backup og meta

Ano ang Nangyayari sa Rehab: Heto Ang mga Dapat Mong Asahan

Ano ang Nangyayari sa Rehab: Heto Ang mga Dapat Mong Asahan

Sinasabi nila na ang unang hakbang sa paggaling ay ang tanggaping may problema. Para sa ilang sitwasyon sa may addiction, nakakatakot ang magpunta sa rehab. Ang pag-unawa sa kung ano ang nangyayari sa rehab ay makapagpapadali ng mga bagay. Kung pinaplano mo o ng mahal mo sa buhay na pumasok sa rehab, magpatuloy ng pagbabasa upang malaman pa ang mga dapat asahan.

Mga Requirement para sa Rehab sa Pilipinas

Ang paggamit ng droga at adiksyon ay isang seryosong problema. Batay sa estadistika noong 2019 mula sa Dangerous Drugs Board (DDB), may naiulat na lagpas 5,000 pumasok sa mga rehab facility. 

Gayunpaman, hindi lang basta-basta ang pumasok sa rehab. Una, kailangang mag-apply. Ang isang gumagamit ng droga o dependent ay kailangang makipagkita sa isang accredited na doktor. Kung hindi man, pinapayagan ang referral form mula sa legal division ng DDB. 

Ang susunod na hakbang ay kumuha ng police clearance. Wala dapat nakabinbin na mga kaso mula sa korte.

Kapag naaprubahan ang aplikasyon, isasagawa ang drug dependency exam ng isang accredited na doktor na may appointment. Saka ipoproseso ng DDB ang petisyon. Ang paglalabas ng petisyon ay maaaring sa aplikante o sa awtorisadong kinatawan. 

Ano ang Nangyayari sa Rehab?

Sa Pilipinas, gumagamit ang mga drug rehabilitation center ng iba’t ibang paraan ng gamutan. Ilan sa mga ito ang:

  • Multidisciplinary team approach
  • Therapeutic community approach
  • Minnesota model
  • Spiritual approach

Hindi one-size-fits-all ang gamutan sa adiksyon. Kaya’t mahalaga ang pagpili ng tamang center upang gumaling.

Behavioral at Cognitive Treatments

Ang adiksyon ay isang disorder na nagpapabago sa normal na ikinikilos ng isang tao at proseso ng pag-iisip. Ang adiksyon sa droga, mga gawain tulad ng pakikipagtalik, pagsusugal, at paglalaro ay nangyayari dahil nakaprograma ang utak na “kailangan” ang mga bagay na ito. Nangyayari ito dahil ang magkakaibang gamot ay nag-a-activate ng reward system ng utak na nagpoprodyus ng pakiramdam na kalugod-lugod o euphoria. Kilala ito bilang pagiging “high”.

Upang magamot ang adiksyon, sinusubukan na alisin ng mga eksperto ang mga unhealthy obsession. Una, mahalaga ang masinsinang physical at psychological examination. Matutulungan nito ang mga medical at social worker na maunawaan kung paano nagkaroon ng adiksyon at kung gaano na ito kalala.

Regular na isinasagawa ng psychiatrist at psychologist ang psychological therapy at counseling. Madalas na ginagawa nang magkasama ang individual at group therapy upang mas maging maganda ang kalalabasan. 

Narito ang mga nagagawa ng behavioral therapy:

  • Ma-motivate ang mga taong makiisa sa gamutan
  • Magbigay ng mga coping strategies
  • Mabawasan ang pananabik
  • Magturo ng mga pamamaraan sa pag-iwas
  • Mapabuti ang komunikasyon
  • Maibalik ang mga relasyon at social skills

12-step Programs

Ang 12-step program ay unang pinasikat ng Alcoholics Anonymous upang gamutin ang adiksyon sa alkohol. Mula noon, ang mga elemento ng gamutang ito ay ginagamit na rin upang gamutin ang iba pang uri ng adiksyon.

Ito ang outline ng tipikal na 12-step addiction therapy:

  1. Amining hindi mo na kontrolado ang adiksyon.
  2. Maniwalang may higit na nakatataas (hal. Panginoon) na makakatulong.
  3. Isuko sa higit na nakatataas ang kontrol.
  4. Gumawa ng personal inventory.
  5. Aminin o ipagtapat ang mga maling nagawa.
  6. Ihanda ang sarili sa pagtatama.
  7. Hayaan ang higit na nakatataas na itama ang iyong mga pagkukulang.
  8. Gumawa ng listahan ng mga bagay na nagawa mong mali sa iba at magbago.
  9. Muling makipag-ugnayan sa mga taong nasaktan mo, liban kung magdudulot lang ito ng kapahamakan.
  10. Ituloy ang paggawa ng personal inventory at aminin ang mga maling nagawa.
  11. Regular na magdasal at mag-meditate. 
  12. Gamitin ang iyong kaalaman upang turuan at gabayan ang iba pang nangangailangan.

Group therapy

Bilang karagdagan sa individual therapy, karaniwang approach na rin ang group therapy. Ang pakikisalamuha at pakikipag-usap sa iba ay nagbibigay ng sense of togetherness at understanding. Maaaring makaramdam ng lungkot ang mga pasyenteng nasa center na malayo sa kanilang bahay. Lalo pa’t tumatagal ng ilang buwan ang gamutan.

Gayunpaman, hindi para sa lahat ang group therapy. Sa ilang mga kaso, pwede pang makasama ang group session o makapagpatindi ng adiksyon. Ang mga minor de edad na may problema sa dependency at addiction ay higit na madaling madala ng peer pressure.

Isa pang approach ang Family Behavior Therapy (FBT). Kabilang sa FBT ang pasyente kasama ng isa o higit pang mga miyembro ng pamilya. Layunin nitong masolusyunan ang adiksyon at iba pang mga problema na maaaring dulot ng kapaligiran at kapwa. Dagdag pa, pinabubuti ng FBT ang relasyon ng pamilya at ng lugar kung saan siya nakatira upang ligtas na makabalik sa bahay ang pasyente. Higit na makapangyarihan ang pagsali ng pamilya lalo na para sa mga adolescent.

Spiritual enrichment

Maraming mga addiction treatment approach ang may religious at spiritual components. Karamihan sa mga paraan ng gamutang ito ay gumagamit ng katuruang Kristiyano. Sa pangkalahatan, ang adiksyon ay isang kasalanan o consequence ng kasalanan. Gayunpaman, batay sa katuruang Kristiyano, palaging option ang pagpapatawad.

Kahit ang mga pasyenteng hindi relihiyoso o hindi sumasamba ay maaaring magbenepisyo sa ganitong katuruan.  

Pharmacological Interventions

Nangyayari din ang pagde-detox sa rehab. Ang paggamit ng substance at dependency ay sanhi ng chemical imbalances sa katawan. Sa pag-aalis ng mga kemikal na ito at pag-neutralize ng masasamang epekto nito, maaari nang makapagsimulang gumaling ang katawan. 

Dagdag pa, ang withdrawal symptoms ay isa sa pinakamalaking hadlang upang matagumpay na maihinto ang substance abuse. Magkakaiba ang mga sintomas na ito depende sa tao at kung anong uri ng adiksyon meron sila. Karaniwan, mas matindi ang withdrawal sa unang linggo matapos huminto. Mahalaga ang psychological o social support sa mga panahong ito upang maiwasan ang maagang pagbabalik sa adiksyon.

Upang mabawasan ang withdrawal symptoms at mapabuti ang paggaling, maaaring magreseta ng gamot. Madalas, ang iba pang mental health issues ay sabay na lumilitaw bago o habang may adiksyon. Inirerekomenda rin ang paggamot sa kasabay na mental health issue. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng mga psychotherapy at iba pang paraan ng gamutan. 

Kung dati nang umiinom ng gamot ang pasyente bago pa pumasok sa rehab, dapat nila itong ituloy liban kung sinabi ng doktor na itigil na.

Key Takeaways

Sa kabuoan, nagbibigay ang artikulong ito ng maikling pagtanaw sa kung ano ang nangyayari sa rehab. Magkakaiba ang resulta at aktuwal na gamutan sa mga center. Para sa karagdagang impormasyon at gamutan, makipag-ugnayan sa isang doktor o sa local addiction rehabilitation center.

Matuto pa tungkol sa addiction dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Treatment and Rehabilitation https://www.ddb.gov.ph/sidebar/64-treatment-and-rehabilitation Accessed February 24, 2021

2019 Statistics https://www.ddb.gov.ph/research-statistics/statistics/45-research-and-statistics/499-2019-statistics Accessed February 24, 2021

ATLAS of Substance Use Disorders https://www.who.int/substance_abuse/publications/ Accessed February 24, 2021

Principles of drug addiction treatment https://www.drugabuse.gov/sites/default/files/podat_1.pdf Accessed February 24, 2021

12 Step Programs for Drug Rehab and Alcohol Treatment https://americanaddictioncenters.org/rehab-guide/12-step Accessed February 24, 2021

Kasalukuyang Version

09/11/2024

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyu ng Eksperto Jessica Espanto, LPT, MA, RPsy

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Paano Makakaiwas sa Compulsive Buying o Overspending?

Ano Ang Dapat Gawin Kapag Addict Sa Phone Ang Asawa?


Narebyu ng Eksperto

Jessica Espanto, LPT, MA, RPsy

Psychology · In Touch Community Services


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement