Ang toxic at hindi magandang relasyon ay maaaring makasira ng kalusugan. Lalo na kung ang iyong kapareha ang sobrang nagpapahirap sa iyo, at inaabuso ka sa pisikal o emosyonal na aspeto. Kapag nakakarinig din tayo ng kwento ng ating kaibigan tungkol sa pagkakaroon nila ng isang toxic relationship, madalas ang ibinibigay natin na payo sa kanila ay hiwalayan ang karelasyon.
Sa totoo lang, gustuhin man nila na iwanan ang kanilang partner — hindi pa rin ito gano’ng kadali para sa kanila. Dahil ang pag-alis minsan sa isang toxic relationship ay isang komplikadong bagay sanhi ng maraming factors gaya ng mga sumusunod:
- pananalapi
- kapakanan ng mga anak
- damdamin
Ang mga factor na ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit natatali sa isang relasyon na mahirap takasan at iwanan ang isang tao. Maaari silang ma-pressure sa magiging domino effect ng pakikipaghiwalay nila sa kanilang partner, lalo na kung may problema siya sa pananalapi at nag-aalala sa kinabukasan at kapakanan ng mga anak.
Gayunpaman, laging mong tandaan na kahit mahirap maaari ka pa ring makaalis sa toxic relationship anumang oras na gugustuhin mo at desidido ka na. Kaya naman narito ang 4 tips paano umalis sa toxic relationship na dapat mong malaman. Pero bago natin tukuyin ang 5 tips na ito, linawin muna natin ang kahulugan ng toxic relationship.
Ano Ang Toxic Relationship?
Nakakapinsala ang toxic relationship at ang ilan sa mga senyales nito ay pisikal na pang-aabuso, paulit-ulit na pagtataksil, at hindi naaangkop na pag-uugaling sekswal. Ayon sa mga eksperto, maaaring mahirapan o hindi matukoy ng ibang tao ang isang toxic relationship. Lalo na kung nabulag ang isang tao ng pagmamahal ay hindi na niya makita ang kawalang-galang, hindi pagiging tapat, o pagkontrol sa kanyang pag-uugali.
4 Tips Paano Umalis sa Toxic Relationship
Hindi madali ang laban mo sa pag-alis sa isang toxic relationship, pero maaari mo pa rin subukan ang mga sumusunod:
1. Gumawa ka ng goal para maging independent
Hindi madaling makipaghiwalay lalo na kung naging dependent ka na sa iyong partner. Kaya mas makakabuti para sa iyo na subukan na mag-isip ng bagay para sa iyong sarili — mga pangarap na pwede mong gawin kahit wala s’ya. Ang hakbang na ito ay makakatulong para maging independent ka paunti-unti. Dahil gumagawa ka ng mga desisyon para sa iyong sarili na maaaring magresulta ng unti-unti mong paglaya sa isang toxic relationship.
2. Ipaalam sa iyong mapagkakatiwalaang tao ang status ng inyong relasyon
Sabi nga nila mas gumagaan ang bawat bagay kung mayroon kang tunay na karamay. Kaya ang pagsasabi ng iyong karanasan sa isang toxic relationship ay makakatulong para makaalis ka. Dahil maaari ka nilang matulungan makawala sa iyong relasyon, lalo na kung pisikal kang naabuso. Pwede mo ring ipaalam sa inyong local authorities ang pananakit ng iyong kapareha, upang mapigilan ang pang-aabuso sa iyo — at hindi mauwi sa mas matitindi pang pananakit at kamatayan.
3. Maging firm sa pagdedesisyon ng pakikipaghiwalay
May mga pagkakataon na kapag nasa punto ka ng pakikipaghiwalay, maaaring subukan ng iyong kapareha na baguhin ang iyong isip. Kung talagang nais mong makawala sa relasyon at nais mong magsimula muli, alalahanin na hindi mo kasalanan ang hiwalayan at gagawin mo ito para sa ikabubuti mo. Dahil kung magkakabalikan kayo, pwedeng bumalik ang nakalalason nilang ugali, lalo na kung ayaw o hindi nila kayang baguhin ang maling pag-uugali sa iyo.
Pwede mo ring iwasan ang pakikipag-usap sa iyong partner kung kayo ay hiwalay na. Sapagkat ang mga toxic people ay maaaring maging emotionally manipulative at gamitin ang “emotional blackmail” para makipagbalikan sa kanila at masisi mo ang iyong sarili sa naging relasyon ninyo. Kung may mga anak kayo, makipag-usap lang sa kanya para sa kapakanan ng iyong anak at dapat maging malinaw sa iyo na dapat mong panindigan ang bawat desisyon na ginawa at gagawin mo sa iyong dating karelasyon.
4. Paghingi ng tulong sa mga propesyonal at therapist
Depende sa iyong “level of seriousness”, ang tuluyang pag-alis sa isang toxic relationship ay maaaring mangailangan ka ng tulong mula sa ibang tao. Kaya ang pakikipag-usap sa mga kaibigan at pamilya o paghahanap ng isang therapist na makakausap sa nararamdaman ay maaaring makatulong para tuluyang makaalis sa toxic relationship. Dahil mas naiproproseso mo ang iyong mga nararamdaman at pinagdadaanan.
Ang isang magaling na therapist ay pwedeng makatulong sa iyo na makayanan, muling buuin ang iyong pakiramdam ng pagpapahalaga sa sarili, at tugunan ang anumang safety issues. Malaki ang maaari nilang maging ambag para magabayan ka at makabangon muli.