Kung ang iyong anak ay may Asperger’s syndrome, maaaring mahirapan siyang makihalubilo at bumuo ng relasyon sa iba pang mga bata. Paano tulungan ang batang may Asperger’s na magkaroon ng kaibigan?
Ang Asperger’s syndrome ay kinilala noong bilang isang kondisyong may sariling diagnosis. Sa kasalukuyan, ito ay itinuturing na bahagi ng autism spectrum disorder (ASD). Gayunpaman, maraming tao ang tinutukoy ito bilang “Asperger’s”. Ang kondisyong ito ay isang debelopmental na sakit na kadalasang nagreresulta sa mga problema sa pakikipag-ugnayan at pag-uugali.
Karamihan sa mga taong na-diagnose na may ganitong kondisyon ay kadalasang may mataas na lebel ng katalinuhan o walang problema o delays sa pagsasalita. Gayunpaman, maaaring may mga alalahanin sa kanilang pag-uugali at paraan ng kanilang pagsasalita at pagkatuto. At sa kaso ng mga bata, maging ang paglalaro nang mag-isa o nang kasama ang ibang mga bata ay alalahanin din.
Paano Tulungan Ang Batang May Asperger’s Na Magkaroon Ng Kaibigan: Mga Senyales Ng Asperger’s
Ang Asperger’s ay maaaring mapansin sa napakamurang edad ng mga tao. Maraming senyales ang maaaring makapagsabi na ang iyong anak ay may ganitong kondisyon. Kabilang na rito ang mga sumusunod:
- Pagkahumaling sa iisang hilig
- Hindi pag-adapt nang mabuti sa mga pagbabago
- Kawalan ng kakayahang mapansin ang social cues sa tuwing nakikipaglaro o nakikipag-usap sa iba
- Pag-iwas sa pagtingin sa mata ng iba
Ang konsepto ng abstrak na pag-iisip, maging ang pagpapanggap na paglalaro ay maaaring hindi magustuhan ng mga batang may Asperger’s. Maaari ding silang magkaroon ng problema sa pisikal na kontak tulad ng pagbuhat, pagyakap, o maging simpleng paghawak. Posible ring magkaroon sila ng kakaibang reaksyon sa mga bagay na kanilang naririnig, naamoy, o maging nalalasahan. Maaaring hindi ito mapansin sa una subalit sa paglipas ng panahon, magiging mas kapansin-pansin ito.
Paano Tulungan Ang Batang May Asperger’s Na Magkaroon Ng Kaibigan: Kahalagahan Ng Pagtulong
Isa sa mga pinakamahahalagang bagay na maaaring magkaroon ang mga bata sa kanilang buhay ay hindi lamang ang kanilang mga magulang, tirahan, o pagmamahal. Kabilang din dito ang kanilang mga kaibigan habang sila ay lumalaki. Nakatutulong ang mga kaibigan upang magkaroon sila ng sariling opinyon at lalo pang silang madebelop bilang mga tao. Gayundin, ang pagkakaroon ng mga kaibigan ay nakatutulong sa kagalingang panlipunan at pang-emosyonal ng isang bata. Maaari din itong makapagpabuti sa kanilang pagpapahalaga sa sarili at sa kanilang kumpiyansa.
Habang nadedebelop ang mga bata, maaari nilang matutuhan ang social cues at ang pagkontrol sa kanilang sariling mga emosyon. Nakapagpapalago ito sa kanilang emosyonal na kaalaman, at nakatutulong upang makatugon sila nang mabuti sa ibang tao, lalo na sa aspeto ng damdamin, kooperasyon, at pagbibigay-solusyon sa mga problema. Ang mga batang may Asperger’s ay lubhang nahihirapan sa aspetong ito. Kaya naman mahalagang tulungan sila kung kinakailangan sa lalong madaling panahon.
Paano Tulungan ang Batang may Asperger’s Na Magkaroon Ng Kaibigan
Hindi mo maaaring pilitin ang ibang bata na makipagkaibigan sa iyong anak. Gayunpaman, maaari mong tulungan ang iyong anak sa kanyang pagdebelop sa mga paraang makapagpapalago ng kanyang mga kakayahan. Maraming mga oportunidad upang magkaroon ng mga kaibigan ang iyong anak, lalo na kung lantad siya sa publiko tulad ng paaralan at palaruan. Pinakamainam na ihanda ang iyong anak na may Asperger’s na tuklasin ang buhay sa kanyang sariling paraan.
Narito ang ilang bagay na maaari mong gawin upang matulungan ang iyong anak:
1. Obserbahan ang iyong anak at alamin ang kanilang mga gusto
Kapag nalaman mo ang mga bagay na gusto ng iyong anak, maaari kang makahanap ng ibang mga bata na may parehong hilig nang sa kanya. Maaari mo siyang isali sa club o grupo na nakatuon sa kanyang interes, o maghanap ng grupo ng mga bata na maaaring makausap ng iyong anak.
2. Hayaang makakilala ng mga kaibigan ang iyong anak sa pampubliko, kid-friendly na lugar
Kabilang dito ang mga palaruan o maging ang mga bata sa paaralan. Ang pag-imbita sa kanila sa inyong bahay upang makipaglaro sa iyong anak ay lubhang makatutulong. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ang iyong anak karanasan sa pakikihalubilo. Mas makatutulong kung ang magiging kalaro ng iyong anak ay may katulad na hilig sa kanya. Ibig sabihin, maaari silang magsaya sa ilang mga gawain kabilang na ang paglalaro ng parehong mga laruan.
3. Propesyunal na tulong
Maraming propesyunal na resources ang maaaring hingian ng tulong na maaaring magbigay suporta sa iyo at sa iyong anak. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Social skills therapy
- Speech therapy
- Occupational therapy
- Physical therapy
- Cognitive behavior therapy
Key Takeaways
Huwag isantabi ang anomang alalahaning tungkol sa iyong anak. Bilang magulang, suportahan at tulungan ang iyong anak upang magkaroon siya ng mga pinakamamagandang karanasan sa buhay.
Paano tulungan ang batang may Asperger’s na magkaroon ng kaibigan? Makatutulong ang pagsasagawa ng obserbasyon sa hilig ng iyong anak at ang pagtulong sa kanya na makakilala ng ibang bata na may kapareho niyang interes. Ang mga uri ng therapy tulad ng social skills, speech, at occupational therapy ay maaari ding makatulong sa iyong anak.
Matuto pa tungkol sa Developmental Disorders dito.