backup og meta

10 Sintomas ng "Smiling Depression"

Ang kasabihang “Don’t judge a book by its cover” ay isang paalala upang maging maingat sa paghusga sa isang tao batay sa kanyang panlabas na anyo.  Subalit magagamit din ito upang ilarawan ang isang taong may magandang disposisyon at masayang katangiang panlabas ngunit ang totoo ay nakararanas ng paghihirap. Tinatawag itong smiling depression.

10 Sintomas ng "Smiling Depression"

Ang mga taong may smiling depression ay maaaring kakitaan ng pagiging masayahin at kontentong pag-uugali sa panlabas, kadalasang masisigla at halos perpekto ang buhay.

Ang mga taong ito ay nagdurusa sa matagal na kalungkutan o depresyon. Ang kanilang tagumpay na itago ang kanilang mga paghihirap ay dahilan upang sila ay mas makaranas ng depresyon. Ang iba ay hindi gaanong tumutulong sa mga taong nakikitang masaya kaysa sa mga taong mas nakikitang nasasaktan.

Naiulat na ang social media ay may epekto sa pangyayaring ito, dahil hinihikayat nito ang mga tao na maging perpekto. Nagbibigay ito ng pressure sa mga tao na ang ibahagi lamang ay ang magagandang bahagi ng kanilang buhay at itago ang mga hindi magaganda. Lalo itong nagiging dahilan upang mas mahirapan ang mga tao na maging bukas, humingi ng tulong, at tumanggap ng suporta.

Ano ang mga senyales ng smiling depression?

Narito ang ilang mga paraan upang makita ang mga senyales ng smiling depression sa ating mga sarili o sa ibang tao. Sa pamamagitan ng pagdamay, makapagbibigay tayo ng napapanahong suporta at interbensyon.

  1. Kapansin-pansing mga Kilos upang Magmukhang Masaya at Kontento

Ang depresyon ay walang tiyak na itsura. Nagbabago ito sa bawat tao. At maaari itong ma-diagnose o hindi.

Minsan, ang mga taong may depresyon ay nananatili sa positibong bahagi ng kanilang buhay sa kabila ng kanilang tunay na nararamdaman. Gumagawa sila ng paraan na maitago ang kanilang tunay na nararamdaman upang hindi ito mapansin ng iba.

  1. Pakiramdam na Pagiging Walang Silbi

Bagama’t normal ang makaramdaman ng mga negatibong damdamin, ang matagal na kalungkutan at ang kawalan ng pag-asa sa buhay ay ilan sa mga pinakakaraniwang sintomas ng depresyon.

Maaari itong humantong sa pagkakaroon ng pakiramdam na pagiging walang silbi o emptiness. At ang pagsusuri sa sariling mga aksyon ay maaaring maging dahilan upang tanungin ng isang tao ang kanyang sarili ng  “Para saan?”

Ang mga taong may smiling depression ay may kakayahang iwasang ipakita ang pakiramdam na ito sa iba. Ang ganitong ugali ay maaaring clinical depression o situational depression.

Ang situational depression ay tinatawag ding “adjustment disorder with depressed mood.” Ang kondisyong ito ay kadalasang natutugunan sa madaling panahon. Ang pakikipag-usap tungkol dito ay paraan upang maging madali ang paggaling. Sa kabilang banda, ang clinical depression ay mas malubhang kalagayan ng kaisipang pangkalusugan. Sanhi ito ng disturbance sa neurotransmitters ng katawan, kaya naaapektuhan ang araw-araw na gawain.

  1. Kawalan ng Interes sa mga Gawain

Ang mga taong nagdurusa sa smiling depression ay maaaring mawalan ng interes sa mga gawaing noon ay kinawiwilihan nila. Ito rin ay isang sintomas na maaaring mapansin kung ang isang tao ay nakararanas ng depresyon.

  1. Pagbabago sa Gana sa Pagkain at Problema sa Pagtulog

Ang pisikal na kawalan ng kakayahang gawin ang isang bagay ay isang dahilan kung bakit ang isang taong may smiling depression ay tumigil sa mga gawaing noong ay kinawiwilihan niya. Maaaring ito ay dahil sa malubhang pakiramdam ng pagkapagod na sanhi ng sobra o kawalan ng tulog, o pagbabago sa gana sa pagkain.

  1. Kawalan ng Konsentrasyon

Kapag ang isang tao ay nahihirapang magpokus, hindi nakasasabay sa usapan, o nauubusan ng sasabihin, ang mga ito ay maaaring senyales ng smiling depresyon.

  1. Pisikal na sakit

Bilang karagdagan sa pagbabago sa timbang at pagkapagod, ang ilan sa mga pisikal na sintomas ng itinatagong depresyon ay ang pagsakit ng likod, hindi gumagaling na sakit, digestive problems, at pagsakit ng ulo.

  1. Pag-iwas sa Pakikisalamuha

Ang isang taong nagdurusa sa smiling depression ay maaaring kadalasang hindi pumupunta sa mga pagkikita kasama ang mga kaibigan o mga mahal sa buhay. Mas gusto nilang mapag-isa, umiwas sa pakikisalamuha. Ito ay dahil napapagod silang gumawa ng mga aksyon upang magmukha silang masaya.

  1. Madalas na Pagiging Iritable

Ang pagiging mainipin, mas masungit, at iritable ay ilan sa mga simpleng senyales ng smiling depression. Mas kapansin-pansin ito kung ang isang tao ay noon ay masayahin, maawain, at maunawain.

  1. Laging Pagod

Ang isang taong nagdurusa sa smiling depression ay maaaring makaranas ng pagiging pagod palagi nang walang dahilan. Ang mga taong may depresyon ay kadalasang nakararamdam ng sobrang pagod, at nawawalan ng interes sa paggawa ng anomang gawain. Kadalasan, wala silang lakas o sigla na gumawa ng anomang gawain.

  1. Paggawa ng Coping Mechanisms

Kung hindi na makaya ang depresyon, isa sa mas kapansin-pansing sintomas ng smiling depression ay ang biglang paggawa ng coping mechanisms. Maaari itong sa pamamagitan ng pag-inom ng alak, paggastos ng malaking halaga sa pamimili, o pagsusugal.

Paano tumulong sa isang taong may Smiling Depression?

Ayos lamang kung makaramdam ng negatibong bagay sa tuwing dumaraan sa mga problema. Maaari kang maging matapat sa iyong sarili at isa iba tungkol sa mga ito. Hindi mo kinakailangang laging magmukhang malakas. Maging bukas sa iyong damdamin sa mga taong malalapit sa iyo o isaalang-alang ang paghingi ng tulong mula sa mga propesyonal.

Maging mapanuri sa mga senyales, sa sarili at sa iba. Kung ang iyong kakilala ay nagpapakita ng mga pag-uugaling ito, mahalagang kumustahin sila upang malaman nilang may nag-aalala sa kanila. Unawain na ang kanilang pinagdaraanan ay katanggap-tanggap, at hindi mali na maramdaman nila ang mga ito. Hayaan silang magpahayag ng kanilang sarili nang walang panghuhusga at iparamdam sa kanila ang iyong pagmamahal. Aktibong makinig, at magbigay ng emosyonal na suporta. Mahalagang tandaan na ang mga nagdurusa sa smiling depression, tulad ng karamihan, ay naghahanap ng pagmamahal at pagtanggap.

Tandaan na, minsan, kahit ang mga taong may tunay na malasakit sa isang taong nakararanas ng depresyon ay mayroon lamang maliit na bagay na magagawa. Unawaing hindi madaling maging bukas sa iba tungkol sa personal na pinagdaraanan. Kung sa palagay nila ay kailangan nila ng atensyong medikal o gamutan, suportahan sila sa kanilang desisyon.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

https://www.medicalnewstoday.com/articles/314698

https://www.helpguide.org/articles/depression/depression-symptoms-and-warning-signs.htm

Kasalukuyang Version

02/24/2026

Isinulat ni Jan Alwyn Batara

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Anu-Ano Ang Mga Maling Paniniwala Sa Depression?

Bakit nagkakaroon ng problema sa pag-iisip? Heto ang paliwanag


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Jan Alwyn Batara · a

ad iconPatalastas

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconPatalastas
ad iconPatalastas