Ang kalusugang pangkaisipan ay tumutukoy sa kognitibo, emosyonal, at sikolohikal na kagalingan ng isang tao. Ito ay nakaaapekto sa kilos, pakiramdam, at pag-uugali. Tumutukoy rin ito sa pakikisalamuha ng isang tao sa iba, pagkontrol ng stress, at pagbuo ng mga desisyong nakaaapekto sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Tulad ng mga taong nagdurusa sa pisikal na karamdaman, ang mga may problema sa pag-iisip ay maaaring gumaling sa pamamagitan ng tamang tulong (depende sa uri ng sakit). Narito ang ilan sa mga maaagang senyales ng problema sa pag-iisip:
- Pag-iisip na saktan ang sarili o ang iba
- Madalas o tuloy-tuloy na pagkaramdam ng lungkot, galit, takot, pag-aalala, o pagkabalisa
- Madalas na pagsabog ng emosyon o pagbabago ng damdamin
- Pagkalito o hindi maipaliwanag na pagiging makakalimutin
- Delusions o hallucinations
- Matinding takot o pagkabalisa tungkol sa pagtaas ng timbang
- Matinding pagbabago sa pagkain at pagtulog
- Kawalan ng kakayahang gawin ang mga araw-araw na gawain o makasabay sa biglang pagbabago sa trabaho o sa paaralan
- Pag-iwas sa pakikihalubilo o pakikisalamuha
- Hindi pagsunod, pag-iwas sa mga dapat gawin sa trabaho o paaralan, paninira ng gamit
- Paggamit ng mga ipinagbabawal, tulad ng alak at droga
- Hindi maipaliwanag na pisikal na karamdaman
Pag-diagnose sa Sakit
Ang pag-diagnose ng problema sa pag-iisip ay kadalasang nagsisimula sa isang ebalwasyon mula sa isang doktor. Madalas na kabilang dito ang pisikal na pagsusuri at pangmatagalang pagsubaybay. Ito ay upang malaman ang iba pang pisikal na kondisyon na maaaring dahilan ng sintomas.
Ang ikalimang edisyon ng Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders (DSM-5) ay naglista ng mga pamantayan na kailangang matamo ng isang tao upang ganap na ma-diagnose na may problema sa pag-iisip. Kasama rito ang mga kapansin-pansing damdamin, pag-uugali, at sintomas na nararanasan sa loob ng tiyak na panahon.
Tinukoy ng World Health Organization (WHO) ang mga sumusunod bilang mga problema sa pag-iisip: depresyon, bipolar disorder, schizophrenia, dementia, at autism spectrum disorder. Ating alamin ang bawat kondisyon at kung paano magagamot ang mga ito.
Depresyon
Ang depresyon ay hindi lamang basta kalungkutan o “blues” na mawawala rin sa bandang huli. Ito ay isang kondisyon na hindi makokontrol ninoman. Madalas na sinasabing ang depresyon ay dahil sa chemical imbalances sa utak. Ang mga kadahilanang maaaring sanhi nito ay ang family history, pag-uugali, paggamit ng droga at alak, mga pangyayari sa buhay, at mga traumatikong karanasan.
Tinukoy ng WHO na ang depresyon ay ang pinakakaraniwang problema sa pag-iisip at isa sa pinakadahilan ng mga kapansanan. Tinatayang nasa 264 milyong tao ang apektado nito sa buong mundo.
Ang depresyon ay maaaring pangmatagalan o pabalik-balik. Dahil dito, lubhang malaki ang epekto nito sa kakayahan ng tao na makapagtrabaho o makapag-aral, at sa pagharap sa araw-araw na buhay. Sa pinakamalubhang sitwasyon, ang depresyon ay maaaring humantong sa pagpapakamatay. Ito ay malubhang kondisyon, ngunit mayroong mga programa upang ito ay magamot at maiwasan.
Bipolar Disorder
Ang Bipolar disorder ay tinatawag ding manic-depressive illness o manic depression. Isa itong problema sa pag-iisip na dahilan ng malubhang pagbabago sa damdamin, energy levels, at konsentrasyon. Humahantong din ito sa kapansanan kung saan hindi nagagawa ang mga araw-araw na gawain.
Ayon sa WHO, tinatayang nasa 45 milyon ng mga tao sa buong mundo ang apektado ng sakit na ito. Sa kabutihang palad ay may mga gamot upang ma-stabilize ang acute phase ng bipolar disorder at maiwasan ang pagbalik ng sakit. Ang psychosocial support ay mahalaga ring bahagi ng gamutan.
Schizophrenia
Ang schizophrenia ay isang malubhang problema sa pag-iisip kung saan nababago ang persepsyon ng tao sa realidad. Maaari itong magresulta sa kombinasyon ng hallucinations (ang persepsyon ng hindi umiiral na bagay o pangyayari), delusions (maling paniniwala tungkol sa external realities), at lubhang kaguluhan sa pag-iisip at pag-uugali. Posible rin ang pagkakaroon ng disorganized speech bilang sintomas ng sakit.
Kabilang sa schizophrenia ang iba’t ibang problema sa pag-iisip, pag-uugali, at emosyon. Bagama’t wala pang gamot sa sakit na ito, patuloy ang pagdebelop ng mga mas ligtas na pangmatagalang gamot.
Dementia
Ang dementia ay salitang sumasaklaw sa mga sakit at kondisyong naglalarawan sa pagkasira ng memory function o pagkawala ng mga memorya. Maaari ding mapabilang dito ang paghina ng kasanayan sa wika, pagbibigay ng solusyon sa problema, at pag-iisip. Kaya naman naaapektuhan nito ang kakayahan ng isang tao na gawin ang mga araw-araw na gawain. Ang Alzheimer’s ay ang pinakakaraniwang sanhi ng dementia.
Wala pang gamot sa dementia. Ito ay isang progressive na sakit. Ibig sabihin ay lumulubha ito habang lumilipas ang panahon. Ngunit may mga gamot na pansamantalang nakatutulong upang maiwasan ang mga sintomas tulad ng pagkawala ng mga memorya at pagkalito.
Autism Spectrum Disorder
Ang Autism Spectrum Disorder ay isang debelopmental na kapansanan na maaaring maging dahilan ng malaking hamon sa pakikisalamuha, pakikipag-usap, at pag-uugali. Ang mga taong may ASD ay walang pisikal na katangiang kakaiba mula sa ibang tao. Ngunit ang paraan ng kanilang pakikipag-usap, pakikisalamuha, pag-uugali, at pagkatuto ay lubhang iba. Dahil dito, ang kanilang mga kakayahan sa pag-aaral, pag-iisip, at pagbibigay-solusyon sa problema ay maaaring nasa pagitan ng pagiging gifted hanggang sa lubhang mahirap. Maraming tao na may ASD ang nangangailangan ng palagiang pag-aalaga upang harapin ang araw-araw na buhay.
Batay sa WHO, ang debelopmental na karamdaman tulad ng ASD ay kadalasang nagsisimula sa pagkabata ngunit maaaring manatili hanggang sa pagtanda. Nagiging dahilan ito ng kapansanan o pagkaantala ng functions na may kaugnayan sa maturation ng central nervous system. Mayroon silang sinusundang tiyak na paraan kaysa sa remissions at relapses.
Ang mga Taong may ASD ay Maaaring Magpakita ng mga Sumusunod na Pag-uugali:
- hindi pagturo ng isang bagay upang maipakita ang interes o hindi pagtingin sa isang bagay na itinuturo sa kanila
- nahihirapang makipag-ugnayan sa iba o kawalan ng interes sa mga tao
- pag-iwas na tumingin sa mga mata at kagustuhang mapag-isa
- nahihirapang maunawaan ang damdamin ng iba o ipahayag ang sariling emosyon
- pagiging hindi malay na sila ay kinakausap ng iba (subalit sumasagot sa ibang tunog)
- pagpapakita ng interes sa mga tao ngunit hindi alam kung paano makipag-usap, makipaglaro, makipag-ugnayan
- pag-uulit o pag-echo ng mga salita o pariralang sinabi sa kanila o pag-uulit o ng mga salita o parirala bilang pamalit sa normal na wika
- nahihirapang sabihin kung ano ang kanilang kailangan gamit ang mga normal na salita at kilos
- pag-uulit ng mga kilos at nahihirapang makisabay kung may pagbabago sa nakasanayang gawain
- pagkakaroon ng hindi karaniwang reaksyon sa amoy, lasa, itsura, pakiramdam, o tunog ng mga bagay-bagay
Ang mga taong may problema sa pag-iisip ay nangangailangan ng suporta at pag-aalaga mula sa pamilya at doktor. Kung ikaw ay may mahal sa buhay na nakararanas ng problema sa pag-iisip, ipakita mo sa kaniya ang iyong suporta sa pamamagitan ng pakikinig, pag-alam sa kaniyang kondisyon, at pagtulong sa kanilang mga araw-araw na gawain. At higit sa lahat, magkaroon ng pasensya at pang-unawa.














