backup og meta

Ano Ang Coolsculpting At Ligtas Ba Ito?

Ano Ang Coolsculpting At Ligtas Ba Ito?

Ano ang coolsculpting na itinuturing na dahilan ng modelong si Linda Evangelista sa pagkasira ng kanyang career? Noong 202i ay nag-post ang supermodel sa kanyang Instagram tungkol sa masamang epekto ng coolsculpting sa kanya. Sa halip na bawasan ang dami ng taba niya ay nagkaroon siya ng paradoxical adipose hyperplasia. Isa itong kondisyon kung saan ay lumalaki at tumitigas ang tissue sa ginagamot na lugar at nananatili sa ganoong paraan. Ayon sa kanya ay nauwi sa depression ang hangad niyang magpaganda ng katawan. Ngunit ano nga ba ang prosesong coolsculpting at ligtas ba ito?

Inaprubahan ng U.S. Food and Drug Administration ang coolsculpting noong 2010. Naging pang-apat na pinakasikat na non-invasive cosmetic procedure ito sa US noong 2019. Ngunit dahil nga sa mga ibinunyag na epekto ni Evangelista, maraming tao ang nabahala tungkol sa kaligtasan nito. Sinasabi ng mga eksperto na bagaman karaniwang mababa ang panganib ng coolsculpting, kailangan isaalang-alang ng pasyente ang epekto na ito.

Ano ang Coolsculpting at cryolipolysis?

Ang Coolsculpting ay brand name para sa isang fat-freezing na proseso. Ang layunin nito ay alisin ang matigas na taba sa ilang bahagi ng iyong katawan. Tinatawag ang pamamaraang ito na cryolipolysis. Ang mga siyentipiko ay nagkaroon ng ideya para sa cryolipolysis sa pamamagitan ng pag-aaral kung ano ang nangyayari sa taba sa panahon ng frostbite. Nakita nila na mas mas nagyeyelo ang taba kaysa sa balat kapag mababa ang temperatura. Pinapalamig ng cryolipolysis device ang iyong taba sa isang temperatura na sumisira dito. Hindi ito nagdudulot ng pinsala sa iyong balat at iba pang mga tissue. Sa loob lamang ng tatlong taon matapos inaprubahan ito ng FDA ay tumaas ng 823% ang mga paggamot gamit ang Coolsculpting. Bagaman maraming pag-aaral na naglalarawan ng pagiging epektibo nito, hindi ito laging gumagana para sa lahat.

Isa ba itong cosmetic surgery procedure?

Ang cryolipolysis ay hindi itinuturing naoperasyon at hindi ito gumagamit ng mga karayom. Gumagamit ito ng dalawang paddle na nilalagay sa magkabilang bahagi ng iyong katawan na gustong i-target ng iyong doktor. Mabilis na lumalamig ang mga paddle at iniiwan ito ng iyong doktor sa target na lugar sa loob ng mga 35 minuto hanggang 1 oras at 15 minuto. Sa panahong iyon, sinisira ng proseso ang humigit-kumulang 20% hanggang 25% ng mga fat cells sa lugar na naka-target.

Maaaring hindi mo kaagad mapansin ang resulta sa loob ng ilang buwan. Ngunit maaaring dahan-dahan kang magsimulang makakita ng ilang pagbabago. Inaalis ng iyong immune system ang mga patay na selula ng taba nang dahan-dahan sa panahong ito.

Ano ang ginagawa ng Coolsculpting?

Karamihan sa nagpapagawa ng coolsculpting ay papayatin ang sumusunod na bahagi ng kanilang katawan:

  • Mga hita
  • Lower back
  • Tiyan
  • Tagiliran

Isa rin sa inaasahang epekto ng Coolsculpting ay ang pagbawas ng itsura ng mga cellulite sa mga binti, puwit at braso. Ginagamit din ito ng ilang tao upang mabawasan ang labis na taba sa ilalim ng baba. Tumatagal ng humigit-kumulang isang oras upang gamutin ang bawat target na bahagi ng katawan. Ang paggamot sa mas maraming bahagi ng katawan ay nangangailangan ng mas maraming treatment para makakita ng mga resulta. Maaaring ding mangailangan ng mas maraming paggamot ang mas malalapad na parte ng katawan kaysa sa mas maliliit na bahagi nito.

Epektibo ba ang Coolsculpting?

Bagama’t sinasabi ng mga advertisements para sa Coolsculpting na ito ay 100% epektibo at ligtas, hindi ito pareho pagdating sa pangkalahatang populasyon. Ayon sa isang pag-aaral noong 2018, ang pamamaraan ay ligtas at epektibo sa pagbabawas ng fat layer at pagpapabuti ng body contouring. Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang partikular na pag-aaral na ito ay bahagyang pinondohan ng isang kumpanya na gumagawa ng mga produkto na ginagamit sa Coolsculpting. 

May isang pagsusuri noong 2014 na hindi pinondohan ng anumang mga kumpanya na nakikinabang sa prosesong ito. Sinabi nito na ang cryolipolysis ay medyo epektibo sa 86% ng mga tao na kalahok sa iba’t ibang pag-aaral. Gayunpaman, sinabi nito na ang pag-aaral ng contouring ng katawan ay hindi ganoon kadaling isagawa. Dahil ito sa mataas na pagkakaiba-iba sa mga tuntunin ng mga kalahok at ang pagkawala ng taba. Hindi man 100% na epektibo ito ay maaari namang maging epektibo para sa pangkalahatang populasyon.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Coolsculpting

https://www.webmd.com/beauty/coolsculpting

Does coolsculpting work

https://www.healthline.com/health/coolsculpting-does-it-work#:~:text=How%20long%20do%20results%20last,the%20treated%20area%20or%20areas.

Is coolsculpting effective

https://www.health.harvard.edu/skin-and-hair/is-coolsculpting-effective

What to know about coolsculpting

https://www.medicalnewstoday.com/articles/322060

Fat Freezing-cryolipolysis

https://my.clevelandclinic.org/health/treatments/21060-fat-freezing-cryolipolysis

Cryolipolysis

https://www.plasticsurgery.org/cosmetic-procedures/nonsurgical-fat-reduction/cryolipolysis#:~:text=What%20is%20cryolipolysis%3F,structures%20are%20spared%20from%20injury.

 

Kasalukuyang Version

06/27/2023

Isinulat ni Lovely Carillo

Sinuri ang mga impormasyon ni Lorraine Bunag, R.N.

In-update ni: Lorraine Bunag, R.N.


Mga Kaugnay na Post

Paano Ginagawa ang Angioplasty Surgery? Narito ang Kailangan Mong Malaman

Ano ang Bone Marrow Transplant? Kailan Ko Ito Kailangan?


Sinuri ang mga impormasyon ni

Lorraine Bunag, R.N.


Isinulat ni Lovely Carillo · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement