Ang selebrasyon ng Pasko sa Pilipinas ay isang tradisyon at kaugaliang nakasanayan ng maraming Pilipino. Ito ang panahon kung saan mas madalas maganap ang masasayang parties at mga pagkikita. Gayunpaman, sa nakalipas na 2 taon nalimitahan ang mga reunion dahil sa COVID-19 pandemic.
Naging sanhi ito ng kalungkutan para sa maraming Pilipino na malayo sa mga mahal sa buhay. Ngayong lumuwag na ang mga restriction dahil sa COVID-19, marami ang excited upang i-celebrate ang Pasko kasama ang kanilang pamilya.
Ngunit ang tanong, mahalaga at kailangan pa ba ang booster bago mag-Christmas reunions ngayong nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 sa Pilipinas?
Alamin ang kasagutan sa artikulong ito.
Booster bago ang Pasko, kailangan nga ba?
Kilala ang Pilipinas sa masayang pagdiriwang ng Pasko, mula sa mga paputok, masasarap na pagkain, at pagsama-sama ng isang pamilya. Normal para sa bansang ito na maging matao ang bawat mall, pasyalan, at iba pang mga lugar sa Pilipinas sa panahon ng Kapaskuhan. Matatandaan na nagkaroon lamang ng pagbabago sa pagdagsa ng tao sa iba’t ibang lugar sa bansa noong tamaan tayo ng pandemya.
Ngayong bumabalik ang mga Pilipino sa pagdiriwang ng Christmas, asahan ang patuloy na pagdagsa ng tao sa iba’t ibang establisyemento. Gayunpaman hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID-19 sa ating kalusugan.
Ayon sa mga doktor ang COVID-19 vaccines at booster ay makakatulong para proteksyunan ang ating mga sarili laban sa virus. Kaya naman sa panahon na mas magiging matao ang maraming lugar at kinakailangan mong makisalamuha sa ibang tao sa pamamagitan ng “face to face”, mas mainam kung nakumpleto mo na ang iyong COVID-19 vaccines at mayroon kang booster.
Bakit mahalaga ang booster shot kung gusto mo makipag-reunion?
Ayon sa Department Of Health (DOH) ang booster ay isa pang dose ng COVID-19 vaccines, na maaaring matanggap ng mga tao matapos ang ilang buwan pagkakuha ng kanilang pangunahing bakuna.
Maraming tao ang ayaw na maghangad ng booster dahil sa paniniwala na epektibo na ang pangunahing bakuna ng COVID-19. Ang iba naman ay nag-iisip na hindi sapat ang unang series ng bakuna para maging ligtas sila sa virus.
Gayunpaman sa kabila ng mga ganitong pag-iisip, dapat mong tandaan na ang pagkuha ng booster shots ay hindi nangangahulugang hindi gumagana ang mga pangunahing bakuna ng COVID-19.
Binigyang-diin ng mga eksperto at doktor na epektibo ang mga pangunahing doses ng COVID-19 vaccines upang protektahan ka sa virus. Nagkataon lamang na lumalabas sa mga pag-aaral na sa paglipas ng panahon bumababa ang ating proteksyon laban sa impeksyon.
Kailan dapat ako magpa-booster?
Ayon sa DOH pwede mong matanggap ang iyong booster shot 3 buwan matapos ang pangunahing bakuna ng COVID-19 vaccine. Tatlong buwan bago mag-Disyembre pwede ka na magpabakuna ng booster para maging mas ligtas sa pakikipag-interaksyon sa ibang tao.
Sinu-sino ang dapat na magpa-booster?
Maaaring makakuha ng booster ang mga indibidwal na nakatapos ng unang series ng kanilang bakuna ng COVID-19. Gayunpaman maganda kung magpakonsulta ka rin sa doktor para mas matiyak ang iyong kaligtasan, partikular ang mga buntis, bata, at mga tao na may underlying o binabantayan na medikal na kondisyon.
Saan pwedeng magpa-booster bago mag-Pasko?
Kapag ready ka na magpa-booster, maaari kang mag-register o pumunta sa vaccination sites sa inyong munisipalidad. Siguraduhin lamang na dala ang iyong vaccine card para sa unang series ng iyong bakuna para sa COVID-19 o COVID-19 certification, at I.D upang mabalido ang mga detalye tungkol sa iyo.
Matuto pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.