Totoong ang pagiging mapagpasalamat ay nakakatulong sa pisikal, mental, at emosyonal na kalusugan ng isang tao kung saan maraming beses na itong napatunayan ng mga pag-aaral. Dagdag pa rito, talaga nga naman na maganda para sa lahat ang matutunan ang pagpapasalamat dahil isa itong “way of expression” para ipadama ang importansya ng bawat isa. Sapagkat ang pagsasabi ng simpleng “salamat” o “thank you” na bukal sa kalooban sa kapwa ay nakakabuti para sa kanilang personal na kagalingan.
Ayon sa artikulo mula sa “Harvard Health Publishing”, ang pagiging mapagpasalamat ay nakapagpapasaya ng isang tao dahil sa positibong damdaming naibibigay nito sa isang indibidwal. Nagiging daan din ito para sa pagbuti ng kulusugan ng isang, maging sa mas magaang pagharap sa problema ng buhay, at pagkakaroon ng malapit na kaugnayan sa iba.
Basahin ang artikulong ito upang matunghayan ang mga kuwento ng mga taong mas naging positibo sa buhay dahil sa tulong ng pagiging mapagpasalamat ng mga indibidwal nakapaligid sa kanila.
#1 Pagiging mapagpasalamat: Comfort Zone si Best friend
“Dahil sa best friend ko, mas gumagaan ang mga problema ko kasi alam ko na may isang tao na nakikita ang worth ko at hindi n’ya nakakalimutan na mag-thank you sa existence ko,” pahayag ni Ashley.
Makikita na ang pagkakaroon ng isang kaibigang mapagpasalamat ay may malaking impact kay Ashley dahil nakatulong ito sa kanya para maramdaman ang kanyang self-worth at huwag bumitiw sa buhay.
Batay na rin sa artikulong mula sa “How Being Grateful Improves Your Mental and Physical Health”, ang pagpapasalamat ng isang tao sa kapwa ay nakabubuti, partikular sa kanilang mental at physical health.
Narito ang mga sumusunod na epekto na maaaring maranasan ng isang taong pinasasalamatan:
Pag-release ng toxic emotions
“Gumagaan ang lahat ng mabibigat na bagay, dahil may kaibigan akong handang makinig , ’yung pinasasalamatan ka kahit sa small gestures, sobrang nakakagaan ng pakiramdam,” ayon kay Ashley.
Batay sa mga eksperto, sa tuwing nagpapasalamat ang isang tao o nakatatanggap ng pasasalamat, pinapagana ng isang indibidwal ang mga bahagi ng utak na tinatawag na “hippocampus” at “amygdala”, at ang dalawang bagay na ito ay gumagana nang sabay para makabuo ng emosyon.
Kaugnay nito kapag ang isang tao ay nagpapakita ng pagpapahalaga o kaya’y pinapahalagahan, naglalabas ang utak ng hormones na nagpapabuti sa mood at binabawasan nito ang pagkabalisa at hormones na nagdudulot ng stress.
Napapabuti ang sleep quality
“Ang sarap din matulog sa gabi, sa totoo lang— mapayapa, dahil ramdam mong worth-it ang buhay mo para sa iba,” pagdadagdag ni Ashley.
Ayon sa mga doktor ang bahagi ng utak na tinatawag na hypothalamus ay may mahalagang papel sa isang tao dahil kapag nagpapakita ng “gratitude” ang isang indibidwal sa kapwa o nakatatanggap ng pasasalamat, napapabuti nito ang sleep quality. Sapagkat ang hypothalamus ang isa sa mga responsable sa sleep cycles at ang pag-aactivate sa hypothalamus sa pagiging mapagpasalamat ay nakakabuti sa sleep pattern.
“Kaya super nagpapasalamat ako sa best friend ko. She is my home,” pagwawakas ni Ashley.
#2 Pagiging mapagpasalamat: Si Teacher Na-appreciate ni Student
Hindi madaling maging isang guro— ang stress at anxiety na maaaring danasin ng isang teacher ay malaki pa sa bagay na inaasahan mo.
“Paper works pa lang, talagang mapupuno ka na ng stress,” pahayag ni Reina.
Siya ay isang guro sa Pinagbakahan Elementary School at larawan siya ng isang taong mahal na mahal ang propesyon ng pagtuturo.
“Actually ‘yung paper works ang nakaka-stress eh, kaya sobrang nakakataba sa puso kapag na-a-appreciate ka ng students. Tapos magsasabi ng thank you sa’yo, nakakawala ng pagod,” ayon kay Reina.
Ayon sa mga pag-aaral ang pagiging mapagpasalamat ng isang tao sa kapwa ay nakakatulong sa stress regulation, dahil ito ang appreciation na ibinibigay at natatanggap ay pwedeng mag-lead sa kabawasan ng cortisol.
Mahalaga na mabawasan ang cortisol sa’ting katawan, dahil isa itong stress hormone at dapat mong tandaan na ang cortisol ay nakapagbibigay ng sintomas ng depresyon at pagkabalisa kaya mahalaga na maiwasan ang pagkakaroon nito.
“Mas madali kong naha-handle ‘yung stress sa work, kasi appreciative ang students ko. Kumbaga nasusulit ‘yung pagod,” pagwawakas ni Reina.
#3 Pagiging mapagpasalamat: Life Is Good!
“Sabi nila positive person daw ako, alam ko kasi ang reality ng buhay kaya gusto ko makatulong. Like ng pagbibigay ng encouragement sa kanila, at pagpapasalamat sa mga kaibigan ko. Kasi it helps talaga,” ayon kay Grace.
Maaaring hindi kapani-paniwala, pero ang pasasalamat ay nakakabawas ng sakit na nararamdaman. Ayon sa mga eksperto ang mga taong naghihirap dahil sa chronic pain ay pwedeng hindi gumaling dahil ang mga negatibong bahagi na lamang ang nakikita sa lahat ng sitwasyon, at ang negativity na ito ay nakakaapekto sa proseso ng pagpapagaling.
“Gusto kong maging masaya ang mga kaibigan ko, kaya trina-try kong ipakita pa rin ‘yung positivity ng buhay,” pagdadagdag ni Grace.
Kaugnay ng pahagay ni Grace makikita na maaaring dahil sa pagiging mapagpasalamat ng isang tao sa kanya kapwa ay makatulong ito para mabago ang kanilang perspektibo sa buhay, at ang pagkakaroon ng positibong pag-iisip ay pwedeng magresulta ng reduction sa pain symptoms.
Ayon pa nga sa mga psychologist ang mga taong positibo ay mas mabilis mag-heal.
“Masaya ako na dahil sa pagiging positive person ko, napapasaya ko sila. Hindi naman mahirap magpasalamat sa mga taong mahal mo. Need din nila na marinig na mahal mo sila at best way ang pagpapasalamat sa kanila,” pagwawakas ni Grace.
Healthy ba ang pagiging mapagpasalamat?
Oo naman, healthy ang pagiging mapagpasalamat at ito ay sinusuportahan ng mga well-studied research, dahil ang pag-e-express ng gratitude ay positibong nagbibigay ng pagbabago sa ating utak, ayon kay Kristin Francis, MD.
Dagdag pa niya pinapalakas nito ang dopamine at serotin, habang ang neurotransmitter sa utak ay nagpapabuti ng mood at ito ang nagbibigay ng positibong damdamin, kaligayahan at kagalingan sa tao.