Nag-trend sa social media ang balita tungkol sa babaeng nangisay dahil sa epekto ng sobrang paggamit ng cellphone. Ngunit ang tanong may katotohanan ba ang konklusyon na ito bilang sanhi ng pangingisay ng babae na ito? Alamin sa artikulong ito ang kasagutan.
Pangingisay: Epekto Ng Sobrang Paggamit Ng Cellphone?
Mula sa balita ng GMA Public Affairs, pinaghihinalaan ng pamilya ni Jillian Tolop na ang sanhi ng pangingisay ng dalagitang ito ay dahil sa matagal na paggamit ng cellphone.
“Tumawag ‘yung anak kong lalaki na 5 years old, sabi n’ya mama si ate nagsusuka tapos pinuntahan ko sa kuwarto, ‘yung pagtingin ko puro color yellow ‘yung suka n’ya, mga 30 minutes after bumalik na naman ang anak kong lalake, sabi n’ya ‘mama si ate parang monster na!’ Tiningnan ko at naglupasay na siya du’n sa sahig, inangat ko s’ya papunta dito palabas sa sala, tapos ‘yung pinakadelekado pa kinakagat niya ‘yung dila n’ya,” pahayag ng ina ni Jillian.
Ayon pa sa balita, mahigit 3 araw nang inaabot ng alas-dos ng madaling araw si Jillian sa paggamit ng cellphone upang maglaro ng mobile games at magbabad sa kanyang social media accounts.
Kaugnay nito pagkatapos ng ilang araw na pagpupuyat ni Jillian nangisay ito at isinugod sa ospital sa Davao City.
“Sumakay kami ng taxi bitbit ‘yung kutsara doon sa loob ng baba n’ya para ‘di n’ya makagat ‘yung dila n’ya at kinunan s’ya ng vital signs, which is nahirapan sila maghanap tapos nilagyan nila ng dextrose para doon na isalin ‘yung anong pwedeng isalin sa kanya,” pagbabahagi ng ina ni Jillian.
Ano Ang Dahilan Ng Pangingisay Ng Dalagita Ayon Sa Doktor?
Batay sa doktor na tumingin kay Jillian dahil sa kawalan ng sapat na oras ng pagtulog, at laging wala sa oras ng pagkain ang sanhi kung bakit bumaba ang oxygen at potassium ng dalagita habang tumaas naman ang blood sugar nito.
“Ang findings ng doktor, gawa nga po ng wala s’yang kain na hindi maayos ‘yung kain n’ya wala sa tamang oras, sobrang puyat po,” pagdaragdag ng ina ni Jillian.
Nagsagawa rin ng laboratory tests ang mga doktor na tumingin sa dalagita upang mas malinawan sila sa nangyari kay Jillian at ang mga resulta na lumabas mula sa tests ay ikinonsulta ng team ng GMA Public Affairs kay Dr. Gerald Velandres na isang general physician.
“Maaari ding kasi ang nangyayari ay ‘yung masyadong s’yang focus or masyado ng strain ang kanyang mata at lumalakas na ang lente nito or tumataas na ito. Kaya minsan nahihilo ang isang tao, once na mahilo magsusuka ito at manghihina ito,” ayon kay Dr. Velandres.
Kinakailangan kasi na 8-10 hours ang tulog na nakukuha ng minors, at 6-8 hours naman ang dapat na nakukuhang tulog ng adults upang makabawi ng lakas.
“Paggising ni Jillian sa umaga, ano ewan ko hindi na naghihilamos at cellphone agad, ‘yun na ‘yon hanggang sa tawagin na namin mag-almusal. Pagkatapos mag-almusal, ‘yun cellphone na naman agad, pag lunch kukunin ko na ‘yung cellphone sa mga bata,” pahayag ng ina ni Jillian.
Mahalagang Paalala Sa Paggamit Ng Cellphone
Sa naging kaso ni Jillian lumalabas na dahil sa sobrang pagagamit niya ng cellphone kaya napabayaan niya ang kanyang kalusugan na naging sanhi upang mangisay siya. Sa madaling sabi, naging malaking factor ang sobrang paggamit ng cellphone sa kanyang naging kondisyon at pangingisay.
Bagamat maraming magandang benepisyo ang cellphone sa ating buhay, dapat mo pa ring tandaan na ang anumang sobrang paggamit ng cellphone ay maaaring makasama sa iyo.
Ang sobrang paggamit ng cellphone ay pwedeng mauwi sa “smartphone addiction” at maging dahilan ng pagkakaroon ng impulse-control problems. Narito ang mga sumusunod:
- Information overload — pag-neglect o pagsasawalang bahala sa iba pang aspeto ng iyong buhay dahil sa napakaraming impormasyon na nakukuha mula sa cellphone.
- Cybersex addiction — pumapasok dito ang pagse-send ng mga nude picture o mga hubad na larawan, pagpapadala ng mga mensaheng hindi pinag-iisipan na may kaugnayan sa sex, at panonood ng pornography. Ang pagkakaroon ng ganitong impulse-control problem ay pwedeng maging sanhi ng pagkasira ng kasalukuyang relasyon, at kahirapan sa pagbuo ng mga seryosong samahan sa ibang tao.
- Online compulsions — maraming sugal ang makikita sa cellphone lalo’t mayroon kang internet at data. Pwede itong maging dahilan upang magkaroon ng adiksyon sa pagsusugal. Madalas ang mga taong may ganito ay nagiging pabigla-bigla sa paraan ng pagpusta.
- Virtual Relationship — ito ang padalos-dalos na pakikipagrelasyon sa pamamagitan ng online.
Key Takeaways
Bilang mga magulang maganda kung tuturuan natin ang ating mga anak sa balanseng paggamit ng cellphone para sa ikabubuti ng kanilang kalusugan. Maraming negatibong epekto ang labis na paggamit ng cellphone o anumang gadgets na dapat mong ipaunawa sa’yong anak, gaya ng pagkakaroon ng impulse-control problems.
Dagdag pa rito, pwede ring maging malaking factor ang sobrang paggamit ng cellphone sa pagkakaroon ng medikal na komplikasyon at problema ng isang tao, at huwag mong kakalimutan na ipakonsulta agad sa doktor kapag napansin na may kakaiba sa kilos, at kalusugan ng inyong anak upang maiwasan o maagapan ang mas malulubhang problema sa kalusugan.
Matuto pa tungkol sa Cellphone Addiction dito.