brand logo
Matuklasan
Mga tool sa kalusugan
Komunidad
Pangangalaga

Patalastas

Share

Paano Mas Maaalagaan Ng Mga Introvert Ang Kanilang Sarili?

Kung ikaw ay isang introvert, maaaring para sa maraming tao ay ikaw ay mapagsarili o mahiyain. (Subalit hindi lahat ng introvert ay ganito!) Mas gusto mong manatili sa bahay, magkaroon ng maliit na grupo ng mga kaibigan, at mas sarilinin ang iyong mga emosyon at saloobin. Dahil dito, ang pakikisalamuha ay maaaring nakatatakot at nakapapagod. Subait hindi nito ibig sabihing kailangang mong iwasan ang pakikisalamuha sa ibang tao. Sa halip, maaari mong subukan ang self-care para sa introvert upang muling magkaroon ng sigla na regular na makisalamuha.

Paano Mas Maaalagaan Ng Mga Introvert Ang Kanilang Sarili?

Self-Care Para Sa Introvert

1. Magtakda ng boundaries

Una, ang inroverts ay kadalasang nagsisikap na kumilos nang mag-isa. Ang pakikisalamuha at pagkakaroon ng sobrang iba pang obligasyon ay mabilis na nakapagpapapagod sa introverts. Gayunpaman, imposible at hindi nakabubuti ang laging pag-iisa.

Ang susi sa malusog na pakikisalamuha ay ang pagtatakda ng boundaries at pag-alam kung kailan humindi. Sa halip na sumang-ayon sa lahat ng iniuutos sa iyo ng iba, subukan munang alamin kung kaya mong gawin. Tandaan na ang pagsasabi ng “hindi” ngayon ay mas mainam kaysa sa pagsasabi ng ‘oo’ at saka ka mahihirapan sa huli. Ito ay parehas na nakapagdudulot ng lubhang stress at panganib sa iyo at sa iyong mga relasyon.

2. Gumawa ng mga malillikhaing gawain

Isa rin sa mga mahuhusay na paraan ng self-care para sa introvert ay ang pagsasagawa ng mga malilikhaing gawain. Ang mga libangan tulad ng sining, pagsusulat, at pagkanta ay magagandang mga gawain. Hindi kinakailangang maging lubhang napakaganda ng iyong likha at hindi mo kinakailangang ma-pressure (dahil hindi mo matatamo ang iyong pinakalayunin). Kung kabilang sa iyong trabaho ang sining o pagsusulat, subukan mong sumubok ng iba o sa halip ay gawin ito nang personal.

Ang paggawa ng mga bagong bagay ay nakapagpapasigla ng iyong isipan at katawan sa maraming paraan. Ang paglalahad ng iyong saloobin at emosyon ay mabuting paraan upang mailabas ang stress at maaaring maging biswal na indikasyon ng kalagayan ng iyong pag-iisip. Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng iyong imahinasyon, maaari kang magkaroon ng mas maraming inspirasyon o makakuha ng bagong perspektibo. Maaari itong makatulong sa iyong pagiging produktibo at mga kasanayan sa pagbibigay solusyon sa problema.

3. Subukang tumakbo

Ngayon, ang pagtakbo sa iyong mga problema ay hindi magandang ideya. Subalit ang pisikal na pagtakbo ay maaaring makapagpaalis ng iyong problema, kahit saglit lamang. Ang pagtakbo ay maaaring therapeutic. Maaari kang makapag-isip-isip habang nakakikita ng bagong tanawin. Kung hindi mo hilig ang pagtakbo, marami pang maaaring gawin. Anomang pisikal na gawaing nangangailangan ng pagtayo at lubhang nagpapatibok ng iyong puso ay makabubuti sa iyo.

Ang benepisyo ng pisikal na pag-eehersisyo ay hindi matatawaran. Ang panandaliang benepisyo nito ay kinabibilangan ng pag-unlad sa sirkulasyon ng dugo, paglabas ng endorphins (kilala ring “happy hormones”), at kalinawan ng pag-iisip. Sa kabilang banda, ang pangmatagalang benepisyo nito ay ang pagpapabuti ng kalusugan ng puso, pagpapalakas ng resistensya, at pagkontrol sa timbang.

4. Magpahinga

Ang magandang tulog ay mahalaga para sa isang malusog na isipan at katawan, anomang uri ng iyong personalidad. Upang muling magkaroon ng lakas, minsan maaaring ang saglit na pahinga ay sapat na para sa iyong pangangailangan. Ito ay lubhang totoo para sa introverts na dumalo sa mga kasiyahan sa trabaho o pagtitipon sa pamilya at lubusang naubos ang lakas sa pakikisalamuha.

I-silent ang iyong telepono, magkaroon ng malamlam na ilaw, at magpahinga katabi ng iyong bed buddy — ito man ay mahal mo sa buhay, alagang hayop, o paboritong stuffed animal. Kung ikaw ay may problema sa pagtulog, maaari kang uminom ng melatonin supplements o makinig sa nakarerelaks na white noise. Iwasan ang pag-eehersisyo o ang pagkain ilang oras bago matulog.

5. Digital Detox

Ang social media ay parehong may nakabubuti at hindi nakabubuting epekto. Nakatutuwa itong gamitin at sa pamamagitan nito ay mas madaling makipag-usap anomang oras sa mga kaibigan at mahal sa buhay. Sa kabilang banda, mayroon itong hindi magandang epekto.

Maraming nang mga pag-aaral ang naisagawa tungkol sa paggamit ng mga kabataan at ng mga nakatatanda sa social media at sa epekto nito sa kalusugang pangkaisipan. Ang social media ay naging sanhi na ng negatibong epekto sa kalusugan tulad ng adiksyon, mababang kumpiyansa sa sarili, at masamang personal na pananaw. Dahil maraming introverts ay mas pinipili ang pakikipag-usap sa pamamagitan ng texts at online chats kaysa berbal na pakikipag-usap, kailangan nilang maging mas maingat sa paggamit ng kanilang gadget at social media.

Ang self-care para sa introvert ay kinabibilangan ng pagtatakda ng boundaries at limitasyon. Iwasan ang makisali sa mga hindi mahahalagang komprontasyon at oversharing (laging tandaan na mag-isip muna bago pindutin ang mga nakikita sa social media). I-unfollow sa iyong accounts ang mga hindi mabubuti at mga problematikong tao at artista.

Huwag ma-pressure na sagutin agad ang bawat mensahe at komento, lalo na kung nakararamdam pa ng matinding emosyon o kung abala sa ibang gawain. Kung ikaw ay may problema sa pagkontrol ng paggamit ng iyong social media, may web browser settings at productivity apps na maaaring gamitin upang masubaybayan ang iyong paggamit ng internet.

6. Meditasyon

At huli, ang paglalan ng oras upang magsagawa ng mindfulness ay isa sa mga pangunahing self-care para sa introvert. Ang meditasyon ay isa sa mga mainam na solusyon upang muling magkaroon ng lakas upang makisalamuha. Humanap ng tahimik, payapang lugar kung saan maaari kang mapag-isa habang nagninilay-nilay. Ang pag-upo ay ang pinakamainam na posisyon sa karamihan ng mga tao. Maupo nang tuwid, subalit hayaan ang iyong katawan na maging relaks. Ang stretching exercises tulad ng yoga ay maaaring makatulong.

Magpokus sa iyong paghinga sa pamamagitan ng paghinga sa iyong ilong at dahan-dahang paglabas ng hininga sa iyong bibig. Isentro ang sarili at ang isipan. Ilabas ang lahat ng mga bumabagabag na kaisipan at alalahanin ang mga masasayang alaala. Magtuon sa pagtibok ng iyong puso at isiping lumalabas mula sa iyong katawan ang stress. Ang ilang white noise at aromatherapy ay maaaring makatulong upang mapaganda ang iyong mood at mapakalma ang iyong sarili.

Maaari mo itong gawin depende sa iyong pangangailangan. Walang tiyak na limit ng oras upang magsagawa ng meditasyon. Gayunpaman, iminumungkahi ng mga eksperto na gawin ito isang beses sa isang araw sa loob ng 10 hanggang 45 minuto. Huwag gawing obligasyon ang pagsasagawa ng meditasyon, gawin itong gawi upang matamo ang pinakalayunin nito. Kapag mas maraming beses mong isinagawa ang meditasyon, mas madali mong makokontrol ang iyong stress at mapagninilayan mo ang iyong mga naiisip.

Key Takeaways

Sa kabuoan, ang self-care para sa introvert ay tungkol sa pagtatakda ng boundaries at pag-alam kung kailan dapat unahin ang sarili. Huwag isakripisyo ang kapayapaan ng iyong isipan sa pamamagitan ng pagbibigay ng matinding responsibilidad sa iyong sarili. Kontrolin ang iyong kapaligiran at paligiran ang iyong sarili ng iyong mga maaasahang kaibigan. Huwag mahiyang makisalamuha subalit alamin ang iyong limitasyon upang maiwasang mabilis na mawala ang lakas sa pakikipag-ugnayan.
Kung madalas kang napapagod sa iyong ginagawa, maaaring pagkakataon ito upang kumonsulta sa doktor o espesyalista sa kalusugang pangkaisipan upang malaman ang sanhi.

Matuto pa tungkol sa pagkontrol sa stress dito.

medical
Stephanie Nera, RPh, PharmD
Narebyung medikal ni
Pharmacology
Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · Na-update noong 3 araw na ang nakalipas