backup og meta

Monkeypox Virus: Ano Ito, At Mayroon Na Bang Kaso Sa Pilipinas?

Monkeypox Virus: Ano Ito, At Mayroon Na Bang Kaso Sa Pilipinas?

Ayon sa Health Secretary Francisco Duque III, mas tumitindi na ang border control measures ng Pilipinas dahil sa banta ng monkeypox virus. Sa kasalukuyan kumakalat na ito sa 12 bansa ang virus at kabilang dito ang mga bansa ng Africa, Europe, at United States. Kaugnay nito nagpatawag ng emergency meeting ang World Health Organization (WHO) para pag-usapan ang monkeypox.

Mayroon na ring higit 6,000 cases ng monkeypox na na-report mula sa 58 na bansa at ang 80% ng kaso ng monkeypox sa kasalukuyan ay mula sa Europe at may mga na-monitor na ring cases sa Canada, Israel at Australia.

Gayunpaman batay sa nakaraang meeting ng WHO noong Hunyo 27, nagdesisyon ang committee na ang paglaki ng outbreak na nakita sa African countries ay hindi pa health emergency. Habang ang UN agency naman ay magsasagawa ng meeting para sa pag-a-advice ng declaration ng outbreak ng monkeypox bilang global health emergency.

Dagdag pa rito, batay sa naging pahayag ni Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus patuloy na nakababahala ang scale at pagkalat ng virus sa iba’t ibang bahagi ng mundo, dahil sa kakulangan ng testing ng monkeypox. Kaugnay nito, masasabi na napakaraming unreported cases ng monkeypox na hindi naitatala.

Sa ngayon ang Pilipinas ay nagsasagawa na rin ng mga pagbabantay sa posibleng pagpasok ng virus sa bansa.

“We have instructed the BOQ (Bureau of Quarantine) to intensify its surveillance of passengers coming from countries with known cases of monkeypox — mainly from central and west Africa,” pahayag ni Duque mula sa GMA News Online.

Idinagdag din ni Duque na pinataas na rin ang symptom screening para sa mga papasok na pasahero (inbound passengers) bukod sa iba pang hakbang sa pagkontrol, dahil malaking banta ang virus sa buhay at kalusugan ng mga Pilipino. Lalo’t hindi pa ganap nakakabangon ang bansa sa epekto ng pandemya dulot ng COVID-19.

“‘Yung pagsasara ng borders or stricter border control, hindi pa yan dapat gawin sa ngayon, ano?” pahagayag ni Duque mula sa interbyu ng Balitanghali.

Ganito rin ang naging pahayag ni Dr. Ted Herbosa ang adviser ng National Task Force Against COVID-19 sapagkat hindi naman daw bagong sakit ang monkeypox.

Monkeypox Virus: May Kaso na ba sa Pilipinas?

“In the interest of protecting the general public from both diseases and misinformation, the DOH provides this advisory about the recent cases of monkeypox found in European countries, the United States, Canada, and the United Kingdom. To date, monkeypox has not been detected within the Philippines or at its borders,” pahayag ng DOH sa kanilang advisory.

Batay sa Department of Health kasalukuyang wala pang kasong naitatala sa Pilipinas noong Biyernes, Mayo 20, 2022.

Ano at saan nagmula ang monkeypox virus?

Ang monkeypox ay unang nadiskubre noong 1958, nang maganap ang 2 outbreaks ng pox-like disease sa grupo mga unggoy na ginagamit sa pag-aaral. Batay sa datos ang unang kaso ng monkeypox sa tao ay naitala noong 1970 sa Democratic Republic of the Congo (DRC).

Ayon pa sa World Health Organization (WHO) isa itong viral disease na mula sa hayop at pangunahing nagaganap sa tropical rainforest ng Central at West Africa.

May dalawang pangunahing clade o uri ang virus na ito:

  • Central African (Congo Basin) clade
  • West African clade

Sinasabi na ang Congo Basin clade ay dahilan ng mas matinding sakit, at mas nakakahawa o transmissible. Ang geographical division sa pagitan ng dalawang clades na ito ay makikita sa Cameroon, at ito ang mga natatanging bansa kung saan matatagpuan ang parehas na virus clades.

Ayon sa World Health Organization (WHO) mayroong ilang identified animals na susceptible na pwedeng pagmulan ng monkeypox virus. 

  • Rope squirrels
  • Tree squirrels
  • Gambian pouched rats
  • Dormice
  • Non-human primates at iba pang species

Sa kasalukuyan nananatili na walang katiyakan sa natural history ng monkeypox virus, at nangangailangan pa ito ng karagdagang pag-aaral para matukoy ang eksaktong (mga) reservoir — at kung paano pinapanatili ang sirkulasyon ng virus sa kalikasan.

Paano ito nakahahawa?

Kumakalat ang virus na ito sa pamamagitan ng animal-to-human (zoonotic), at human-to-human transmission.

Kapag sinabing zoonotic transmission, ito ang direct contact mula sa dugo, bodily fluids, o cutaneous/mucosal lesions ng infected animals. Posibleng maging risk factors ang pagkain ng hindi masyadong lutong karne, at iba pang produkto ng infected animals.

Habang ang human-to-human transmission ay pwedeng maganap mula sa close contact, at sa mga taong may respiratory secretions, skin lesions ng infected person — o mula sa recent contaminated objects. Maaari rin itong maganap via droplet respiratory particles na karaniwang nangangailangan ng prolonged face-to-face contact. Ito ang dahilan para malagay sa greater risk ng pagkakahawa ang miyembro ng pamilya at health workers.

Gayunpaman, ang pinakamahabang documented chain ng transmission sa isang komunidad ay tumaas sa mga nakalipas na taon, mula sa 6-9 na magkakasunod na impeksyon sa tao-sa-tao. Kaugnay nito, pwede itong maging salamin ng pagbaba ng kaligtasan sa lahat ng komunidad dahil sa pagtigil ng pagbabakuna sa bulutong. 

Ang transmission din ay pwede ring maganap via placenta hanggang sa fetus at pwede itong magresulta ng congenital monkeypox.

Pwede bang mailipat ang monkeypox virus via sex?

Bagamat isa sa kilalang risk factor ng transmission ang human-to-human hindi pa rin malinaw sa ngayon, kung maaari bang maipasa ang virus na ito sa pamamagitan ng sexual transmission routes. Kailangan pa ng pag-aaral upang maintindihan ang risk tungkol dito.

Ngunit, ayon sa balita ng News 5 may bagong mga kaso ng monkeypox na nakuha sa pakikipag-sex at ayon pa kay Dr. Ted Herbosa, ang mga kaso ng monkeypox sa labas ng Africa ay related sa sexual transmission [lalaki sa lalaki] at nakita na sila ang high risk group na pwedeng makakuha ng sakit na ito.

Sintomas ng monkeypox

Kinumpirma ng World Health Organization noong Mayo 20, 2022 na may 130 confirmed o suspected monkeypox case sa mga bansa. 

Ang incubation period ay kadalasang nasa 7-14 na araw, subalit maaari itong umabot mula 5-21 na araw at sa pagkakaroon ng virus na ito may mga sintomas na pwedeng lumitaw sa tao lalo na kung nag-uumpisa na ang sakit sa’yong katawan.

Narito ang mga sumusunod:

  • Lagnat
  • Rashes
  • Pamamaga ng lymph nodes na maaaring magresulta ng medical complications’
  • Sakit ng ulo at pananakit ng muscles
  • Pananakit ng likod
  • Panlalamig o chills
  • Pagkapagod o exhaustion

Huwag kakalimutan na pagkatapos ng lagnat o sa loob ng 1-3 na araw o mas mahaba pa maaaring madebelop ang rashes sa tao at madalas na nagsisimula ito sa mukha.

Narito ang mga sumusunod na lesions progress na pwedeng maranasan:

  • Macules
  • Papules
  • Vesicles
  • Pustules
  • Scabs

Sinasabi na ang sakit na ito ay pwedeng magtagal ng 2-4 na linggo at sa Africa ang monkeypox ang dahilan ng pagkamatay ng 1 tao sa sampung indibidwal na may contract sa sakit.

Nagagamot ba ang monkeypox?

Sa kasalukuyan, wala pang proven at safe treatment sa monkeypox infection, ngunit para sa layuning pagkontrol ng monkeypox sa United States ginagamit ang mga sumusunod upang makontrol ang pagkalat nito:

  • Smallpox vaccine
  • Antivirals at Vaccinia immune globulin (VIG)

Paano ito maiiwasan?

Maraming paraan upang maiwasan ang virus na ito. Narito ang mga sumusunod na dapat mong gawin:

  • Iwasan ang mga hayop na natagpuang patay kung saan naganap ang monkeypox.
  • Pag-iwas sa mga bagay na may kinalaman sa may sakit na hayop.
  • Pag-isolate sa infected patients upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
  • Sanayin ang sarili sa good hand hygiene pagkatapos magkaroon ng contact sa infected na hayop at tao.
  • Kung ikaw ay isang health workers gumamit ng Personal Protective Equipment (PPE) kapag nangangalaga ng pasyente.

May bakuna ba para dito?

Ang JYNNEOS na kilala rin bilang Imvamune o Imvanex ay isang attenuated live virus vaccine na aprubado ng U.S Food Drug Administration para sa prevention ng monkeypox. Kasalukuyang ini-evaluate ng Advisory Committee on Administration Practices (ACIP) ang JYNNEOS  para sa proteksyon ng tao nasa risk ng occupational exposure.

Sa kasalukuyan wala pa ring bakuna para sa monkeypox ngunit batay sa ilang pag-aaral lumalabas na mabisa ng 85% ang bakuna kontra bulutong para sa monkeypox.

Kasalukuyang estado ng monkeypox sa buong mundo

“We are detecting more cases on a daily basis,” ayon sa balita mula sa GMA News Online. Dahil isang norm na sa Britanya ang transmission ng monkeypox. 

“We are finding cases that have no identified contact with an individual from West Africa, which is what we’ve seen previously in this country,” pahayag ng Chief medical adviser ng UK Health Security Agency.

Bagamat na hindi pa kumakalat ang ang transmission ng monkeypox sa maraming panig ng mundo at itinuturing pa ring banta ito sa kalusugan at buhay ng bawat indibidwal dahil sa medikal na komplikasyon na hatid ng virus na ito. 

Kasalukuyang gumagawa ng mga pangunahing hakbang ang mga bansa sa pagkontrol at pag-iwas sa pagkalat ng virus na ito, gaya ng Pilipinas.

Key Takeaways

Ang monkeypox virus ay pwedeng kumalat sa pamamagitan ng human-to-human at animal-to-human. Ngunit maraming paraan na pwedeng gawin upang maiwasan ito at maganda kung susundin ito para sa kaligtasan. Kasakuluyang unting-unti kumakalat ang virus na ito sa iba’t ibang panig ng bansa kaya anuman ang sintomas na maramdaman na may kaugnayan sa monkeypox, maganda kung kumonsulta agad sa doktor para sa medikal na atensyon at payo, para maiwasan na rin ang pagkalat ng virus at maisalba ang buhay ng bawat isa.

Matuto pa tungkol sa Balitang Kalusugan dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Monkeypox, https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/monkeypox, Accessed May 20, 2022

About Monkeypox, https://www.cdc.gov/poxvirus/monkeypox/about.html, Accessed May 20, 2022

Monkeypox, https://www.cdc.gov/poxvirus/monkeypox/index.html, Accessed May 20, 2022

Monkeypox, https://www.who.int/philippines/news/q-a-detail/monkeypox, Accessed May 20, 2022

NYC investigating possible case of monkeypox as global infections rise, https://abcnews.go.com/Health/nyc-investigating-case-monkeypox-global-infections-rise/story?id=84858978, Accessed May 20, 2022

Kasalukuyang Version

06/21/2023

Isinulat ni Lornalyn Austria

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Mia Labrador, MD


Mga Kaugnay na Post

Virginity Soap o Bar Bilat: Ligtas At Aprubado Ba Itong Gamitin?

Pagdami Ng Populasyon, Bumabagal Na Raw Ayon Sa PopCom


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Lornalyn Austria · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement