Patuloy na mainit na pinag-uusapan ang paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Executive Order (EO) No. 7 noong Oktubre 28, na nagpapahintulot sa boluntaryong pagsusuot ng face masks sa indoor at outdoor setting. Habang isinasagawa ang minimum public health standards dahil nasa ilalim pa rin tayo ng public health emergency bunga ng COVID-19 pandemic.
Ang mga health protocol gaya ng paghuhugas ng kamay, physical distancing, at maintenance ng magandang bentilasyon sa indoor at outdoor settings ay inirerekomenda pa rin na sundin upang maiwasan ang COVID-19 infection.
“A policy of voluntary wearing of face masks in both indoor and outdoor settings is a positive step forward towards normalization, and a welcome development that would encourage activities and boost efforts toward the full reopening of the economy,” pahayag ni Marcos Jr.
Binanggit rin ng Pangulo ng Pilipinas sa Executive Order na niliberalized ng mga kalapit na bansa sa Timog-Silangang Asya at iba’t ibang gobyerno sa buong mundo ang kanilang mask mandates. Sa mga bansang ito, walang naging makabuluhang pagtaas sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 ang naitala sa kabila ng mandato sa paggamit ng face masks.
Required Pa Rin Bang Magsuot Ng Face Masks Ang Mga Nasa Healthcare?
Malinaw na nakasaad sa Executive Order No. 7 na mandatory pa rin sa healthcare facilities, medical transport vehicles, at pampublikong sasakyan ang pagsusuot ng masks.
Hinihikayat rin ang mga matatanda na may comorbidities, indibidwal na immunocompromised, mga unvaccinated na tao, buntis, at symptomatic persons na magsuot pa rin ng face mask para maiwasan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19.
Ano Ang Gampanin Ng Local Government Unit o LGU Sa Pagsasagawa Ng EO No. 7?
Ang LGUs ay binigyan ng order na magpasa ng regular vaccination at booster coverage status para iulat ito sa Department Of Health (DOH), at para magawa ito kinakailangan ang kooperasyon ng lahat ng departamento, at agency gaya ng mga sumusunod:
- State universities
- Colleges
- Government-owned at controlled corporations
- Financial institutions
Isa pa sa mga tungkulin ngayon ng LGUs bilang pagtugon sa pangangailangan ng EO No. 7 ang pagbibigay ng buong assistance at kooperasyon sa IATF.
Bakit Mahalaga Pa Ring Mag-Mask, Ayon Sa Doktor?
Ayon kay Dr. Jaiem Maranan, isang general practitioner, mahalaga pa rin ang pagsusuot ng mask sa panahon ngayon dahil hindi pa rin nawawala ang risk na pwedeng mahawa o magkaroon ng COVID-19 ang isang indibidwal bagamat may posibilidad na bumaba ang hawaan.
Dagdag pa niya ang pagsusuot ng mask ay nagbibigay ng proteksyon sa’yo at maging sa mga taong nakapaligid sa iyo. May mga kaso pa rin tayo ng asymptomatic o mga taong hindi alam na may COVID-19 sila, kaya dapat tayong mag-ingat pa rin.
Binigyang-diin din ni Dr. Maranan na napakahalaga ng pagsusuot ng mask para maiwasan ang impresyon na hindi kabaha-bahala ang COVID-19. Ang hindi pagsusuot ng mask ay maaaring maging sanhi ng pag-iisip ng tao na ayos lamang ang hindi pagsunod sa minimum public health standards (MPHS).
Malaki rin ang nagiging impluwensya ng pagsusuot ng mask sa pagkakaroon ng lakas ng loob ng tao sa pakikipamuhay sa lipunan. Sapagkat batay pa sa naging pahayag ni Dr. Maranan ang pagsusuot ng mask ay nakakatulong para mas maging confident tayo sa pagkakaroon natin ng kaligtasan at proteksyon.
“Maipapayo ko na mas mainam pa rin na magsuot ng face mask dahil, ang risk na magkakaroon ng COVID-19 ay hindi nawawala or nababawasan. Mas maigi na nagsusuot pa rin ng mask, mapa nasa outdoor or indoor setting, at lalong-lalo na kung ikaw ay immunocompromised, hindi pa fully vaccinated, at nasa edad na. Tandaan na ang pagsusuot ng mask ay hindi lamang proteksyon para sa sarili laban sa COVID-19, kundi proteksyon rin para sa ibang tao,” pagwawakas ni Dr. Maranan.
Matuto pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.