Nagdeklara na ang World Health Organization (WHO) ng “public health emergency of international concern” para sa monkeypox outbreak, dahil sa patuloy na pagkalat nito sa iba’t ibang bansa. Kaya naman mas lalo pang pinag-igting ang border control measures ng Pilipinas bilang bahagi ng pagpigil sa pagkalat nito.
Gayunpaman, nagkaroon na ng unang kaso ng monkeypox sa Pilipinas at ayon kay Health Undersecretary at alternate spokesperson ng DOH na si Beverly Ho — ang 31 anyos na nagpositibo ay nagmula sa bansang may dokumentadong mga kaso ng monkeypox noong Hulyo 19, 2022.
Ang balitang ito ay nagbunga ng pangamba sa maraming mga Pilipino dahil sa takot na baka magkaroon sila ng virus. Kaya hindi na rin nakapagtataka kung napakaraming Pilipino ngayon ang nagtatanong tungkol sa mga komplikasyon ng pwedeng idulot ng virus — at ang ilan sa kanilang mga tanong ay kung nakakabulag ba ang monkeypox?
Bago natin sagutin ang tanong na ito, alamin muna natin kung paano kumakalat ang virus na ito.
Paano Nagaganap Ang Transmission Ng Monkeypox?
Sa ngayon wala pa ring kasiguraduhan sa natural history ng monkeypox virus. Kailangan pa ng maraming karagdagang pag-aaral upang malaman ang exact reservoirs nito — at paano napapanatili ang sirkulasyon ng virus sa kalikasan.
Ang monkeypox ay maaaring kumalat sa pamamagitan ng human-to-human at animal-to-human (zoonotic) transmission.
Sa zoonotic transmission, ito ang direct contact mula sa bodily fluids, o mucosal/cutaneous lesions at dugo ng mga infected na hayop. Kaya dapat mong iwasan ang pagkain ng hindi masyadong lutong mga karne, at iba pang products ng mga infected animal, dahil posibleng maging risk factors ito sa pagkakaroon ng virus.
Habang ang tao-sa-tao na pagkalat ay maaaring maganap sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng close contact mula sa taong na-infect ng monkeypox
- Taong na-infect ng virus at nagtataglay ng respiratory secretions
- Indibidwal na-infect ng monkeypox at nagtataglay ng skin lesions
Bukod sa mga nabanggit maaaring makuha ang monkeypox mula sa mga contaminated objects at sa mga droplet ng respiratory particles.