May Parsons: Pinay Nurse Na Unang Nagturok Ng COVID Vaccine, Pinarangalan
Noong Martes (Hulyo 12), kinilala si May Parsons, isang Filipino nurse, sa kanyang hindi matatawarang kontribusyon sa pagturok ng unang aprubadong COVID-19 vaccine sa buong mundo. Buhat nito, tinanggap niya ang George Cross mula kay Queen Elizabeth II bilang katawan ng National Health Service.
Sino Si May Parsons? Ano Ang Kanyang Ginawa?
Si May Parsons ay isang Filipina nurse na kasalukuyang nakabase sa United Kingdom at nagtatrabaho bilang isang kawani sa ilalim ng National Health Service (NHS). Ito ay isang goverment-funded medical at health care service para sa mga taong naninirahan sa UK. Siya ay isang Modern Matron para sa Respiratory Services sa University Hospitals Coventry at Warwickshire Trust.
Ayon sa The Varsitarian, natanggap ni Parsons ang kanyang nursing degree mula sa Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila noong 2000. Siya ay nagtrabaho sa UST Hospital sa loob ng tatlong taon, bago tuluyang lumipat sa UK noong 2003.
Noong Disyembre 8, 2020, naging makasaysayan ang pagsasagawa ni May Parsons ng unang pagbigay ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine. Matatandaan na ito ang kauna-unahang bakuna sa buong mundo na ipinagkalooban ng Medicines & Healthcare Products Regulatory Agency (MHRA) sa UK ng Emergency Use Authorization upang makatulong labanan ang virus na patuloy kumikitil ng maraming buhay. Sa kabilang banda, ang 90-taong-gulang na si Margaret Keenan naman ang siyang unang taong nakatanggap nito. At, humigit-kumulang isang taon makalipas ang naturang unang pagbabakuna, natanggap ni Parsons at Keenan ang kani-kanilang mga booster shots.
Simula noon, ang NHS England ay nakapagbigay na ng higit sa 125 milyong bakuna sa mga tao.
Si May Parsons At Ang Kanyang Pagtanggap Ng George Cross
Apat na George Cross medals ang iginawad sa NHS para sa apat na nasyon — England, Wales, Scotland, at Northern Ireland. Bawat nasyon ay may kinatawan ng frontliner sa panahon ng award ceremony sa Windsor Castle. At si May Parsons ang itinalaga para sa NHS England sa ngalan sa ngalan ng 1.5 milyong kawani ng NHS England. Kasama niya sa kanyang natatanging pagdalo sa seremonya ang punong ehekutibo ng NHS na si Amanda Pritchard.
Ayon sa Royal Family, ang George Cross award ay unang ipinagkaloob noong 1940 ng ama ng Reyna, si King George VI. Ito ay ipinagkakaloob bilang pagkilala sa mga gawa ng pinakadakilang kabayanihan o ng pinakamatatapang sa kalagayan ng matinding panganib.
Buhat ng pagkaparangal kay May Parsons, ipinahayag din ng British Ambassador para sa Pilipinas na si Laure Beaufils sa kanyang tweet ang pagkilala sa natatanging katapangan, pakikiramay, at dedikasyon at matatawarang dedikasyon ng mga Filipino staff ng NHS.
Ang UK ay host ng humigit-kumulang 30,000 Filipino nurses at healthcare workers. Pumapangatlo sila sa pinakamalaking nationality group sa NHS kasunod ng British at Indian staff.
Pag-Unawa Sa Kahalagahan Ng Pagbabakuna Para Sa COVID-19
Mahigit dalawang taon na ang nakalilipas ngunit laganap pa rin ang pandemya. At ngayon na tumataas muli ang araw-araw na tala ng mga kaso, nararapat na magdoble o triple ingat ang bawat isa upang hindi makuha ang impeksyon. Sa ngayon, ang tanging paraan upang labanan ito ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang layer ng proteksyon.
Iginiit ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na ang pagbabakuna laban sa COVID-19 ay ang mas ligtas at mas maaasahang paraan upang bumuo ng immunity kumpara sa natural immunity lamang. Ginagaya ng mga bakuna ang virus upang makagawa ng mga antibodies na siyang nagbibigay ng proteksyon. Hindi lamang pinapababa ng mga bakuna ang panganib ng impeksyon, pinipigilan din nila ang mga malubhang sakit at kamatayan.
Higit pa rito, ang malawakang pagbabakuna ay maaari ring humantong sa herd immunity. Malaki ang maitutulong nito sapagkat maaaring mapatuloy ng mga tao ang kani-kanilang mga regular na aktibidad nang may pag-iingat.
Bukod sa dalawang doses, mainam ding kumuha ng booster shot, kung ikaw ay kwalipikado na para rito. Mahalagang mayroon ka nito dahil mapapalakas nito ang iyong immunity laban sa COVID-19, na maaari bumaba sa paglipas ng panahon.
Alamin ang iba pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.
Disclaimer
Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.
May Parsons’ Instragram Post, https://www.instagram.com/p/CUSXNBUgP7c/?hl=en Accessed July 14, 2022
Pfizer and BioNTech Achieve First Authorization in the World for a Vaccine to Combat COVID-19, https://www.pfizer.com/news/press-release/press-release-detail/pfizer-and-biontech-achieve-first-authorization-world Accessed July 14, 2022
Filipino nurse represents UK health workers to receive courage award from Queen, https://www.rappler.com/nation/overseas-filipinos/nurse-represents-united-kingdom-health-workers-receive-courage-award-queen-elizabeth/ Accessed July 14, 2022
Pfizer and BioNTech Celebrate Historic First Authorization in the U.S. of Vaccine to Prevent COVID-19, https://www.pfizer.com/news/press-release/press-release-detail/pfizer-and-biontech-celebrate-historic-first-authorization Accessed July 14, 2022
Benefits of Getting A COVID-19 Vaccine, https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/vaccines/vaccine-benefits.html#:~:text=Getting%20vaccinated%20against%20COVID%2D19,ages%205%20years%20and%20older Accessed July 14, 2022
Getting a COVID-19 Vaccine, https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/vaccines/expect.html Accessed July 14, 2022