Hindi inaasahan ang biglaang pagkamatay ng aktres na si Barbie Hsu mula sa sakit na pneumonia. Ayon sa mga ulat, nagbakasyon ang aktres kasama ang kaniyang pamilya para sa Lunar New Year, ngunit bigla itong nagkasakit na humantong sa kaniyang pagkamatay.
Barbie Hsu, Namatay sa Pnuemonia sa Edad na 48
Ang aktres na si Barbie Hsu ay sumikat sa Pilipinas dahil sa palabas na Meteor Garden, kung saan siya ang gumanap sa papel na “San Chai” kasama ang F4.
Ayon sa isang statement mula sa kaniyang kapatid, bumiyahe raw silang mag-anak sa Japan para sa Lunar New Year. Nagkaroon raw ng influenza o trangkaso ang aktres, at di kalaunan ay humantong sa komplikasyon na pneumonia. Ito rin ang opisyal na ikinamatay ng 48-anyos na Taiwanese actress.
Ayon sa kaniyang kapatid:
I was grateful to be her sister in this life and that we got to care for and spend time with each other. I will always be grateful to her and miss her!
Naiwan ni Barbie Hsu ang kaniyang asawa na si Koo Jun-yup, at dalawang anak na edad 10 at 8 mula sa una niyang asawa.
Paano Nakamamatay ang Pneumonia?
Ang pneumonia isang uri ng impeksyon na nakakaapekto sa baga ng tao. Maari itong maging viral, o kaya naman ay bacterial. Kadalasan rin itong nagiging komplikasyon ng ibang respiratory disease tulad ng sipon, ubo, at trangkaso o influenza.
Hindi dapat binabalewala ang pneumonia dahil kahit sino ay maaaring magkaroon nito. Ngunit mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng pneumonia sa mga bata, matatanda, at mga taong mayroong mahina o compromised na immune system.
Kapag lumala ang pneumonia ay maaari itong humantong sa mga komplikasyon tulad ng respiratory failure, lung abscess o nana sa baga, at sepsis. Ang mga komplikasyong ito ay maaaring humantong sa pagkamatay.
Anu-Ano ang Sintomas ng Pneumonia?
- Masakit sa dibdib kapag umuubo o humihinga
- Pakiramdam na tila pagod
- Lagnat
- Hirap sa paghinga, o igsi ng paghinga
- Para sa bacterial pneumonia, ang ubo na may plema ay mas karaniwan, ngunit para sa viral, ito ay karaniwang tuyo na ubo
- Para sa mga matatandang pasyente, ang pagkalito ay isang pangkaraniwang sintomas
- Panginginig
Paano Makakaiwas sa Pneumonia?
Ang pinakamainam na paraan para makaiwas sa pneumonia ay ang pagpapabakuna. Malaki ang naitutulong ng kung tawagin ay pneumoccocal vaccine upang makaiwas sa pneumonia at mga komplikasyon nito. Bukod dito, mayroon ding mga ibang hakbang na maaaring gawin upang makaiwas sa pneumonia:
- Siguraduhing kumain ng masustansyang pagkain upang mapanatiling malakas ang iyong immune system.
- Kung ikaw ay naninigarilyo, mas maiging ihinto ito upang mabawasan ang panganib hindi lamang sa pulmonya, kung hindi pati na rin ang iba pang mga sakit sa paghinga.
- Umiwas sa pagkakalantad sa polusyon sa hangin, usok, at anumang usok na maaaring magdulot ng iritasyon sa iyong mga baga.
- Maaaring magpabakuna ang matatanda at bata ng bakunang magpo-protekta sa pulmonya.
- Regular na maghugas ng kamay dahil ang bakterya o virus na mula sa iyong kamay ay maaaring maipasa sa iyong bibig at magiging sanhi ng impeksyon.