Madalas ba kayong mag-away ng iyong asawa dahil sa cellphone? ‘Yung tipong mula umaga hanggang gabi ay walang humpay sa paggamit ng phone ang iyong asawa. Kung ganito ang iyong karelasyon maaaring may pinagkakaabalahan, itinatago, o mayroon na s’yang phone addiction — isang adiksyon na mahirap gamutin pero madaling makita.
Kapag addict sa phone ang asawa, makikitaan mo siya ng iba’t ibang sintomas. Narito ang mga sumusunod na palatandaan na addict sa phone ang asawa.
12 Sintomas Ng Phone Addiction
Ang phone addiction ay ang labis na paggamit ng isang cellphone. Kung saan ayon sa mga eksperto ang behavioral addiction ay madalas na tinatawag na “nomophobia,” o ang takot na wala o mawalan ng mobile device. Maaaring makita ang phone addiction ng asawa sa pamamagitan ng mga sumusunod na palatandaan:
- Ang iyong asawa ay gumugugol ng mas maraming oras sa pagte-text, o paggamit ng social media sa halip na bigyang-pansin ka.
- Sinusuri at tinitingnan agad ang cellphone bilang unang gawain pagkagising
- Paggamit ng cellphone tuwing may libreng oras.
- Paggamit ng cellphone habang nagmamaneho.
- Nakakaramdam ng stress o pagkabalisa ang iyong karelasyon sa tuwing ang cellphone ay wala sa kanyang paningin o hindi niya hawak
- Laging dala-dala ang cellphone kahit saan magpunta
- Nakakaramdam ang karelasyon ng vibrations kahit walang tawag o mensahe.
- Ginugugol ang mas maraming oras sa paggamit ng cellphone kaysa sa paggawa ng mas makabuluhang bagay
- Pag-text o paggamit ng cellphone habang kumakain
- Hindi makapag-concentrate sa trabaho niya dahil sa cellphone
- Maraming beses na nabigo na bawasan ang paggamit ng cellphone
- Nagdurusa mula sa insomnia at mga karamdaman sa pagtulog dahil sa cellphone
Sa oras na mapansin ang alinman sa mga sintomas ng adiksyon sa paggamit ng cellphone ng iyong asawa, mainam na kausapin ito para magkaroon din siya ng kamalayan na sobra na ang kanyang paggamit. Pwede rin na hikayatin siya na magpakonsulta sa doktor para makumpirma ang adiksyon at mabigyan ng angkop na treatment kung kinakailangan.
Paano Nakakasira Ng Relasyon Ang Pagiging Addict Sa Phone Ng Asawa?
Ang pagkaadik sa paggamit ng phone dahil sa games, social networking, dating app, pagte-text, at iba pa ay maaaring umabot sa punto na nagiging mas mahalaga ito kumpara sa karelasyon. Mas binibigyan nila ng pokus ang paggamit ng cellphone kaya nawawalan sila ng oras sa asawa. Ang hindi nila pagpansin sa asawa ay karaniwan na nauuwi sa pagtatalo at pagkakaroon ng malalim na hidwaan. Pwede rin maging sanhi ang labis na paggamit ng cellphone ng mga paghihinala o pagdududa sa karelasyon.
Ano Ang Dapat Gawin Kapag Addict Sa Phone Ang Asawa?
Ngayon na alam mo na bilang asawa ang mga sintomas ng pagkaadik sa cellphone ng karelasyon, narito naman ang 3 tips sa kung paano mo pwede matulungan ang iyong asawa na masolusyunan ang adiksyon.
Open Communication
Mahalaga sa isang relasyon na magkaroon ng bukas na saloobin at pakikipag-usap sa kapareha. Nakakatulong ito para matukoy ang problema at masolusyunan ito nang maayos at matagumpay.
Kaya ang pakikipag-usap sa partner tungkol sa labis na paggamit ng cellphone ay maaaring makatulong upang matauhan siya sa kanyang ginagawa — at magsilbi kang wake-up call. Pero tandaan hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagiging epektibo ang open communication lalo na kung nagiging agresibo na ang iyong kapareha kapag kinakausap tungkol sa cellphone.
Magtakda Ng Angkop Na Oras Sa Paggamit Ng Cellphone
Para madisiplina ang sinuman sa iyong tahanan sa paggamit ng cellphone, maganda na magtakda kayo ng angkop na oras kung kailan ito dapat lamang gamitin. Halimbawa, sa oras ng pagkain ay walang magse-cellphone upang ma-enjoy ninyo ng sama-sama ang pagkain ng sabay-sabay.
Huwag mo ring kakalimutan na dapat mo ring sundin ang alituntunin upang hindi maramdaman ng iyong asawa na siya ay dinidiskrimina na maaaring mag-udyok sa kanya na huwag pansinin ito o sundin.
Alamin Ang Dahilan Bakit Naadik Sa Paggamit Ng Phone Ang Asawa
Iba-iba ang rason bakit naaadik ang isang tao sa isang bagay, kaya naman bilang asawa mahalaga na malaman mo ang dahilan kung bakit nagkaroon ng adiksyon ang iyong karelasyon. Sapagkat sa pag-alam ng mga dahilan ng pagkaadik, makakatulong ito upang magamot ang pinaka-ugat ng problema. Maaari kasi na ang sanhi ng adiksyon ay nagmumula sa problema ninyong mag-asawa kaya mahalaga na maresolbahan ito.
May iba ka pa bang tips na maaaring i-share? Alamin ang higit pa tungkol sa mental health dito.