Kinumpirma ng Pop Star Idol na si Justine Bieber na mayroon siyang viral condition na tinatawag na Ramsay Hunt Syndrome. Ito’y sanhi ng parehong virus, varicella-zoster na nagdudulot ng bulutong at shingles. Batay na rin sa naging pahayag ng Pop Star Idol noong Biyernes, Hunyo 12 — ito ang dahilan ng pagiging paralisado ng kalahati ng kanyang mukha.
“It is from this virus that attacks the nerve in my ear and my facial nerves and has caused my face to have paralysis,” pahayag ni Bieber.
Sa pagkakaroon ng kondisyon ito, maaaring magdulot ito ng paghihina, facial droop o pagkaparalisa sa gilid ng mukha na inatake ng virus.
Isang rare neurological disorder ang Ramsay Hunt Syndrome. Ito ay nangyayari kapag ang varicella-zoster virus ay na-infect ang nerve sa ulo na malapit sa inner ear. Tulad ni Bieber, pwedeng magkaroon ng hearing loss sa bahagi ng apektadong mukha.
“As you can see, this eye is not blinking. I can’t smile on this side of my face. This nostril will not move,” pagdadagdag ng pop star idol.
Nagkakaroon din ng hirap sa pagsasara ng isang mata at paggawa ng facial expression ang mga taong mayroong ganitong kondisyon. Maaari rin na malaglag ang pagkain na kinakain ng mga indibidwal na mayroon nito, dahil pwede itong mahulog sa gilid ng mahinang bibig.
“It will go back to normal — it’s just time and we don’t know how much time, but it’s going to be OK. I hope you guys understand. And I’ll be using this time to just rest and relax and get back to 100%,” pahayag ni Bieber para sa kanyang fans.
Minabuti na ni Justine Bieber na ikansela ang kanyang upcoming tour dates para makapagpahinga — at ayon na rin sa kanya hindi pa s’ya physically capable na gawin ang lahat ng mga iyon.
Ano ba ang Ramsay Hunt Syndrome?
Kagaya ng nabanggit sa unang bahagi ng artikulong ito, ang kondisyong ito ay sanhi ng varicella zoster virus. Maaaring manatili ang virus na ito sa buong buhay ng isang tao kahit nakapag-recover na sa bulutong-tubig — at muling maging aktibo para iritahin at i-inflame ang mga nerve sa mukha.
“The nerves that go through your face go through pretty narrow, bony canals, and when they’re inflamed they swell and lose the ability to function,“ ayon na rin sa pahayag ni Dr. Anna Wald — isang infectious disease specialist sa University of Washington School of Medicine.
Ang syndrome na ito ay opisyal na kilala bilang herpes zoster oticus. Habang ang common name nito na “Ramsay Hunt Syndrome” ay mula sa neurologist na si James Ramsay Hunt na unang nakadiskubre ng kondisyong ito.
Dahilan ng kondisyong ito
Madalas nangyayari ang kondisyong ito sa mga taong nakaranas na ng bulutong-tubig o chickenpox. Dahil sa oras na gumaling ka sa kondisyong ito ang virus ay mananatili sa’yong katawan. Minsan nangyayari ang reactivating ng virus, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin tukoy kung bakit nangyayari.
Ano ang mga sintomas ng Ramsay Hunt Syndrome?
Narito ang 2 pangunahing sintomas ng kondisyong ito ayon sa Mayo Clinic:
- Pagkakaroon ng facial weakness o paralisis sa parehong bahagi ng apektadong tainga.
- Masakit na pulang pantal na may fluid-filled blister sa loob at paligid ng tainga.
Kung mapapansin, ang kondisyong ito ay may tulad na sintomas sa Bell’s palsy. Bukod pa rito, nangyayari ng sabay kadalasan ang rash at facial paralysis sa isang tao.
Dagdag pa rito, kapag kumpirmado na mayroong kang ganitong kondisyon pwede mo rin maranasan ang mga sumusunod:
- Pagkawala ng pandinig
- Pagsakit ng tainga
- Kahirapan sa pagsasara ng isang mata
- Mga tunog sa tainga (tinnitus)
- Pagkakaroon ng tuyong bibig at mata
- Pakiramdam ng pag-ikot o paggalaw (vertigo)
- Pagbabago sa taste perception o pagkawala ng panlasa
Pwedeng magkaroon nito ang kapwa babae at lalaki. Ngunit, mas madalas ito sa mga matatanda. Sinasabi na rare ang kondisyong ito sa mga bata — at ayon sa The New York Times, 5-10 sa bawat 100,000 katao ang maaaring makapagdebelop nito bawat taon.
Risk factors
Hindi nakakahawa ang kondisyong ito, subalit ang reactivation ng varicella-zoster virus ay pwedeng magdulot ng bulutong-tubig. Partikular sa mga taong hindi pa nagkakaroon nito at nabakunahan para dito. Sinasabi na ang impeksyon ay maaaring lumala sa mga taong may problema sa immune system. Bukod dito, nasa risk din ang mga bagong panganak na sanggol at mga buntis.
Mga komplikasyon
Ang kondisyong ito ay maaaring mauwi sa mga sumusunod na komplikasyon ayon sa Mayo Clinic:
- Pagkakaroon ng eye damage — Dahil sa facial weakness pwedeng maging mahirap ang pagsasara ng eyelid. Dahilan para masira ang cornea na nagproprotekta sa’yong mata. Kaugnay nito pwedeng maging sanhi nito ang mga sumusunod:
- Eye pain
- Blurred vision
- Permanenteng pagkawala ng pandinig at facial weakness
- Postherpetic neuralgia — Nagaganap ang painful condition na ito kapag ang impeksyon sa shingles ay nakakasira sa nerve fibers. Ang mga mensahe na ipinapadala ng nerve fibers ay nalilito at nagiging exaggerated o sobra na nagdudulot ng sakit. Kung saan, pwedeng tumagal ito hanggang sa pagkatapos mawala ng iba pang sintomas ng Ramsay Hunt Syndrome.
Paano ito maiiwasan?
Ang pagkakaroon ng bakuna laban sa bulutong-tubig ay makakatulong para maiwasan ang pagkakataon na magkaroon ng kondisyong ito. Recommended din na kumuha ng shingles vaccines ang mga indibidwal na nasa 50 years old o mas matanda pa.
Ano ang mga treatment sa kondisyong ito?
Pwedeng magrekomenda ang doktor ng treatment na consists ng steroids tulad ng prednisone para mabawasan ang pamamaga at pain medication. Maaari rin na irekomenda ang paggamit ng antiviral medicines, acyclovir o valacyclovir.
Key Takeaways
Sa oras na makaranas ng mga sintomas kaugnay sa Ramsay Hunt Syndrome. Agad na magpakonsulta sa doktor para sa diagnosis at agarang medikal na atensyon. Magpabakuna rin ng vaccine shingles para maiwasan ang pagkakaroon ng kondisyong ito. Dahil kapwa babae at lalake ang maaaring magkaroon nito, subalit bihira ito sa mga bata — at madalas sa mga matatandang edad.