Ibinunyag ni Miles Ocampo sa isang social media post noong Biyernes, Abril 14 na sumailalim siya sa operasyon noong Marso, matapos ma-diagnose na mayroon siyang papillary thyroid carcinoma. Sa kanyang post makikita ang larawan niya habang naka-confine at nagpapagaling.
Ibinahagi rin ng aktres takot siyang bumisita dati sa hospital, ngunit noong nakaraang taon, naramdaman ni Miles na wala siya sa kanyang normal na sarili.
Miles Ocampo
Kaya minabuti ng dalaga na ibigay ang kanyang “account of medical ordeal” mula noong una siyang nakaranas ng mga sintomas hanggang sa kumunsulta siya sa isang doktor. Kung saan batay sa diagnosis kinakailangan niyang sumailalim sa thyroidectomy surgery para alisin ang kanyang thyroid glands.
“For someone who’s afraid of needles, I feel like it was an endless blood test, ultrasound to biopsy, then the decision to remove it ASAP, I had to undergo thyroidectomy surgery to remove my thyroid glands. It all happened in an instant,” paglalahad ng aktres.
Para malaman pa ang iba pang detalye tungkol sa Miles Ocampo Cancer Journey, patuloy na basahin ang article na ito.
Ano ang papillary thyroid carcinoma na sakit ni Miles Ocampo?
Ang papillary thyroid carcinoma (PTC) ay ang pinakakaraniwang anyo ng well-differentiated thyroid cancer, at pinakakaraniwang anyo ng thyroid cancer na resulta ng pagkakalantad o exposure sa radiation. Lumilitaw ang papillary carcinoma bilang irregular solid o cystic mass o nodule sa normal thyroid parenchyma.
Kadalasan ang mga pasyente na may papillary thyroid cancer ay asymptomatic. Gayunpaman, ang pinakakaraniwang sintomas nito ay pagkakaroon ng mass sa leeg. Dagdag pa rito, ang PTC ang isang kondisyon na madalas sa mga babaeng nasa 40 taong gulang.
Miles Ocampo Cancer Journey: Kumusta na ang aktres?
Pagkatapos magbahagi ni Miles ang kanyang health condition status sa kanyang social media post, hindi nakalimutan ng dalaga na magpasalamat sa kanyang mga doktor, pamilya, management, at kasintahan na si Elijah Canlas sa pagiging bahagi ng kanyang health journey.
“A month after my operation, here I am embracing my journey and sharing it to all of you,” pahayag ng aktres. “I’ve been receiving messages from you guys who has the same situation with me that you’re inspired with what I went through, but sharing your experiences too and reading your comments inspired me too,” pagdaragdag ni Miles.
Payo ng aktres sa netizens
Pinaalalahanan ng dalaga ang publiko na iwasan ang paggawa ng mga masasakit na komento at maging maingat sa paglikha ng mga puna sa mga sitwasyon ng ibang tao.
Ang kanyang social media post at payo ay inulan ng maraming positibong komento at pagsuporta na dahilan din kung bakit mabilis na kumalat ang kwento ng pakikipaglaban ng dalaga sa kanser.
Paalala ng mga doktor at eksperto?
Ayon sa American Cancer Society (ACS) karamihan sa mga taong nagkakaroon ng thyroid cancer ay walang “known risk” o panganib. Kaya bilang resulta, hindi napipigilan ang pagkakaroon ng PTC. Dagdag pa rito, ang exposure sa radiation ay nagdaragdag pa ng panganib sa pagkakaroon ng isang tao ng thyroid cancers.
Kaya naman hindi ginagamit ng mga healthcare providers ang mga paggamot o test na may kinalaman sa radiation, maliban kung talagang kinakailangan talaga— at kapag gumamit sila nito asahan mo ang pinakamababang dose ng radiation ang gagamitin nila hangga’t maaari.
Batay rin sa mga eksperto, bagama’t na “no known risk” ang sakit na ito, ang pagpapanatili ng katamtamang timbang ng katawan ay pwedeng makatulong nang malaki para mabawasan ang panganib na pagkaroon ng PTC.