sapat ang naiinom na tubig lalo na kung mainit o nag-ehersisyo
- Sumosobra ang naiinom na tubig
Iba-iba ang maaaring epekto ng kalabisan o kakulangan ng electrolytes sa katawan. Depende rin sa sintomas ay maaaring magsagawa ng test ang mga doktor upang malaman kung aling electrolyte ang nagkukulang upang. Kapag nalaman na ito ng mga doktor, maaari na silang magbigay ng treatment para dito. Kapag labis ang dami ng electrolyte sa katawan, maaaring bigyan ng gamot na aalisin ang sobrang electrolyte. Kapag may kakulangan naman sa electrolytes, sasailalim sa tinatawag na electrolyte replacement therapy ang pasyente.
Saan nakakakuha ng electrolytes?
Ang pinakamainam na source ng electrolyte para sa katawan ay mula sa ating pagkain. Ang mga sumusunod ay maraming electrolyte at may taglay rin na mga vitamins at minerals na makatutulong palakasin ang katawan:
- Saging
- Keso
- Spinach
- Gatas
- Okra
- Tuna
- Tofu
- Chicken
Karagdagang Kaalaman
Mas mainam pa rin na kumuha ng electrolyte mula sa whole foods, at huwag umasa sa mga inumin para dito.
[embed-health-tool-bmi]