Ayon sa Department of Health (DOH) nasa 3,729 na ang mga kaso ng cholera sa Pilipinas ang naitatala sa bansa mula noong Enero 2022. Mas mataas ito ng 282% kumpara sa datos noong nakaraang taon sa parehas na panahon, at karamihan ng kaso ng kolera ay nagmula sa Caraga, Eastern Visayas, at Davao Region.
Lumabas rin sa mga datos na nakolekta na mula ika-28 ng Agosto hanggang ika-4 ng Setyembre ay nagkaroon ng 258 na kaso ng kolera na nagmula sa Bicol Region, Western Visayas, at Eastern Visayas. Gayunpaman nalampasan pa rin ng Central Luzon, Western Visayas, Eastern Visayas aang epidemic threshold level para sa cholera sa Pilipinas sa parehong panahon.
May Mga Namatay Na Ba Sa Cholera Sa Pilipinas Ngayong 2022?
Nasa 33 na tao na ang namatay sa cholera simula Enero — at 3 sa kanila ang naitala o logged noong Hulyo, habang 9 naman noong Agosto, at 2 para sa buwan ng Setyembre.
“We know that tag-ulan ngayon, maraming pagbaha, maraming napupunta rin sa evacuation centers natin and because of this kind of calamities, ‘yung water systems natin are mostly affected lagi kapagka ganyan, especially in this kind of areas,” sabi Maria Rosario Vergeire, DOH officer-in-charge.
Batay na rin sa naging pahayag ng DOH officer-in-charge tungkol sa isyu ng mga pagkamatay sa kolera, marami ang namamatay sa sakit na ito dahil hindi ito naagapan.
“May mga namamatay dahil kasi ang cholera, kapag hindi natin naagapan, nagkakaron ng severe dehydration ang mga pasyente, lalong-lalo na kung ang pasyente na may cholera ay immunocompromised o ‘di kaya vulnerable sila,” pagdaragdag ni Vergeire.
Dagdag pa rito, ayon na rin sa World Health Organization (WHO), ang kolera ay isang “extremely virulent disease” na pwedeng magdulot ng “severe acute watery diarrhea” dahil sa pagkonsumo ng tubig at pagkain na kontaminado ng bacterium Vibrio cholerae.
Maaaring maapektuhan ang kahit sino at kapag hindi ito naagapan o magamot maaari itong mauwi sa kamatayan.
Maituturing Na Bang Outbreak Ang Cholera Sa Pilipinas Ngayong 2022?
Ayon sa naging pahayag ni Maria Rosario Vergeire, wala pa ring local government units ang nagdedeklara ng outbreak dahil nananatiling “manageable” ang mga kaso.
Anu-Ano Ang Mga Sintomas Ng Cholera?
- Pagtatae — Ang pagtatae o diarrhea ay nauugnay rin sa cholera na maaaring magresulta ng “fluid loss.” Kadalasan ang dumi ng taong may cholera ay maputla na parang gatas na kahawig ng tubig na pinagbanlawan ng bigas.
- Pagduduwal at pagsusuka — Nagaganap ang pagsusuka lalo na sa mga unang yugto ng cholera at maaaring tumagal ito ng ilang oras.
- Dehydration — Pwedeng magkaroon ng dehydration sa loob ng ilang oras pagkatapos magsimula ang mga sintomas ng cholera. Maaaring magsimula ito sa banayad o mild hanggang sa maging malala ito. Ang pagkawala ng 10% o higit pa sa timbang ng katawan ay nagpapahiwatig ng matinding dehydration ng isang tao.
Bukod pa rito, kasama sa mga senyales at sintomas ng dehydration ang:
- Pagiging iritable
- Pagkahapo
- Paglubog ng mga mata
- Pagkakaroon ng tuyong mga labi
- Matinding pagkauhaw
- Pagiging tuyo ng balat
- Pagkabawas o kakaunti ang ihi
- Mababang presyon ng dugo
- Pagkakaroon ng hindi regular na tibok ng puso
Tandaan: Ang dehydration ay maaaring humantong sa maraming pagkawala ng minerals sa’yong dugo na nagpapanatili ng iyong fluid sa katawan, na maaari din magdulot ng pagbabago sa balanse ng mga alat at mineral sa katawan. Tinatawag na “electrolyte imbalance” ang ganitong klase ng kondisyon.
Key Takeaways
Sa ngayon ay wala pa ring local government units ang nagsasabi o deklara ng outbreak ng cholera dahil nananatili pa ring “manageable” ang mga kasong naitatala sa Pilipinas. Gayunpaman ipinapayo pa rin ang pag-iingat ng mga tao upang maiwasan ang pagkakaroon ng cholera dahil maaari itong makamatay.
Ang ilan sa mga paraan para maiwasan ang kolera ay ang pagtiyak na malinis at hindi kontaminado ang mga tubig at pagkain na balak ikonsumo.
Matuto pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.