Tahimik kang gumagawa ng mga gawain sa bahay nang bigla mong mapansin na mayroon kang purplish patch sa iyong braso. Ngunit, kataka-taka ito para sa iyo dahil hindi mo naman naalala ang iyong sarili tumama kung saan. Dahil dito, napagtanto mo na mas madaling magpasa ang iyong balat kumpara sa ibang tao, kung kaya ikaw ay nababahala na ngayon. Ano ang nagiging sanhi ng madaling pagpasa ng balat, at kailan ka dapat humingi ng medikal na tulong para dito? Alamin ang kasagutan dito.
Paano Nagkakaroon ng Pasa?
Bago natin talakayin ang dahilan kung bakit madaling magpasa ang ilan, atin munang alamin kung ano nga ba ang pasa.
Ang pasa ay isang patch sa balat na nangyayari kapag pumutok ang maliliit na daluyan ng dugo. Dahil dito, tumatagas ang dugo sa mga blood vessels na ito papunta sa mga tissue sa ilalim ng balat, na nagreresulta sa discoloration na maaaring mukhang namamaga sa simula at may malambot na pakiramdam.
Ang mga taong may fair complexion ay kadalasang nagkakaroon ng mga purplish o bluish patches. Sa kabilang banda, ang mga mayroong mas maitim na kutis ay may posibilidad na magkaroon ng itim, kayumanggi, o dark purple na mga pasa.
Dapat tandaan na ang mga pasa ay karaniwang nangyayari pagkatapos ng isang pinsala o trauma, ngunit ang ilang mga tao ay mas malamang na masugatan kaysa sa iba.
Halimbawa: mas madaling magpasa ang mga nakatatanda dahil mas mahina ang kanilang mga daluyan ng dugo at mas manipis na ang kanilang balat. Bilang karagdagan, maaari ring madaling magpasa ang ilan sa mga miyembro ng pamilya, dahilan para ikaw din ay makaranas nito.
Ano ang Sanhi ng Madaling Pagkakaroon ng Pasa?
Ngayon, paano kung medyo bata ka pa pero parang ang dali mong magkaroon ng pasa? Ano ang sanhi ng iyong mga pasa?
Sinasabi ng mga ulat na may ilang posibleng dahilan sa likod ng madaling pagpasa. Ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod.
Ilang mga gamot
Maaaring mabiling magpasa at magdugo ang mga taong nainom ng mga gamot na nagpapanipis ng dugo. Ilan sa mga halimbawa ng naturang gamot ang aspirin at warfarin.
Mayroon ding ilang mga halamang gamot at antidepressant na maaaring magpataas ng panganib ng pagdurugo at pasa ng isang tao.
Kung umiinom ka ng ilang mga gamot, mainam na tanungin ang iyong doktor kung maaari itong maging sanhi ng iyong mga pasa, para mapag-usapan niyo rin ang mga alternatibo o iba pang interbensyon.
Labis na pagkonsumo ng alak at pagkakaroon ng sakit sa atay
Kung ikaw ay isang malakas na manginginom, ang iyong atay ay maaaring magkaroon ng ilang pinsala na humahantong sa madaling pagpasa at pagdurugo.
Ito ay marahil ang atay ang siyang gumagawa ng mga protina na tumutulong sa pamumuo ng dugo (blood clotting), o isang proseso kung saan ang mga blood cells ay magkakasama upang maiwasan ang labis na pagdurugo. Ang lumalalang sakit sa atay ay maaaring mag-udyok sa organ na huminto sa paggawa ng mga protina, dahilan naman para umabot sa mas mataas na panganib ng pagdurugo at pasa.
Kakulangan sa bitamina
Minsan, ang vitamin deficiency ay maaaring maging sanhi kung bakit madaling magpasa ang isang tao.
Halimbawa, ang mga taong may vitamin C deficiency ay maaaring magkaroon ng scurvy. Ito ay tumutukoy sa sakit na nagdudulot ng pagdurugo ng gilagid, madaling pagkakaroon ng pasa, at mga sugat na hindi naghihilom. Gayundin, ang isang matinding kakulangan sa vitamin K ay maaari ring dahilan ng bihirang pamumuo ng dugo, na nagreresulta sa pagtaas ng posibilidad na magkaroon ng pasa at pagdurugo.
Sa wakas, ang mga taong may iron deficiency anemia ay maaari ring magkaroon ng mga pasa.
Kung pinaghihinalaan mo ang ilan sa mga vitamin deficiency na ito, kausapin ang iyong doktor upang maayos niyang masuri ang iyong kondisyon at magrekomenda ng mga naaangkop na supplement kung kinakailangan.
Iba pang dahilan bakit madaling magpasa
Bukod sa edad, family history, ilang mga gamot, sakit sa atay, at mga vitamin deficiency, mayroong iba pang pinagbabatayang mga kondisyon na nagdudulot ng madaling pagkakaroon ng pasa.
Halimbawa, ang mga kanser na nakakaapekto sa dugo at bone marrow, tulad ng leukemia, ay maaaring humantong sa pagtaas ng pasa. Gayundin, ang vasculitis, isang kondisyon kung saan namamaga ang mga daluyan ng dugo ay maaari ring magresulta sa mga pasa.
Upang maging ganap na sigurado tungkol sa iyong kondisyon, pinakamahusay na makipag-usap sa iyong doktor.
Madaling Magpasa? Kailan Ka Dapat Humingi ng Medikal na Tulong?
Bago ka mag-panic sa katotohanang tila mas madali kang magpasa kaysa sa ibang tao, suriin muna ang sitwasyon.
Ayon sa mga eksperto, maaari kang magkaroon ng problema sa pagkakaroon ng pasa o pagdurugo kapag ikaw ay:
- Mayroong mga malalaki at masasakit na pasa matapos ang mababaw na pinsala.
- Mayroong malaking pasa o madalas magkaroon ng isa ngunit hindi mawari ano ang sanhi nito.
- Nagdugo nang higit sa 10 minuto pagkatapos ng pinsala.
- Nakararanas ng 5 nosebleed sa isang taon.
- Mayroong mga miyembro ng pamilya na nakararanas din ng mga problema sa pagdurugo at pasa.
- Nakararanas ng regla na tumatagal ng higit sa 7 araw o mabibigat na regla na kailangan mong palitan ang iyong sanitary pad sa bawat 2 oras.
Kung naobserbahan mo ang ilang mga sintomas na nabanggit sa iyong sarili, magtakda na ng appointment sa iyong healthcare provider. Kumunsulta din sa doktor kung ang iyong mga pasa ay lumilitaw sa mga bahagi ng iyong katawan kung saan malamang na hindi mangyari ang mga pinsala o hindi nagpapakita ng mga senyales ng pagbuti pagkatapos ng isang linggo.
Alamin ang iba pa tungkol sa Sintomas dito.