Napakaraming links ang matatagpuan ngayon sa social media para sa pagbebenta ng bugayana herbal. Sinasabi na ginagamit ito bilang isang tonic drink sa Pilipinas at binebenta rin sa mga lokal na pamilihan. Nakakatulong daw ito sa pagharap sa mga impeksyon sa flu season, maging sa karaniwang sipon at pananakit ng lalamunan. Dagdag pa rito, nakakagamot din daw ang pinulbos na mga ugat ng bugayana sa depresyon at pagkapagod. Ngunit ang tanong, may katotohanan ba ang lahat ng ito? Ligtas ba itong gamitin at bilhin sa online at lokal na pamilihan? Ano ang mga bagay na dapat mong malaman sa pagbili ng ganitong klaseng produkto?
Basahin at alamin sa artikulong ito ang lahat ng kasagutan sa mga tanong na ito.
Ano ang itsura ng Bugayana herbal?
Karaniwang nakalagay o naka-prepack ang bugayana sa maliit na brown bag ang kada isang serving.
Paano ito ginagamit?
Pagkabukas ng sachet nito, ibubuhos lamang ito isang tasang may mainit na tubig, hahaluin saka iinumin.
Ligtas ba ang Bugayana herbal?
Nagpayo ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa pagbili at paggamit ng Crude Medicinal Plant Binisayang Tambal Bugayana Genuine. Sapagkat napatunayan ng FDA Post-Marketing Surveillance (PMS) — na hindi ito dumaan sa registration process ng Ahensya at hindi nabigyan ng awtorisasyon sa anyo ng Certificate of Product Registration.
Sa pagbubuod ng ilang mga bagay na nabanggit, ang pagkonsumo ng violate products ay pwedeng magdulot ng potensyal na panganib, o pinsala sa kalusugan.
Dagdag pa rito, kinokonsidera ng FDA ang herbal bilang pagkain at hindi bilang isang gamot. Samakatuwid, hindi sila napapailalim sa parehong pamantayan at regulasyon sa testing, manufacturing, at labeling standards and regulations bilang drugs.
Siguraduhin na makipag-usap muna sa doktor or pharmacists tungkol sa anumang gamot o herbal na nais bilhin.
Bakit kailangang sumunod sa payo ng FDA?
Tandaan din na tinitiyak ng regulasyon na ang mga produkto ay nakakatugon sa manufacturing standards. Ngunit, hindi laging garantiya ang pagiging epektibo nito sa isang tao. Subalit, ayon sa Republic Act No. 9711, na kilala rin bilang “Food and Drug Administration Act of 2009″. Ang paggawa, pagbebenta, pag-aalok, pagpro-promote, pag-advertise, pang-angkat at export. Maging ang pag-sponsor ng mga produktong pangkalusugan nang walang pahintulot mula sa FDA ay ipinagbabawal ng lubos. Dahil sa oras na mahuli na nilalabag ng sinuman ang Republic Act na ito. Asahaan ang regulatory actions at sanction na pwedeng kaharapin.
Ano ang gampanin ng Local Government Units (LGUs) at Law Enforcement Agencies (LEAs)?
Hinihiling sa lahat ng LGUs at LEAs ang pagtiyak sa mga produktong hindi aprubado na hindi talaga ito nabebenta o nagagamit. Partikular na sa kanilang lokalidad o areas of jurisdiction.
Paano gumawa ng informed decision sa pagbili ng produkto?
Ang manufacturers ng herbal ay responsable sa pagtiyak na totoo ang lahat ng claims ng kanilang produkto. Dagdag pa rito, bilang consumer narito ang mga dapat na tandaan sa pagbili at pagsigurado na totoo ang claims ng produkto:
- Tanungin at kausapin ang iyong doktor — Pwedeng makapagbigay ng pinakabagong medical guidance ang mga eksperto tungkol sa paggamit ng produkto at panganib na dala nito.
- Maghanap ng scientific findings — Manaliksik sa mga legit na source para magkaroon ng ideya sa produkto.
- Kontakin ang manufacturer — Kung hindi ka sigurado sa paggamit nito, maaaring tawagan ang manufacturer ng espisipikong produkto. Makakatulong ito para malinawan sa mga bagay na nais mabigyan ng kasagutan.
Key Takeaways
Magandang iwasan ang pagbili ng mga produktong hindi aprubado ng FDA para maiwasan ang anumang medikal na komplikasyon o problemang pangkalusugan. Kumunsulta muna sa doktor kung may anumang sakit na gustong mabigyan ng lunas. Makakatulong ito para makakuha ng angkop at wastong diagnosis at paggamot. Dapat ding ugaliing magtanong at manaliksik sa mga produktong hindi ka masyadong pamilyar. Dahil maiiwas ka nito sa anumang kapamahakan na pwede mong kaharapin sa hinaharap.