Ang HIV (human immunodeficiency virus) ay isang virus na umaatake sa cells na tumutulong sa ating katawan na labanan ang impeksyon. Kung saan, sa oras na magkaroon ka ng HIV maaaring gawin nitong mas mahina ang isang tao sa iba pang mga impeksyon at sakit. Isa ito sa mga sakit na pwedeng makuha sa pamamagitan ng sexual intercourse o pakikipag-sex. Kaya naman, nagiging maingat ang marami sa atin sa sex upang maiwasan ang pagkakaroon ng HIV.
Ngunit, alam mo ba na may 86 na bagong kaso ng HIV sa teenager at batang Pilipino noong Enero, ayon sa Department of Health (DOH). Ang kamakailang ulat na ito ay ikinagulat nang marami, dahil nagpakita rin ito ng kabuuang tally na 1,454 HIV-positive noong Enero.
Ikinabigla rin nang marami ang 79 sa mga bagong kaso, dahil nasa 10 hanggang 19 taong gulang ang mga ito, habang 7 naman ang mga batang wala pang 10 taong gulang.
Kaso ng HIV sa teenager, bakit tumaas?
Ang mga kaso ng HIV sa teenager ay nakuha nilang lahat sa pamamagitan ng pakikipag-sex, ayon sa DOH, maliban sa isang kaso na walang data sa mode of transmission.
Dagdag pa rito, ayon na rin sa mga balita, ang mga may edad na 2 hanggang 9 ay natagpuang nakakuha ng virus sa pamamagitan ng vertical transmission — o mula sa isang nahawaang buntis hanggang sa batang kanyang dinadala.
Binigyang-diin din ng DOH na ang 39 na HIV-positive na indibidwal mula sa iba’t ibang pangkat ng edad ang namatay noong Enero dahil sa impeksyon o sa “due to any cause.” Lumabas din sa mga ulat na 8 sa mga kasong ito ay 15 hanggang 24 taong gulang; 22 kaso ay 25-34 taong gulang; 8 ay 35-49 taong gulang; at ang 1 ay 50 taong gulang o mas matanda.
Ilan ang mga namatay sa kaso ng HIV sa teenager, bata, at matanda?
Batay sa ulat ng CNN, labing-walo o halos kalahati, sa mga bagong nakalista ay namatay. Kung saan mula lamang sila sa tatlong rehiyon: Central Luzon, Metro Manila, at Northern Mindanao. Dagdag pa rito, mula Enero 1984 hanggang Enero 2023, sinabi ng DOH na may kabuuang 110,736 na kaso ng HIV ang naitala sa bansa, kung saan 6,383 ang naiulat na namatay.
Bakit nga ba mapanganib ang paglaki ng kaso ng HIV sa teenager?
Ayon sa Mayo Clinic, ang HIV ay isang sexually transmitted infection (STI). Maaari itong kumalat sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- pakikipag-ugnayan o contact sa infected na dugo;
- mula sa ipinagbabawal na injection drug use; at
- pagbabahagi o pakikigamit ng mga karayom o needles
Maaari ring kumalat ang HIV mula sa ina hanggang sa anak sa panahon ng pagbubuntis, panganganak, at pagpapasuso. At ayon pa sa pag-aaral, kung walang gamot, maaaring tumagal ng maraming taon bago pahinain ng HIV ang iyong immune system hanggang sa punto na magkaroon ka ng AIDS.
May gamot ba sa HIV?
Sa katunayan, walang lunas para sa HIV/AIDS, pero maaaring makontrol ng mga gamot ang impeksyon, at maiwasan ang paglala ng sakit. Ang mga antiviral treatments para sa HIV ay nagpababa ng mga pagkamatay nang dahil sa AIDS, at batay na rin sa Mayo Clinic ang mga internasyonal na organisasyon ay nagsusumikap na pataasin ang pagkakaroon ng mga hakbang sa pag-iwas at paggamot sa mga bansang mahihirap.
Payo ng doktor para maiwasan ang HIV?
Ayon sa mga pag-aaral at doktor, ang sinumang nakikipag-sex ng walang condom o nakikibahagi o gamit ng mga karayom ay nasa panganib ng impeksyon sa HIV.
Kaya naman narito ang ilan sa mga mabisang paraan upang maiwasan o mabawasan ang panganib ng impeksyon sa HIV:
- paggamit ng condom para sa pakikipag-sex
- post-exposure prophylaxis (PEP)
- pre-exposure prophylaxis (PrEP)
- paggamot para sa HIV upang mapamahalaan at hindi pa umunlad ang sakit
- kung gumagamit ka ng mga niresetang gamot, huwag mong ipapahiram o ipagamamit sa iba ang iyong mga karayom, at iba pang kagamitan sa pag-inject, kabilang ang mga syringe at personal na instrumento
Tandaan mo rin naman dapat makipag-usap ka sa iyong local sexual health clinic para sa karagdagang payo tungkol sa pinakamahusay na paraan upang mabawasan ang iyong panganib sa HIV.