Naranasan mo na bang halos masuka-suka ka dahil sa mga work-related stress at sobrang pagtatrabaho? Kung “oo,” huwag kang mag-alaala sapagkat hindi lamang ikaw ang may ganitong experiences. Sa katunayan, lumabas sa Gallup Poll na ang mga Filipino workers ang nakakaranas ng pinakamatinding stress sa Asya. Ngunit ano nga ba ang sanhi ng stress sa trabaho ng mga Pilipino, at paano nga ba ito dapat na harapin?
Alamin ang sagot sa artikulong ito.
Gaano Karaming Filipino Workers Ang Stressed?
Ayon sa datos na ibinahagi ni Kurt Dela Pena sa kanyang artikulong isinulat, ang mga empleyado sa buong mundo ay naglalaan ng 81, 396 na oras ng kanilang buhay sa trabaho, at lumalabas na ang Pilipinas ang nakakuha ng pinakamataas na level ng stress sa Southeast Asia noong 2021.
Dagdag pa rito, isiniwalat ng Gallup sa “State of the Global Workplace: 2022 Report,” na ang stress level ng mga manggagawa sa buong mundo ay laging umaabot sa mataas na antas.
At batay na rin sa datos na matatagpuan sa artikulo ni Kurt Dela Pena, makikita na mula sa 68,000 workers sa mahigit 140 na bansa, at kalahati ng 1,000 Pilipinong nasa 15 taong gulang pataas ang nagsabi na nakakaranas sila ng stress sa halos buong araw. Ang 50% porsyento na nakuha mula sa sarbey na ito ang lalo pang nagpakita na ang stress ng Filipino workers ang pinakamataas sa Southeast Asia noong 2021.
Sanhi Ng Stress Sa Trabaho
Para maiwasan ang stress sa working place at sa mismong trabaho, maganda kung ating malalaman ang mga dahilan ng ating stress sa trabaho. Narito ang listahan ng mga sanhi ng stress sa trabaho mula sa iba’t ibang artikulo at pag-aaral:
- Trauma
- Kawalan ng suporta mula sa ka-trabaho at sa management
- Hindi magandang management at practices ng kompanya at mga taong kasapi
- Kultura ng organisasyon
- Role conflict sa trabaho at ka-trabaho
- Relasyon sa ka-trabaho
- Job content at mga hinihinging demands
- Pagpapalit ng management
- Physical work environment
- Mahabang oras ng pagtatrabaho
- Pagkakaroon ng masikip o hectic schedule
- Mabigat ng workload
- Pagkakaroon ng inggitan sa trabaho
- Kawalan ng authority
- Pagiging boring ng trabaho
- Pagkakaroon ng diskriminasyon at harassment
- Kaunting oportunidad at hindi pantay na pagbibigay ng promotion
- Kawalan ng kagamitan
- Over-supervision
- Kulang na skills para sa trabaho
- Pagkakaroon ng crisis incidents sa workplace
Lahat ng mga nabanggit na sanhi ng stress sa trabaho sa itaas ay pwedeng maging dahilan ng iba’t ibang problema sa kalusugan gaya ng depresyon. Mayroon ding mga pagkakataon na dahil sa stress ng trabaho ay nagagawang magpakamatay ng isang tao, sapagkat hindi na niya makayanan ang pressure na nakukuha mula sa working place. Sa mga malalang kaso, pwedeng irekomenda sa’yo ng doktor ang pagre-resign sa iyong trabaho–lalo na kung nagiging banta na sa’yong overall health ang stress. Kaugnay nito, dito pumapasok ang kahalagahan ng pag-alam sa mga sintomas ng work-related stress, para maiwasan ang mga senaryo ng pagpapakamatay at depresyon.
Sintomas Ng Work-Related Stress
Ang mga sintomas ng stress sa trabaho ay maaaring maging pisikal, sikolohikal at behavioural.
Narito ang mga sintomas sa pisikal na dapat mong malaman:
- Pagsakit ng ulo
- Hirap sa pagtulog
- Pagkakaroon ng muscular tension
- Pagkapagod o fatigue
- Dermatological disorders
- Gastrointestinal issue gaya ng diarrhea at constipation
Mga sintomas sa sikolohikal na dapat mong tandaan:
- Pagkabalisa
- Depresyon
- Kawalan ng lakas ng loob
- Pagiging iritable at negatibo
- Pakiramdam ng pagiging overwhelmed
- Pagkakaroon ng cognitive difficulties
Heto naman ang mga behavioural symptoms na dapat mong malaman:
- Madalas na pag-absent
- Pagiging agresibo
- Pagkawala ng pagkukusa at creativity
- Pagkakaroon ng interpersonal relationships
- Mood swings at pagiging iritable
- Mababang tolerance ng frustration
- Pagiging mababa ng pasensya
- Pagkukulong o isolation
- Kawalan ng interes
Paano Haharapin Ang Stress Sa Trabaho?
Ipinapayo ng mga doktor at eksperto na sa tuwing humaharap tayo sa problema at stress ng buhay, kinakailangan na matutunan natin na tulungan ang ating mga sarili. Kung ikaw ay nahihirapan na sa iyong trabaho, pwede kang makipag-usap sa mga ka-trabaho, kaibigan, at pamilya mo upang gumaan ang iyong nararamdaman. Maganda rin kung matutunan natin na magpahayag ng ating mga nararamdaman sa ating mga boss upang malaman nila ang ating mga hinaing at saloobin.
Bilang karagdagan na rin, tandaan na kapag nakakaranas ka na ng mga medikal na problema kaugnay ng stress, magpakonsulta na agad sa doktor para mabigyan ka ng tamang paggamot at payo. Hindi ka rin dapat mahiya sa paghingi ng tulong sa kanila dahil normal lamang na ipakonsulta ang mga ganitong bagay sa espesyalista.
Key Takeaways
Para maiwasan ang stress sa trabaho, maganda na i-assess muna ang sarili at kapasidad kung kaya mo ba ang environment at hamon na dala ng iyong trabaho. Anuman ang iyong magiging sagot sa mga katanungan at assessment na ito, tandaan na mananatili pa rin itong isang napakalaking bagay para maihanda ang sarili sa mga haharapin na pagsubok dahil sa trabaho. Maganda rin kung bibigyan mo rin ang iyong sarili ng pahinga upang maiwasan ang burn-out sa trabaho.
Matuto pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.