Ang vetsin, Monosodium glutamate, o MSG ay isa sa pinakasikat na pampalasa sa Pilipinas. At kahit ito ay nauugnay sa Chinese food, hindi ito nagmula sa China. Nadiskubre ito noong 1908 ni Kikunae Ikeda sa pagsisikap niyang makopya ang masarap na lasa ng kombu. Ang seaweed na ito ay ginagamit sa sopas ng mga Hapon.
Halos lahat ng komersyal na pagkain sa merkado o sa mga groceries ay may sangkap na MSG. Umami ang tawag nila sa espesyal na aroma na binibigay ng MSG. Nagsimulang magustuhan ito ng mga Amerikano noong dumami ang mga Chinese restaurants sa Amerika. Sa kabila ng popularidad nito, naging sentro ito ng kontrobersya sa buong mundo. Bakit nga ba?
Ang vetsin hoax
Nagsimulang magkaroon ng masamang reputasyon ang MSG pagkatapos mailathala ang isang sulat sa New England Journal of Medicine. Ito ay may pamagat na Chinese restaurant syndrome, kung saan inuugnay ang iba’t-ibang sintomas sa pagkain sa Chinese restaurant. Ang ilan sa mga sintomas na ito ay ang mga sumusunod:
- Panghihina ng katawan
- Palpitations
- Pamamanhid sa likod ng leeg
Ayon sa sulat na nilagdaan ng isang “Robert Ho Man Kwok, MD”, maaaring ang mga sintomas ay sanhi ng mataas na sodium content ng mga pagkain. Sinabi rin niya na maaaring ito ay sanhi ng monosodium glutamate na malawakang ginagamit sa Chinese restaurants. Ang katotohanan, ito ay isang medical hoax na resulta lamang ng isang pustahan.
Ano ang nasa vetsin
Ang MSG ay kadalasang idinaragdag sa mga pagkain sa restaurant at iba pang komersyal na produkto. Ito ay gawa sa glutamate, isang anyo ng glutamic acid o isang amino acid na likas sa maraming pagkain. Ang katawan ng tao ay gumagawa rin ng glutamate at mahalaga sa pag-aaral at memorya.
Ang katakam-takam na umami flavor ng paborito mong fried chicken ay galing sa MSG. Bagama’t natural itong nasa mga kamatis, keso at iba pang pagkain, karaniwang idinagdag din ang MSG sa mga processed foods tulad ng:
- Canned vegetables.
- Sawsawan gaya ng ketchup, mustard
- Salad dressings
- Deli meats
- Potato chips
- Sopas
- Toyo
Ang mga pagkain na may Umami ay nagpapataas ng produksyon ng laway, maging sa literal na kahulugan. Nagpapasarap ito sa panlasa ng pagkain. Bagama’t ang MSG ay nagdadagdag ng maalat na lasa sa mga pagkain, mas kaunti ang taglay nitong sodium kumpara sa asin.
MSG symptom complex
Ang maling impormasyon laban sa MSG ay nagdulot ng iba’t-ibang haka-haka laban dito gaya ng MSG symptom complex. Inuugnay nito ang pagkonsumo ng pagkain na may vetsin sa MSG attack at sa mga sintomas gaya ng:
- Pagka-antok
- Sakit sa ulo
- Pagpapawis
- Pamamanhid
- Tingling sensation
- Pamumula
- Palpitations
- Pagduduwal
Maraming ulat tungkol sa mga sintomas na dulot ng pagkonsumo ng pagkain na may MSG ngunit limitado ang siyentipikong pananaliksik dito. Bilang resulta, nananatiling kontrobersyal ang paggamit ng MSG. Nauso din ang mga restaurant na naglalagay ng karatula na nagsasabing di sila gumagamit nito sa kanilang mga pagkain.
Ligtas ba ang vetsin?
Hanggang sa ngayon wala pa ring malinaw na ebidensya na may kaugnayan nga ang vetsin sa mga sintomas na ito. Gayunpaman, inaamin ng mga mananaliksik na may mga taong mayroong panandaliang reaksyon sa MSG. Kung meron mang mga sintomas, ito ay banayad at di kailangang gamutin.
Ang mga hindi magandang reaksyon na ito pagkatapos kumain ng MSG ay tinawag na MSG symptom complex. Ang tanging paraan upang maiwasan ito ay ang hindi pagkonsumo ng mga pagkaing may vetsin.
Kinilala ng United States Food and Drug Administration (FDA) na karaniwang ligtas ang MSG. Sinabi nito na ang mga sintomas ay karaniwang nangyayari kapag sobra sa tatlong gramo ng MSG ang nakonsumo ng di kasama ang pagkain. Ito ay halos imposible dahil karaniwang kinakain lang ito bilang sangkap ng pagkain at di sosobra sa 0.5 na gramo.
Ngunit gayon pa man, kinakailangan na nakalista sa label kung may idinagdag na vetsin sa pagkain.
[embed-health-tool-bmi]